Unang buwan ng 2012

Enero 2012Parang kakasimula pa lang ng taon, pero patapos na ang unang buwan ng 2012. Parang naghahabulan lamang ang mga araw, at habang patuloy ang mga ito sa pagtakbo, minabuti kong balikan at itala ang aking Enero.

Siyempre, ang maraming oras ng bawat weekdays ko ay ginugol sa trabaho. Ganado at masaya pa rin ako sa Yahoo! sa kabila ng maraming pagbabago gaya ng pagkakaroon namin ng bagong CEO at pag-alis ng aming co-founder na si Jerry Yang.

Ang oras na natitira mula sa pagtatrabaho ay ginugol namin ni Myla sa pagkukuwentuhan, pagbibiyahe, pagbabasa, at pagkain. May ilang biyahe kaming binabalak ngayong taon. Kung may panahon nga lang, puwede na kaming makagawa ng travel and food blog. Pareho rin kaming nangongolekta ng digital copies ng mga gusto naming magazines.

Ngayong buwang ito, mas madalas ko na ring kausap sa Yahoo! Messenger sina Tita Mila at Tita Ester, at sa telepono si Tita Nida. Balak ko ring makauwi nang mas madalas kay Nanay sa Marinduque. Napakabilis lang pala ng biyahe pauwi sa amin kapag sa ZestAir ako sasakay.

Nakikipag-reconnect din ako sa mga kaibigan ko. Nitong mga nakalipas na buwan ay dito sa apartment ko pansamantalang nag-stay ang high school bestfriend ko dahil may bago siyang trabaho sa Maynila. Nitong Enero ay pumanaw ang nanay ng isang malapit kong kaibigan, kaya dinalaw namin siya sa Pangasinan. Kasama pa namin ang buong pamilya ni Myla, at tumuloy na rin kami sa shrine ng Our Lady of Manaoag. Kagabi lamang, kasama ko naman ang isa pang malapit na kaibigan sa kolehiyo at ang kanyang sampung taong gulang na anak.

Adik din ako sa aking bago at medyo bagong gadgets: ang teleponong Palm Pre 2 at ang HP TouchPad. Lagi ko ring sinusubaybayan ang kapanapanabik na mga kabanata sa kasaysayan ng webOS, ang mobile operating system na nagpapatakbo sa mga gadgets kong ito. (Ikukuwento ko ang lahat ng tungkol sa mga ito sa isa ko pang blog — ang MakaPalm — na malapit ko nang i-reactivate.) Kahapon, nakatanggap din ako ng Sony MP3 player mula sa isang kaibigan sa US.

Speaking of blog at websites, malapit na ring muling magbalik ang Bloggers Kapihan. Buhay na ulit ang website sa bk.tinig.com, at ngayong taon ay magkakaroon kami ng mga gawain. Ibabalik din namin ni Aris ang Tinig.com, at may isa pa akong Web project na sisimulan. (Sana lang kasya ang mga gabi at weekends ko sa lahat ng ito.)

Sa kabuuan, masaya at pinagpala ang aking unang buwan ng taon. Sana ay ganoon din ang sa inyo.

Leave a Reply