Ako Mismo

Agad akong nag-sign up nang makita ko ang AkoMismo.org — hindi lang dahil Ely Buendia fan ako, kundi dahil nagustuhan ko ang kampanya.

Hinihiling ng Ako Mismo sa mga Pinoy netizens na isulat ang kanilang pangakong gagawin — maliit man o malaki — “tungo sa muling pagbangon ng Pilipinas.”

Sabi nga nila, ang pagbabago’y mag-uugat sa ating sarili. Upang maisulong ang isang rebolusyon, dapat ay magkaroon muna ng pagbabago sa atin mismong pagkatao.

Sa pagpo-post ng ating mumunting pangako para nating isinisigaw sa buong mundo ang ating nais iambag. Idagdag pa ang pagkakaroon ng bagay na magpapaalaala sa atin sa pangakong binitawan — ito yung sikat na sikat na dog tag. Mahihiya naman siguro tayo sa ating sarili na hindi ito tuparin. Konsensya na natin yun, kumbaga.

Pagkatapos ng People Power 2, marami na tayong mga nakitang kampanya para sa mabuting pamamahala. Sadya nga lang yatang immuned na ang kasalukuyang administrasyon, pero may mga personalidad at grupo pa rin namang patuloy na nagsusulong nito.

Sa tingin ko, ang good governance initiatives ay dapat ding sabayan ng kampanya para naman maging mabuting mamamayan. Dito makakatulong ang Ako Mismo. Pinupukaw nito ang mga kabataan upang makisangkot at kumilos.

Mahusay ang paraang ginamit ng Ako Mismo. Ginawa nilang mga mukha ng kampanya ang mga kilalang idolo ng mga kabataan at ilang kababayang nagbigay ng karangalan sa bansa. Dahil dito, nakuha nila ang pansin ng ibang kabataang kadalasa’y apathetic sa mga usaping pambayan.

Puwedeng sabihing ang target ng kampanya ay ang mga elite at middle class na may Internet access. Pero di ba’t nakakatuwang kahit sa ganitong paraan ay makisangkot ang mga sosyal at pasosyal nating kababayan? Kesa naman puro Embassy o Bora ang pinagkakaabalahan nila, di ba?

Dahil walang partikular na isyung dinadala ang Ako Mismo, malaya ang mga sumasali rito na bitbitin ang advocacy na gusto nila, kahit sa pinakasimpleng bagay gaya ng tamang pagtatapon ng basura o pagboto nang tama. Pero kahit napakarami ng concerns na nais dalhin ng mga nakikiisa, may common thread sa lahat ng ito — ang pagsisikap na maging mabuting mamamayan at pagkilos tungo sa bagong Pilipinas.

Ang mabuting mamamayan, bayan muna ang iniisip at may malasakit sa kapwa Pilipino. Hindi siya mauuto ng mga trapo kaya’t malamang sa hindi ay boboto sa mabubuting kandidato, na kapag naupo’y maaasahang mamumuno nang marangal.

Nitong mga nakalipas na araw ay nakatanggap ng mga batikos at pinagdudahan ang Ako Mismo. Normal naman ang ganitong kuwestiyon sa bawat kilusan, lalo’t hindi nagpakilala ang mga nasa likod ng kampanya. Valid din ang ilang isyu na binanggit, lalo na yung tungkol sa security ng personal information. Pero nakaka-disappoint lang na karamihan sa pinakamatitindi ang batikos ay mga kabilang din sa mga grupong nagsusulong din ng pakikisangkot at pagbabago.

Naniniwala akong di naman iisa lang ang landas tungo sa pagbangon ng bansa. Bawat isa ay may pananagutan — at nakasalalay sa ating kakayanan, karanasan, at interes kung paano natin tutugunan ang pananagutang ito.

Magandang makilahok tayo sa Ako Mismo. Ngayong nalalapit na naman ang panahon ng pagpili ng ating mga pinuno, at sa gitna ng kasalukuyang malawakang pagbabandila ng nasyonalismong Pilipino, napapanahon ang kampanyang ito.

At kung di-tawag dalangin ay magkatotoo ang mga haka-hakang gagamitin lamang ang Ako Mismo ng ilang personalidad — si Manny Pangilinan man iyan ng PLDT-Smart o si Edu Manzano na kaalyado ng administrasyon — sabi nga ng isang cyberfriend ko, konsensya na nila ‘yun.

***

Eto naman ang isinulat ng ilang cyberfriends ko at iba pang bloggers tungkol sa Ako Mismo:


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center