Wowowee Tragedy

Halos iisa ang kanilang mga istorya, at ang mga kuwentong ito’y hindi kawili-wili: nagkakaedad o may edad na matandang babaeng naghihirap sa buhay. Sa kawalang pag-asa, nawili sa programa ni Willie Revillame ng Wowowee sa ABS-CBN. Ang nakakaaliw na palabas ay nagtatampok ng mga palarong sinasalihan ng karaniwang tao, ng masa–sila ang star ng programa. At higit sa lahat, kapag sinuwerte ang mga sumasali, mananalo sila ng premyo. Wowowee, sino nga naman ang hindi mawiwili?

Kaya naman sa unang anibersaryo ng kanilang paboritong programa, sila’y sumugod sa Philippine Sports Arena o ULTRA. Malalaki ang mga papremyong ipinangako sa kanila. Sinong naghihikahos ang hindi magbabakasakaling maambunan ng suwerteng ipinamimigay ng mga sponsor ng programa ni Willie?

Ang iba’y nangutang ng pamasahe; ang iba’y bitbit ang kanilang maliliit na anak; ang tanging baon ay pag-asang ngitian ng suwerte. Kabilang sila sa tinatayang mahigit 20 libong kababayan nating nagtipun-tipon at naghintay ng pag-ulan ng biyaya.

Ngunit sino ang mag-aakalang sa halip na grasya ay kamatayan o sakit ng katawan ang aabutin ng marami sa kanila? Mahigit 70 ang namatay at daan-daan ang nasugatan nang magkaroon ng stampede sa pag-uunahan ng mga tao na makapasok sa loob ng ULTRA. Mas may tsansa raw kasing manalo ang mga mauunang makakapasok. Kaya’t sila’y nagtulakan patungo sa kamatayan.

At ang kanilang masiglang pag-asa ay tila binuhusan ng nagyeyelong tubig, at nalunod silang nanginginig sa lamig. Nakapanlulumo. Hindi nakakawili. Wowowee, sinonga bang mawiwili?

At kahit sang-ayon ako sa mga sinabi ng paborito kong si Sharon Cuneta na isa sa mga nagsalita sa telebisyon pagkatapos ng trahedya–ayon sa kanya’y ito raw ang panahon upang magtulungan, hindi magsisihan at magpataasan ng ihi–hindi ko pa rin mapigilan ang sarili ko na magngitngit sa isiping habang libu-libo nating kababayan ang desperado’t umaasa sa himala’t suwerteng pagpapala, may iilang mapapalad na kongresistang kumita sa komisyon sa abono’t naambunan ng narekober at muling ninakaw na nakaw na yaman ng pamilyang Marcos; o may mga hacienderang ibubuyangyang ang karangyaan sa madla; o may mga lider na dapat sana’y nagtatrabaho upang maiahon sa kahirapan ang mga kababayan, ngunit iba ang tinatrabaho.

Pagkatapos ng malungkot na istorya ng mga inang pumanaw nang dahil sa Wowowee, kasabay ng kanilang panaghoy at palahaw ng kanilang mga naiwan, patuloy pa ring tumutugtog ang isang sikat na ring tone, at maririnig ang boses ng “ina ng bayan” habang naghe-“Hello Garci”!

0 Replies to “Wowowee Tragedy”

  1. salamat sa comment mo sa blog ko! naghanap n dn ako ngmacocommentan sa blog mo. sana ilagay mo ko sa isa s mga fave blogs mo..

    Karen Mudgee Minañey

Leave a Reply