Harry Potter and the Prisoner of Azkaban
Harry Potter and the Prisoner of Azkaban (from Wikipedia)
Nanood kami ni Mhay ng Harry Potter kagabi. Sa kabila ng maraming negatibong puna, nagustuhan ko ang palabas. Ibabahagi ko sa inyo ang kolumn ko sa Pinoy Gazette nitong nakalipas na ilang linggo:

Isa siyang batang ulilang lubos na nakikitira lamang sa maliit na espasyo sa ilalim ng hagdanan ng bahay ng kanyang mga kamag-anak. Payat, malabo ang mga mata, at may pilat na hugis-kidlat sa kanyang noo, agad siyang kaaawaan ng sinumang makaalam ng kanyang buhay. Inaapi at binabalewala ng mga dapat sana’y nagmamahal sa kanya, laking gulat niya nang malamang sa ibang mundo pala’y sikat na sikat at kinagigiliwan siya ng marami.

Sa daan pa lamang papunta sa mundong kinabibilangan niya, nakilala na ni Harry Potter ang mga bagong kaibigan. Pagdating sa Hogwarts University, naranasan niya ang pagkalinga at pagmamahal mula sa mga tunay na kaibigan ng kanyang ina at ama. Ngunit kagaya ng halos lahat ng kuwento, makakaharap din niya ang mga kontrabida.

Kasabay ng pagkakatuklas sa masaklap na kapalaran ng kanyang mga magulang, natagpuan din niya ang kanyang sariling mga lakas at kahinaan. Sa paglipas ng mga araw, patuloy niyang nililinang ang kanyang kakayahan sa iba’t ibang bagay.

Puno ng salamangka, sorpresa at tuwa ang kuwento ni Harry Potter, kaya naman patuloy natin itong sinusundan.

May mga ilang noo’y nagtaas ng boses at nagpalaganap ng mga maling impormasyon tungkol kay Harry Potter at sa lumikha sa kanya. Anila, ang kuwento raw ni Harry ay nagpapakalat ng “black magic.” May sa demonyo raw ang awtor ng aklat. Hindi raw ito dapat panoorin ng mga Kristyano.

Sa muling paglibot ng kuwento ni Harry Potter sa mga pinilakang tabing sa buong mundo ngayong buwan, siguradong muling lilitaw ang mga ganitong katawa-tawang alegasyon. Pero ang mga ito’y di na lang dapat pansinin.

Oo nga’t kadalasa’y may kapilyuhan sina Harry at ang kanyang mga kaibigan, ngunit sino sa atin ang hindi naging makulit o matigas ang ulo sa isang panahon ng ating kabataan?

At paanong ang isang kuwentong nagtuturo ng pagmamahal, pakikipagkaibigan, at pakikipaglaban sa mga kampon ng kadiliman ay magiging ahente ng kasamaan? Hindi ba’t ang mga ito’y katangiang maka-Diyos? Bukod pa rito, dapat bang itakwil ang isang aklat–at pelikula–na muling humikayat sa mga kabataan ng daigdig na magbasa?

Isa sa mga dahilan kung bakit paborito ko si Harry Potter ay sapagkat iniligtas siya sa kamatayan ng kapangyarihan ng pagmamahal ng kanyang ina. Hindi katakataka, sapagkat ang lumikha kay Harry ay isang inang mag-isang itinaguyod ang kanyang mga anak.

Sa ikatlong pagbabalik ni Harry Potter, matatagpuan niya ang isang taong gaganap ng isang napakahalagang papel sa kanyang buhay. Pupunan ng taong ito ang mga hungkag na puwang sa kanyang pagkatao at kasaysayan. Napakasuwerteng bata.

Muli natin siyang samahan sa kanyang mundong makulay, masaya, at minsa’y nakakatakot pero ngunit laging kapanapanabik.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts