Mga pamana ni Pangulong Cory Aquino

Kagabi, in-overtake ang sinasakyan kong taxi ng mga motorsiklong may wang-wang. Kasunod nila’y ilang magagarang kotseng may wang-wang din. Napilitan pang huminto ang isang bus para bigyan sila ng daan. Malamang ay may sakay na VIP—posibleng opisyal ng gobyerno.

Naalala ko si Pangulong Cory Aquino. Marahil ay hindi niya magugustuhan ang ganoon. Nang papunta siya sa Club Filipino noong 1986 para manumpa bilang bagong pangulo, ang kanyang sasakya’y “maingat na tumitigil sa bawat pulang ilaw kahit halos walang trapiko,” ayon sa aklat na “Walang Himala” ni Angela Stuart-Santiago.  Pagkatapos ng seremonya ng paglilipat ng pagkapangulo kay Gen. Fidel Ramos noong 1992, tinanggihan ni Tita Cory ang presidential car na dapat sana’y maghahatid sa kanya sa bahay. Ganyan sana ang mga lider natin ngayon.

Dahil sa paglala ng kanyang kalagayan, gaya ng maraming Pilipino’y lagi ko ring naiisip ang dating pangulo nitong mga nakalipas na araw. At kaninang umaga, balita ng pagpanaw niya ang gumising sa akin. Umuwi na si Pangulong Cory, at siguro’y dilaw rin ang nangingibabaw na kulay sa lugar na kanyang pinatunguhan at masaya siyang sinalubong ng kanyang asawang si Ninoy. Nakakaharap na niya ang Lumikhang naging bukal ng kanyang lakas at pananampalataya.

Continue reading

Ako Mismo

Ako Mismo

Agad akong nag-sign up nang makita ko ang AkoMismo.org — hindi lang dahil Ely Buendia fan ako, kundi dahil nagustuhan ko ang kampanya.

Hinihiling ng Ako Mismo sa mga Pinoy netizens na isulat ang kanilang pangakong gagawin — maliit man o malaki — “tungo sa muling pagbangon ng Pilipinas.”

Sabi nga nila, ang pagbabago’y mag-uugat sa ating sarili. Upang maisulong ang isang rebolusyon, dapat ay magkaroon muna ng pagbabago sa atin mismong pagkatao.

Continue reading

Francis Magalona, 44

Francis Magalona (Photo from Wikipedia)

Francis Magalona (Photo from Wikipedia)

Nang pumanaw si Francis Magalona noong March 6, gaya ng marami ay nagulat at nalungkot ako. Ang inaasahan ko’y mababalitaan na lang nating magaling na siya at naghahanda nang lumabas sa ospital.

Ngunit iba ang nangyari.

Pero sa gitna ng pagluluksa ng bansa, lalo namang nangibabaw ang impluwensiya ni Francis M sa henerasyong ito.

Binaha ng comments ang kanyang blog at napakarami ng nag-search ng pangalan niya sa Web.

Kahit saan ka pumunta, maririnig ang kanyang mga awitin, lalo na ang Kaleidoscope World — sandaang libo ang nakikanta nito sa pinakahuling concert ng Eraserheads.

Sa mga mensahe ng kanyang mga kaibigan at tagahanga, mababasa ang pasasalamat sa inspirasyong ibinigay niya. Napanood ko rin sa Eat Bulaga kung paanong may mga kabataang dati’y walang magawa, ngunit nagkaroon ng direksyon ang buhay mula nang matagpuan ang kanyang uri ng musika — ang rap.

Continue reading

Parke ni Bonifacio

Lagi naming nadaraanan ang monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Balintawak kapag pabalik kami sa Maynila galing Pampanga. Ngunit di gaya ng bantayog ng ibang mga bayani — gaya ng kay Gat Jose Rizal sa Luneta, halimbawa — o ng mas malaking Bonifacio monument sa Grace Park, Kalookan, ang nasa may Balintawak ay parang hitsurang napabayaan. O pinabayaan.

Hindi nililinis ang paligid. Luma ang mga watawat. Parang monumento limot na bayani. At tinatambayan ng mga walang matirhan sa lunsod. Sa unang tingin, parang kawawa ang monumento. Pero kung pakaiisipin, di nga ba’t sa kanyang buhay, ang kasama ni Bonifacio ay ang masa? Di ba’t ayos lang na ang kanyang bantayog ay maging pahingahan at kanlungan ng mga kinakawawa ng lipunan?

Ano sa palagay ninyo? Ang ganitong kalagayan ba ng munting parke ni Bonifacio sa Balintawak ay pambabastos o pagbibigay-pugay sa kanyang alaala?

Mga bayani at mga nagpapakabayani

Marahil dahil katatapos lang nating gunitain ng Araw ni Senador Ninoy Aquino at ng Araw ng mga Bayani, tungkol sa mga bayani ang bagong article ng guro kong si Prof. Luis Teodoro — na kakapagdiwang lang ng kanyang kaarawan. Ganito ang bahagi ng isinulat niya:

Heroes all in the public mind and eye, what Rizal, Luna, Bonifacio, and Aquino seem to have had in common was how far they were from the perfection people assume heroes to be.

But there’s another sense in which they seemed to have been so much like the rest of us, and it’s in their having shared the same impatience, anger and outrage over injustice and misery many people do experience.

At dagdag pa niya, na sinasang-ayunan ko rin:

Continue reading

Sa araw ni Ninoy

Sa araw ni Ninoy, nauubusan ako ng mga salita. Buwan pa naman ng pambansang wika. Pagod lang siguro ako sa mga balita. Giyera at bagyo. Paulit-ulit.

