Kagabi, nahabol namin ang Captain Barbell ni sa sinehan. Akala ko nga ay wala na ito dahil medyo matagal na rin namang natapos ang kasukdulan ng Metro Manila Film Festival. Para sa tulad kong isang masugid na mambabasa ng komiks, wari’y isang malaking kasalanan kung palalagpasin ang mga pelikulang ang tauhan ay hango sa komiks. Kaya naman kahit mapagkamalang isip-bata, niyaya ko pa rin ang lakambini sa panonood ng Captain Barbell, na gaya ni Darna ay likha rin ni Mars Ravelo.
Hindi kamangha-mangha ang teknikal na aspekto ng pelikula, ngunit para sa akin ay okay lang ito. Ang mahalaga’y malinaw nitong naipahatid sa audience–sa kaso ng Captain Barbell, ay mga bata–ang mga pagpapahalaga (values) na salat na salat at hindi na makikita sa marami sa mga pelikula ngayon. Naniniwala akong bahagi sa misyon ng media, kabilang ang pelikula, ang pag-i-educate sa mambabasa, tagapakinig, at manonood. Ilang ulit na ipinakita ni Enteng na ginampanan ni Ogie Alcasid ang kahalagahan ng pagmamahal sa pamilya, ng pagiging masipag, masikap at matipid, at lalung-lalo na, ang kababaan ng loob. Ang totoo niyan, kaya siya ang napiling pagkalooban ng kapangyarihan na maging Captain Barbell (Bong Revilla), ay dahil sa busilak niyang kalooban.
(Para sa mas malawak at maalam na paliwanag kung paanong naipakita at nagamit sa Captain Barbell ang mga dalumat ng loob at labas sa Sikolohiyang Pilipino, bisitahin ang pahinang ito sa Psychicpants.net.)
Samantala, nagulat ako kung bakit Cielo at hindi Narda ang pangalan sa pelikula ng karakter na ginampanan ni Regine Velasquez, na gumanap din dito bilang Darna Kung napanood ninyo ang pelikula, mauunawaan ninyo kung bakit.
Sa lahat ng mga tauhan, pinakanasaling ang damdamin ko sa kinahinatnan ni Dagampatay, na ginampanan ni Jeffrey Quizon. Sintu-sinto, mabaho’t marungis, itinataboy siya ng lipunan at tanging ang mabubuting mga kapatid ni Enteng ang tumatanggap at umuunawa sa kanya. Ang kanyang pagtulong ay inakala pa ngang paggawa ng masama. Nang di-sinasadyang magkaroon siya ng kadiring kapangyarihang katulad ng sa daga, dahil nakapipinsala’y kinailangan niyang mamatay sa mga kamay ni Captain Barbell gayong ang tanging nais niya’y “laro…”
Tinalakay din sa Captain Barbell ang kahalagahan ng matibay na pagkapit sa katuwiran at pananagutan (Hmmm, sana nga may natutunan ako rito) at ng totoong pagkakaibigan.
Di ko maiwasang mairita nang kaunti kapag maiisip ang eleksyon sa bawat paglabas ni Bong Revilla bilang Captain Barbell. May mga naiwan ding tanong nang matapos ang pelikula. Pero isa pa ring malaking kakulangan para sa mga naghihintay ng makabuluhang pelikulanggawang Pinoy kung napalagpas nila ang Captain Barbell.

Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
November 19, 2024
Films for International Men’s Day on Lionsgate Play
Witness powerful stories of strength, resilience, and brotherhood.
August 29, 2024
‘Joy Ride’ premieres November on Lionsgate Play
Irreverent comedy features four unlikely friends' unforgettable international…
May 12, 2024
Heartfelt movies and series for mom on Lionsgate Play
Celebrate moms with laughter, tears, and heartwarming stories.
[…] Noong 2003 naman, di ko rin pinalagpas ang Captain Barbell na pinagbidahan nina Bong Revilla, Ogie Alcasid, at Regine Velasquez. […]