Ang reynang itim ay di yayao nang walang huling hirit; dilaw na prinsipe’y pinutungan muna ng koronang tinik!

Sa kabila ng malawakang pagtutol sa loob at labas ng legal community dahil sa mga usaping legal at ethical, nagtalaga si Gloria Arroyo ng bagong punong mahistrado ng Kataastaasang Hukuman — isa sa maraming midnight appointments niya. Ayon sa saligang batas, dalawang buwan bago ang halalang pampanguluhan ay bawal nang mag-appoint ang pangulo ng mga bagong opisyal, liban na lamang kung pansamantala lamang at lubhang kailangan.

Sumapit ang takdang araw ng pagreretiro ni Chief Justice Reynato Puno noong Mayo 17 — na nasasakop ng ban sa midnight appointments. Bago ito, lumutang ang mga bali-balitang bago siya bumaba ay pipiliin ni Gloria ang isang associate justice na dati niyang tauhan. Sa bandang huli, iginiit ng mga taga-Palasyo na puwede namang mag-appoint ng bagong chief justice si Gloria.

Tinutulan ng marami, lalo na ng mga abogado, ang balak na ito ni Gloria. Ayon sa mga guro sa UP College of Law, ang susunod na pangulo na ang dapat magtalaga ng bagong mahistrado. Tatakbo pa rin naman daw ang Korte Suprema kahit acting chief justice lang muna ang mamuno. Dahil si Gloria rin ang nagtalaga sa lahat ng nakaupong associate justices, malalagay raw sa alanganin ang kalayaan ng Supreme Court kung appointee rin niya ang magiging chief justice.

Ganito rin ang posisyon ng noo’y kandidato pa lamang na si Noynoy Aquino. Di raw siya tatayo lamang at panoorin ang pagkawala ng tiwala ng mamamayan sa kalayaan at integridad ng hudikatura dahil lamang sa plano ng administrasyong Arroyo na palawigin ang kapangyarihan nito.

Naniniwala ang mga kritiko na gustong makasiguro ni Gloria. Sa dami ng mga eskandalong kinasangkutan niya habang nasa puwesto, patung-patong ang mga kasong maaaring isampa sa kanya pagkatapos ng kanyang termino. Kung panig sa kanya ang Korte Suprema, makakaligtas siya sa pananagutang legal.

Iniakyat sa Korte Suprema ang kaso, at noong Marso 17, nagbaba ito ng desisyong nagsasabing maaaring magtalaga ng bagong chief justice si Gloria.

At wala na ngang nakapigil kay Gloria. Pinili niya si Associate Justice Renato Corona, na kanyang tagapagsalita at chief of staff noong siya’y pangalawang pangulo. Nang mapatalsik si Joseph Estrada at maging pangulo si Gloria, si Corona ay naging presidential chief of staff, presidential spokesman, at kalaunan ay acting executive secretary. Hindi ipina-cover sa media ang panunumpa ni Corona sa Palasyo ng Malacanang noong Mayo 17.

Nang malinaw nang siya ang nanalo sa eleksyon, sinabi ni Noynoy na di siya manunumpa sa harap ng punong mahistrado ni Gloria. Hindi pa malinaw kung patuloy niyang tututulan ang pagkakatalaga kay Corona kahit pormal nang umupo ang bagong chief justice.

Sa pagtatalaga kay Corona, iiwan ni Gloria si Noynoy sa isang mahirap na kalagayan: kikilalanin ba niya ang kaduda-dudang pagkakatalaga kay Corona para maiwasan ang posibleng constitutional crisis, o patuloy niyang ipaglalaban ang kanyang prinsipyo at makatarungang pagsalungat sa kabila ng kaguluhang maaaring idulot nito?

(Pinoy Gazette)

Leave a comment

Post a reply