Hindi nga pala biro ang pagpapaospital kung wala kang Philhealth o Medikard — at wala ka ring masyadong pera. Sa totoo lang, matutuliro ka.

Sinimulan kong sulatin ito noong nasa United Doctors Hospital sa Lucena City kami nina Nanay (lola ko) at Tito Rod. Ipinayo kasi ng doktor ni Nanay na ipatanggal ang tubig sa kanyang namagang tuhod na  nagdudulot ng matinding sakit kapag tumatayo o naglalakad.

Pagbaba sa bapor, sakay ng tricycle ay dumiretso na kami sa ospital. Kaunti lang ang dala kong pera at di ko pa nakukuha sa Western Union ang padala ng tiya ko na panggastos sa ospital.

Pagkapasok namin kay Nanay sa emergency room, pinapunta na ako ng mga nurse sa admission. Agad akong tinanong kung may Philhealth o health card daw ba si Nanay o alinman sa kanyang mga anak. Dahil ang sagot ko’y wala, kinakailangan ko raw magdeposito ng limang libong piso. At dahil maarte ako, ang pinili ko’y pinakamahal na kuwarto, sabay sabing partial lang muna ang ibibigay ko dahil kukuha pa ako ng pera. Pumayag naman sila.

Nakakatawa nga kasi sabi ko bago umalis, magsusuot ako ng may kuwelyo para di ako dedmahin ng mga doktor na kukulitin ko. Pero pagdating sa ospital, lumabas ang pagiging jolog ko — kulang ang pandeposito.

Pagkabalik ko galing sa pagkuha ng pera, sinalubong ako ng listahan ng mga kailangang bilhin sa farmacia ng ospital. Nasundan pa ito ng ilan pa sa maghapong iyon.

Mas naiintindihan ko na ngayon kung bakit bukod sa puyat, mukhang ngarag o kaya nama’y lutang ang maraming bantay ng mga pasyente. Nagkakaganoon sila sa kakaisip kung saang kamay ng Diyos nila kukunin ang pambayad sa ospital at pambili ng mga gamot.

Samantala, nangangarap pa rin ako ng isang bukas kung kailan ang bawat Pilipino ay maaaring magpagamot nang walang kailangang gastusin.

Pero sa kasalukuyan kalagayan — hangga’t may mga Jocjoc fertilizer scam at ZTE scandal at may makakating kamay na dumudukot sa kaban ng bayan, wari’y hanggang pangarap na lang ako.

Nakabalik na pala sa probinsiya si Nanay. At oo, iniisip ko pa kung saang kamay ng Diyos ko kukunin ang karagdagang pambayad sa ospital at pambili ng mga gamot habang wala pa  ang aking suweldo at ang bagong padala ng mga tiya ko.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center