Bloggers Unite - Blog Action Day

Di man ako modelo ng isang tunay na environmentalist–may mga gawain akong di maiwasan gaya ng pagkain sa mga fastfood na gumagamit ng styro, at iba pang mga bagay–may isang gawi ako na kahit paano’y maliit sigurong ambag para sa kalikasan. Eto ang malatalumpating pagtalakay ko tungkol dito para sa pandaigdigdang Blog Action Day for the Environment:

Kapag nasa dyip ako at may batang biglang nagtapon sa bintana ng balat ng kendi, nagugulat ako. Kapag matanda, ang pagkagulat ay nasusundan ng palihim na pagtingin nang masama.

Lagi kong naitatanong sa aking sarili kung bakit ang turing nating mga Pinoy sa ating kapaligiran ay isang malaking basurahan. Tapon doon, tapon dito, ‘ika nga ng isang lumang kanta. Mabuti kung mga dahon at papel lang ang itinatapon natin, e kadalasa’y mga plastik at iba pang bagay na di naman maaaring humalo nang kusa sa lupa.

Mas malupit ang pagtrato natin sa likas na yamang-tubig. Tumingin ka lang sa alinmang ilog–sa Kamaynilaan man o sa mga probinsya–at makikita mong kadalasa’y mga basura mula sa mga tao ang nagsisilbing pampang ng ilog. Sa amin sa Marinduque, may dalawang dekadang literal na ginawang basurahan–tapunan ng dumi mula sa minahan–ang dagat.

Samantala, noong nabubuhay pa siya’y ikinukuwento ng lolo ko ang Ilog Pasig na nilalanguyan niya noong nakarating siya sa Maynila. Pakiramdam ko’y nata-time-space warp ako sa kanyang kuwento. Ibang-iba kasi ang ilog na nasa kuwento niya–malinis at malinaw; ang alam ko ay iyong ilog na naghihingalo’t pilit na isinasalba sa tuluyang pagiging isang malaking pusali.

Paulit-ulit na nating naririnig ang mga ganitong reklamo, ang mga ganitong paalaala: na kung magpapatuloy tayong mamuhay sa ganitong paraan, baka wala nang abutang malinis na tubig at lupa ang mga anak ng ating magiging mga anak.

Hindi lamang ang banta ng basura o polusyon ang panganib na kinakaharap ng ating planeta. Mayroon pang mas malalaking suliranin gaya ng pagkakalbo ng mga kagubatan at pagbabago ng klima (climate change). Ngunit para sa ating mga nakatira sa maliit at papaunlad na bansa, mahalaga ang ambag ng bawat mamamayan sa pagharap kahit sa simpleng problema sa basura lang muna. Malaking bahagi ng ambag na ito ay manggagaling sa kabataan.

Naniniwala akong ang tila napakasimple ngunit mahalagang gawi ng tamang pagtatapon ng basura ay dapat itanim sa isipan ng bawat bata. Kinakailangang gawin itong bahagi ng kanyang araw-araw na buhay–ng kanyang sistema–gaya ng paghinga at pagkain o paglalaro at pagdarasal.

Tila malabo nang maturuan ang marami mga nakatatanda. Para sa kanila, sadyang ang buong paligid ay isang malaking basurahan. Pero may pag-asa pa sa kabataan. Noong maliit pa ako, paulit-ulit na ipinaalaala ng aking mga guro at pamilya ang tamang pagtatapon ng basura. Nadala ko ito hanggang sa paglaki ko, at kahit ngayong nakatira ako na ako sa lungsod. Sinusunod ko ang slogan ng MMDA: “Ang maliit na basura, ibulsa na lang muna.”

Kung ituturo natin sa ating mga nakababatang kapatid, pinsan, kalaro, estudyante, at iba pang mga bata ang ganitong pananaw, malaki ang tsansang ito’y seryosong sundin at kalakhan na nila.

Kung magkakaganoon, malinis na Pilipinas ang iiwan nila sa salinlahing susunod sa kanila. — Ederic Peñaflor Eder, www.ederic.net

Note: Hindi ako makagagawa o makakapagpadala ng mga talumpati sa e-mail ninyo. Mangyaring pumili na lamang kayo ng alinman sa mga nasa Talumpati category ng ederic@cyberspace o mga talumpating nalathala sa Tinig.com.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts