Dito sa Kamaynilaan, pamilyar ang marami sa pang-araw-araw na eksenang MRT. Pipila ka muna kung wala kang stored value ticket. Pagkatapos, pipila ka ulit sa guwardiya para sa security check. Puwede kang matapat sa punong pasukan ng ticket o sirang access card reader. Sa hintayan, makikita mo ang malalaking orasang iba’t iba ang oras. Ang biro ko nga, “One station, different time zones.” Kapag napa-CR ka, sa ilang estasyon ay madalas na under maintenance ang palikuran. Tatalikod ka na lang at dededmahin ang tawag ng kalikasan.

Depende sa timing ng pagpunta mo sa estasyon, maaaring ang madatnan mo’y kakaunting tao lamang pero tila walang hanggan ang gagawin mong paghihintay sa tren. Puwede rin namang matapat ka sa oras na napakaraming pasaherong naghihintay, at kahit may kadalasan ang dating ng tren ay halos walang makakasakay dahil parang sardinas na sa loob o kaya’y may mga makasariling ayaw umusod. At kapag sinuwerte kang maka-abante sa unahan ng kumpulang tinatawag ding pila, pagdating ng tren ay di mo na kailangang lumakad papasok sa pinto: awtomatiko kang makakapasok dahil sa malakas na puwersa mula sa likuran na magtutulak sa iyo.

Kung mahina ang tuhod mo, maaari kang mabuwal — kung may kaunti ka pang espasyong matutumbahan. Pero kadalasan, mananatili kang nakatayo, at di mo halos maigagalaw ang iyong mga kamay dahil sa sikip sa loob. Minsan ay may konting sigawan, at sa ilang pagkakataon ay nagkakapikunan. Magkakaamuyan kayo ng kadikit mo, at maririnig mo ang MP3 na tumutugtog sa earphones niya. Minsan, ko-quota ka pa sa kamalasan: sira ang aircon ng tren na iyong masasakyan! Kung mabango kang pumasok sa estasyon, asa pa you na ganoon ka pa rin pagdating sa ‘yong destinasyon.

Kung sa Cubao station ka bababa, dati ay sasalubungin ka ng nakakainsultong ngiting-aso ni Gloria Arroyo sa banner na nagsasabing “Salamat Pangulong Gloria sa ligtas at maginhawang paglalakbay.” Parang nakakainsulto, di ba? Buti na lang at di na siya pangulo, kaya’t wala na rin ang mga tarp na ganoon.

Asar na asar din ako sa voice over na trivia sa tren at sa MRT TV na ipinapakitang nagsasalita ang manager. Bakit kako di ang problema ng mga tren ang unahin? At bakit pinanatiling bagsak-presyo ang pamasahe kahit hirap na hirap ang mga sumasakay? Siguro naman kako, payag ang mga tao na magdagdag ng kahit konti para sa tunay na ligtas at maginhawang paglalakbay.

Pero may agenda noon ang kinasusuklamang rehimen. Sabi nga ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang unang state of the nation address:

“Ganito rin po ang nangyari sa MRT. Sinubukan na namang bilhin ang ating pagmamahal. Pinilit ang operator na panatilihing mababa ang pamasahe. Hindi tuloy nagampanan ang garantiyang ibinigay sa operator na mababawi nila ang kanilang puhunan. Dahil dito, inutusan ang Landbank at Development Bank of the Philippines na bilhin ang MRT.”

Mura nga ang pamasahe, dalawang level naman ang pahirap na bumabalik sa mga tao: ang araw-araw na hirap sa pagsakay, at ang dagdag na pasaning pagbili ng government financial institutions sa paluging negosyo. Suma total, mas lugi ang mga mamamayan.

‘Yung mga de-kotseng sang-ayon sa estilo ng nakalipas na administrasyon at kumokontra sa konting dagdag-pasahe sa MRT, subukan ninyong sakyan at saksihan ito isang umaga.

Leave a comment

Post a reply