in Biyahe Tayo, Titik ni Ederic

Habang isinusulat ito, masakit ang kaliwang balikat ko. Gaya nang dati, nakipagsapalaran na naman kasi ako sa MRT kaninang umaga. Mga tatlong tren muna ang dumaan bago ko naipagsiksikan ang sarili ko sa punong-punong bagon. Sumabit sa katawan ng ibang tao ang maliit na bag may lamang payong at powerbank at nahila nito nang todo ang balikat ko.

Kung tutuusin, masuwerte na rin ako kanina kasi hindi naulit ang halos isang oras na napakahabang pila na naranasan ko noong isang linggo sa GMA Kamuning Station. Ang pila papasok sa estasyon, tila ahas na umikot pababa sa hagdan, paakyat sa third floor na nagsisilbing tawiran, at tumawid hanggang sa kabilang bahagi ng estasyon.

Isa ako sa mga umasa sa mga pangako ng kasalukuyang administrasyon na aayusin kaagad ang MRT. Pero pagkalipas nang tatlong taon, araw-araw pa ring hamon sa katatagan ng mga pasahero ang pagsakay sa MRT. Minsan, naiisip ko, sinasadya ba ito para patuloy na sisihin ng sambayanan ang nakalipas na administrasyon at para mas tumaas ang tsansa ng anak ng pangulo na manalo sa susunod na halalan?

Pagkatapos kong maranasan ang napakahabang pila sa MRT noong isang linggo, sinubukan ko namang sa bus sumakay kinabukasan. Ayon, inabot nang isang oras ang biyahe mula Kamuning hanggang Cubao. Ito ‘yong noong istriktong ipinatupad ng MMDA ang yellow lane policy sa EDSA, na nagsasabing sa unang dalawang lanes sa kanan lamang puwede ang city buses. Lalo itong nagpalala sa trapik sa EDSA.

Dahil sa naging epekto nito, binabatikos ng maraming kritiko ng MMDA ang pinaigting na yellow lane policy. Ayon sa kanila, pangmayaman lang daw ba ang EDSA at ang mga ordinaryong pasahero lamang ang puwedeng mahirapan? Sa isang banda, nakakapikon ngang makita na ang bilis-bilis ng biyahe sa gawing kaliwa ng EDSA, pati sa mga flyover, samantalang halos hindi umuusad ang mga bus. Pero sa kabilang banda, kailangan din nating itanong kung bakit nagkakaganoon. Tinutupad ba ng bus drivers ang nakalaang panahon sa pagsasakay at pagbababa? Naipapatupad ba ang desisyon ng Kataastaasang Hukuman na magkaroon ng nakatakdang sahod ang mga driver at konduktor ng bus? Talaga bang mas maraming bus kaysa sa mga tao sa EDSA?

Ang karaniwang dahilan kung bakit ako sumasakay sa MRT papasok sa opisina, naka-leave ang sinasabayan ko sa carpool. Noong nasa Pilipinas pa ang Wunder, isang mobile app para sa carpooling, may options ako. Puwede akong humanap ng ibang carpoolers na nagpapasakay. Pero nitong Hunyo, winakasan na ng Wunder ang carpooling service nito sa Pilipinas. Dati na itong pinatigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at itinuring na kolorum ang mga driver na nahuling nagwu-Wunder. Ang hindi naintindihan ng mga taga-LTFRB, napakalaking tulong ng Wunder: mahigit sa kalahati ang tipid sa pamasahe at nakatulong pa itong mabawasan ang mga sasakyan sa kalsada. 

Bago ang Wunder, Uber naman ang sinasakyan ko. Mas mura ang UberShare noon kaysa sa taxi. May libreng kuwentuhan pa. Pinahirapan din ng LTFRB ang Uber — sinuspende at pinagmulta dahil sa pagsuway umano sa atas ng LTFRB. Noong 2018, ibinenta naman ng Uber sa Grab ang Southeast Asia operations nito. 

Maginhawang buhay para sa mga Pilipino ang pangako noon ng pangulo,  kaya hindi ko maintindihan kung bakit parang allergic ang LTFRB sa mga bagay na nakapagpapaginhawa sa biyahe ng mga tao.

Sa pagkawala ng mga makabagong pamamaraan ng pagko-commute gaya ng Uber at Wunder, nariyan pa rin naman ang Grab — napakamahal nga lang ng pamasahe. Maaari akong mag-taxi kung papalarin akong isakay ng mga tsuper na choosy. Nakita ko na ang forever ko, pero kung magbubus ako, may forever pa rin sa EDSA. Puwede ring mag-MRT, pero sasakay akong manggagawa, bababa akong mandirigma — mandirigmang masakit ang balikat.

Nalathala rin sa Pinoy Gazette noong Agosto 25, 2019.

Post a reply