“Vow,” “Crush,” at “Date” ng Jollibee

Basahin mo ‘to kung marami kang Facebook friends na biglang nag-Jollibee today.

UPDATED: Pinag-uusapan ngayon sa iba’t ibang sulok ng social media world ang mga video ad ng Jollibee para sa Valentine’s Day.

Sa isang video, tampok ang isang nerd na binata (Enrico Cuenca) na laging nagbibigay ng burger na may kasamang sweet Post-It messages sa kaniyang crush (Ash Ortega). Kaya lang, ang kaniyang sinisinta, may boyfriend na pala.

Pagkalipas ng maraming taon, sa kanilang alumni homecoming, muling binigyan ng lalaki ang babae ng burger na may nakadikit na mensahe, at magugulat ka sa sasabihin niya sa babae.

Sa isa pang video, sinasambit ng bidang lalaki (Mark Joseph Tam) ang kaniyang pangako sa kaniyang minamahal (Melissa Lauren Atadero) habang ang babae ay naglalakad patungo sa altar. Kasabay nito, binabalikan ang masasayang alaala ng dalawa. May sorpresang naghihintay pagdating ng babae sa altar.

Sa pangatlong video, naghahanda ang isang binatilyo para sa isang Valentine date sa Jollibee. Maririnig ang pagbibigay ng kaniyang tatay ng instructions tungkol sa mga detalye gaya ng bulaklak at pagkain. Pagdating ng nasorpresang ina, inilabas ng binatilyo ang isang tablet. Nasa screen ang ama, at kinakausap niya ang mag-ina.

Kung ayaw mo ng spoilers, panoorin muna ang mga video bago basahin ang kasunod.

Sa “Vow,” ito ang sagot ko: “Ano’ng nangyari, bro? Bakit di mo siya naipaglaban?”

Sana uminom muna siya ng kapeng matapang para hindi siya umeksena at iiyak-iyak sa kasal ng mahal niya. Ang bride at ang groom (Matthias Rhoads) dapat ang bida sa araw na ‘yon, eh. At ito namang si bride, ikakasal na’t lahat, parang luma-#landi2017 pa.

Sa “Crush,” mabuhay ang mga hindi sumusuko sa pag-ibig! May forever.

Wala akong masabi sa “Date.” Natahimik ako matapos ko itong panoorin.

Ikaw, ano ang reaksiyon mo sa mga video?

Leave a Reply