Narinig mo na ba ‘yong kantang “Values Education”? Inawit ito ng grupo ng mga makabayang musikerong kinabibilangan nina Gary Granada, Noel Cabangon, at Cookie Chua. Inilabas ito ng party-list group na Akbayan at kasali ito sa album na “Huwag Kang Mang-Go-Gloria.”

Siguro, naisip mong, “Teka, ano kamo? Huwag kang mag-aano?” Tama ang basa mo: “Huwag Kang Mang-Go-Gloria.”

Kung itatanong mo kung ano ang ibig sabihin ng pamagat ng album, ikukuwento ko na lang sa iyo itong birong nabasa ko sa column ni Neal Cruz ng Inquirer kamakailan: Daraan pa raw sana si Gng. Gloria Arroyo sa Saudi Arabia pagkatapos ng pagdalo niya sa pulong ng UN Security Council sa Amerika. Kaya lang, nang mabalitaan daw niyang sa Saudi, pinuputulan ng kamay ang mga mandaraya, pinuputulan ng dila ang mga sinungaling, at pinupugutan ng ulo ang mga mandaraya, hindi na siya tumuloy.

Sa madaling salita, ang kantang “Values Education” ay nagtuturo ng tamang asal, lalo na para sa mga itinuturing na lingkod ng bayan. Heto ang lyrics na kanta na inilathala ng PCIJ sa kanilang blog (www.pcij.org/blog):

Values Education
by Gary Granada

Huwad na eleksyon
Kick-back at kumisyon
Suhol, lagay,
Graft and corruption
Ano ang solusyon
Ang sabi ng leksyon
Ika ay values education

Huwag kang mandadaya
Huwag kang magsinungaling
Ang mga panata
At pangako’y tuparin
Huwag kang manggugulang
Huwag kang mgsasamantala
Huwag kang manlalamang
Ng iyong kapwa

Gloria
Huwag kang manggu-Gloria
Huwag kang manggu-Gloria
Gloria Gloria Gloria Gloria
Huwag kang manggu-Gloria
Huwag kang manggu-Gloria
Gloria Gloria Gloria Gloria
Huwag kang manggu-Gloria

Ang pahalagahan
Kailangan ng bayan
Bahay, pagkain, kalusugan
Makapag-aral
Trabahong marangal
Hustisya at kapayapaan

Ngunit inuuna
Ng gobyerno ang utang
Pinatitindi pa
Ang logging, mining, at digmaan
Dahil di malaya
Sa dikta ng dayuhan
Lalong lumalala
Ang kahirapan

Gloria
Huwag kang maggu-Gloria
Huwag kang mang-e-
Erap Ramos Cory Marcos
Gloria
Huwag kang manggu-Gloria
Huwag kang mang-e-
Erap Ramos Cory Marcos

Gloria?

O, ikaw ba ay isang manggo-gloria rin? Aba, masama iyan. Pakinggan mo ang kanta para matamaan ka. Para sa mga gustong marinig ang “Values Education,” naka-post na ito sa Internet. Bukod sa PCIJ site ay mada-download din ito sa www.tinig.com.

Mayroon akong kilalang lingkod-bayan na hindi kailanman nang-gloria. Pumanaw siya kamakailan lamang: si Haydee Yorac, dating tagapangulo ng Philippine Commission on Good Government at Commission on Elections. Si Yorac, 64, ay isang ehemplo totoong lingkod ng bayan ay matapat, malinis, may prinsipyo, at may pag-asa at tiwala sa kabataan. At higit sa lahat, gaya ng naisulat ko na, si Yorac ay hindi nang-gloria.

Dumulog siya minsan sa ating mga botante. Noong 1998, tumakbo siya sa pagkasenador sa ilalim ng partidong Reporma, ngunit hindi matin siya pinagbigyan. Pero sa totoo lang, ang mga tulad ni Yorac ang dapat mamuno sa ating bansa. Sayang nga lang at hindi nangyayari, hindi na yata mangyayari. Sadya yatang wala tayong pagpapahala sa tunay na mahalaga. Mas gusto natin ang mga tulad ni Gloria.

Kaya naman naniniwala akong napapanahon talaga ang paglabas ng kantang “Values Education.” Sa mga panahong kulang tayo sa mga Haydee Yorac, dapat ay laging marinig ng mga taong-gobyerno ang paalaalang huwag silang manggo-gloria!