Sa trabaho, kinakailangan kong balikan ang mga pangyayari sa Mindanao sa nakalipas na taon. At t nakita kong paulit-ulit lang. Away-bati ang GRP at MILF. Walang hanggang traiduran.

Samantala, sa may may Ilog Pasig, may nakaluklok pa ring mga maharlikang huwad — tulad din noong kapanahunan ni Senador Benigno Aquino, Jr.

Ito pa rin ba ang bansang pinag-alayan ng buhay ni Ninoy?

Andres Bonifacio bilang unang Pangulo

Pangulong Andres Bonifacio (DILG Photo)

Hanggang ngayon, hindi pa rin natatapos ang usapin tungkol sa unang pangulo ng Pilipinas.

Itinuturo ng opisyal na kasaysayan — na bunga na kolonyal na edukasyon — na si Emilio Aguinaldo ang kauna-unahang pangulo. Ngunit may mga historyador, gaya nina Dr. Milagros Guerrero, na nagsasabing si Andres Bonifacio ang tunay na unang naluklok sa posisyong iyan na hanggang ngayon ay pinag-aagawan pa rin.

Ang tungkol sa pagiging unang pangulo ni Bonifacio ay isa sa mga isyung tatalakayin sa susunod na labas ng I-Witness. Nasa ibaba ang article mula sa GMANews.tv:

Continue reading

Sigma Rho, itinakwil ni Jovito Salonga

Nagbitiw na kahapon sa Sigma Rho Fraternity si dating Senate President Jovito Salonga dahil sa pagkakadawit ng kapatiran sa pagkamatay ni Cris Anthony Mendez. Ayon kay Salonga, wala raw hazing noong panahon nila. Panoorin ang report ng GMANews.tv sa ibaba.

Sa pahayag ng isang Sigma Rhoan na si Ike Señeres, lumabas ang tunay na kulay ng ilang fraternity at ang sinasabi ni Prof. Luis Teodoro na pagbibigay ng mga fraternity ng “network of support and patronage from fraternity alumni in strategic positions in government, the professions and industry.”

Continue reading

Ninoy

Ninoy Aquino

May natanggap akong text joke noong isang araw. Wais daw si Lumen, kasi nung hinoldap ang bus na sinasakyan niya, palihim niyang ipinasok sa kanyang panty ang 500 piso. Kaya lang, nung kunin na raw niya ulit yung pera, nakalabas na ang dila ni Ninoy!

Tila si Ninoy ay kilala na lamang ng marami sa atin–lalo na ng mga kabataan–bilang ang “malungkot” na tao sa 500 piso, o kaya’y ang tatay ni Kris Aquino. Sabagay, 23 taon na mula nang paslangin si Ninoy sa paliparang ngayo’y nakapangalan na sa kanya.

Continue reading

Pagpapahalaga sa tunay na may halaga

Sinalubong ako kaninang umaga sa opisina ng balitang pumanaw na si Haydee Yorac. Gaya ng mga nakasaad sa mga nauna kong article, si Yorac ay isang ehemplo ng isang totoong lingkod ng bayan. Matapat, malinis, may prinsipyo, may pag-asa at tiwala sa kabataan. At higit sa lahat, si Yorac ay hindi nang-gloria.

Dumulog siya minsan sa ating mga botante, ngunit hindi siya pinahalagahan. Sabi nga ng mga kasama ko sa opisina kanina, ang mga tulad ni Yorac ang dapat mamuno sa ating bansa. Sayang nga lang at hindi nangyayari, hindi na yata mangyayari.

Sadya kayang wala tayong pagpapahala sa tunay na mahalaga?

Haydee Yorac, isang inspirasyon

Haydee Yorac

(Ang sanaysay na ito ay unang nalathala sa Pinoy Gazette at ipinost sa ederic@cyberspace noong October 13, 2004 @ 08:06. Muli itong inilalathala bilang pag-alaala kay Haydee Yorac.)

May mga nagsasabing habang nagkakagulang daw ang isang tao, unti-unti ring nawawala ang kanyang ideyalismo. Maaaring totoo iyan sa karamihan. Pero hindi sa ilan, tulad ni Haydee Yorac, tagapangulo ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) mula 2001 at Ramon Magsaysay Awardee for Government Service ngayong taon.

Noong Sabado, napanood ko ang ilang bahagi ng panayam sa kanya sa CNN Talk Asia. Ikinuwento niya kung paano siya nakapanghatak ng mga kabataang abogado mula sa UP College of Law na karamiha’y mga dati niyang estudyante. Natuwa at pinanindigan pa nga ako ng balahibo nang sabihin niyang naniniwala siyang hindi siya nag-iisa sa kanyang ideyalismo at kailanma’y di siya nawalan ng pag-asa. Continue reading

Jaime Cardinal Sin

Inilibing na kanina si Jaime Cardinal Sin. Siguro hindi tayo masasanay sa katotohanang wala na siya sa mundong ito. Tulad ng maraming mga dakilang tao na dumaan sa ating kapanahunan, mananatiling buhay si Cardinal Sin sa ating alaala at kasaysayan.

Nakasama siya ng ating mga magulang sa paglaban sa diktaduryang Marcos at sinunod ang kanyang panawagan sa EDSA People Power Revolution. Naroon din siya sa ating mga matsa sa Mendiola laban sa Cha-cha noong panahon ni Pangulong Ramos, at pagkatapos ay laban sa Concord ni Pangulong Estrada. Tinawag niya tayo papuntang EDSA Shrine noong People Power 2–pero ‘di niya tayo sinamahan sa Mendiola. Continue reading