Walang pagsisisi

Pinagsisisihan na raw ni dating Pangulong Corazon Aquino na nakatulong siya na maluklok sa kapangyarihan si Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001 People Power Revolt.

Maaalalang sina Tita Cory at Cardinal Sin ay nanawagan ng People Power matapos magkalutuan noon sa impeachment trial ng napatalsik na Pangulong Joseph Estrada.

Hindi nakapagtatakang ma-bad trip ang biyuda ni Ninoy. Matutuwa ka ba naman kung ang taong tinulungan at inaasahan mong mangunguna sa pagbabago sa bayan nating sawi, biglang nag-“Hello Garci” upang ang natikmang kapangyarihan ay kayamanan ay di na mapawi? Kahit siguro taong palangiti, mapapangiwi at mapapasigaw ng “Gloria uwi!”

Pero kahit naiintindihan ko ang feelings ng iginagalang na dating Pangulo, bilang bahagi ng People Power 2 ay wala akong pinagsisisihan. Katulad ng ipinaglalaban ng mga mamamayan sa mga pagkilos upang paalisin si Gloria ngayon, katotohanan at katarungan din ang sigaw natin sa EDSA at Mendiola noong 2001. Tumalikod sa interes ng masang kanyang ipinangakong pagsisilbihan — at kumita pa mula sa kanilang barya-baryang taya sa jueteng –ang noo’y nakaupong pangulo. Hindi mali at hindi dapat pagsisihan ang pagpapaalis sa kanya.

Ganito rin ang paniniwala ng mga kaibigan at textmates kong lumahok din sa People Power 2.

Wika nga ng kaibigan kong si Dennis Aguinaldo, “Hindi naman iyon tungkol sa pagluklok kay Gloria kundi sa pagtanggal kay Erap.” Ang dapat daw pagsisihan, ani Dennis, ay ang pagkunsinti sa muling pagtakbo ni Gloria.

Malabo raw ang pahayag ni Aquino, ayon naman kay Alex Remollino, kapatnugot ng Tinig.com. “Ano ang kanyang pinagsisisihan — na napatalsik si Estrada at naging bahagi siya nito? Maaaring oo, ngunit maaaring hindi. Ngunit nakakakita ng butas ang kampo ni Estrada upang ipilit na siya pa rin ang lehitimong Pangulo ng bansa.” Naninindigan din si Alex na “tama ang pagpapatalsik kay Estrada dahil nagbukas ito ng posibilidad ng pagbabago.” Ang mali, aniya, ay ang “lubhang pagbubuhos ng pag-asa kay Arroyo.”

Naalala ko tuloy ang pang-uto ni Gloria noong kampanya: siya raw ang “best, last hope” ng mga Pilipino. Paulit-ulit itong sinambit ng anak mismo ni Tita Cory sa mga patalastas sa telebisyon.

Sabi naman ni Vince Cruz ng Akbayan, hindi naman daw nanalo si Gloria dahil kay Cory. Matagal na raw na nawala ang Cory Magic matapos ang alingasngas na iniwan sa pagtatapos ng kanyang termino noong 1992. Para lang daw sa middle class na naniniwala pa sa moral ascendancy ni Cory ang pahayag ng dating pangulo, pero deadma lang daw ang masang mahihirap.

Naniniwala naman si Gari Lazaro, lider ng Student Council Alliance of the Philippines noong panahon ni Erap, na dapat ngang pagsisihan ng “mga elitistang paksyon konta kay Erap ang garapalan nitong pagsuporta kay Gloria at pagsasaisantabi sa masa at mga progresibong puwersa sa panahong naghahatian ng kapangyarihan.”

Di nga ba’t noong 2001, nang ang Malacanang na iniwan ni Erap ay malapit nang makubkob ng mga progresibong grupong nagmartsa papunta sa Mendiola, sa EDSA naman ay biglang nanumpa si Gloria bilang bagong pangulong may basbas ng elitistang pulitiko at simbahan? Tinanggap naman natin si Gloria, pero ayon nga kay Gari ay kasabay ang paalalang “Be a good girl.” Kaya lang, sa halip na maging good girl, nang-gloria si Gloria nang siya’y mag-Hello Garci noong eleksiyong 2004.

Si Ruth Cervantes naman, isa sa mga lider ng College Editors Guild of the Philippines noong panahon ni Erap, ay wala ring pagsisisi sa EDSA 2, bagamat sobrang dismayado sa pag-agaw ng ga elitista sa tagumpay ng bayan at pagluklok sa isang oportunistang nabigong magsulong ng makahulugang pagbabago.

Pero ayon nga kay Ruth, hindi pa huli ang lahat para sa pagbabago. Dapat daw magsimula sa pagpapalit ng gobyerno: “Oust Gloria, install a transistion council. It’s an imperative.”

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

0 thoughts on “Walang pagsisisi”

Leave a Reply