Umuwi na si Raul Roco

Image from Naga City Journal, hosted by Photobucket.com

Kanina, inilipad na papuntang Kabikulan ang mga labi ni dating Senador Raul Roco. Doon siya hihimlay. Kahit na siya’y lumisan, nawa’y patuloy na tumubo at lumago ang binhing kanyang isinaboy.

Bagamat dalawang ulit na ipinagkait sa kanya ang pagkakataong maangkin ang karangalang pagsilbihan ang bayan bilang Pangulo ng Republika, higit na magiging mahalaga ang kanyang mga pahina sa aklat ng ating kasaysayan.

Hayaan ninyong ibahagi ko ang mga samu’t saring bagay na sumagi sa isipan ko sa pagpanaw ni Senador Roco.

Habang pinapanood ko ang campaign MTV ni Senator Roco na naka-post sa Piercing Pens, tumimo ang mga linyang ito:

May isang salita at prinsipyo

Naiisip ko ang nakaupo ngayon sa posisyong ninais ni Roco, at nalulungkot ako.

Huwag nating ipanakaw ang bukas.

Naiisip ko ang nakaupo ngayon sa posisyong ninais ni Roco, at nagagalit ako.

Noong panahon ng kampanya, sabi ko sa blog ko:

“Common good ang ipinaglaban nina Bro. Eddie at Raul Roco bilang aktibista. Yan pa rin ang plataporma nila ngayon… ”

At naalala ko ang isinulat dati ni Noralyn Mustafa: “I had prayed that Brother Eddie, being younger, would be Raul’s Joshua because only he can save us from a false God…”

Sabi rin ni Tonyo: “It would have been better had Raul Roco and Eddie Villanueva combined for a spectacular tandem in the last presidential elections. Either way, they would have given Gloria Arroyo and Noli de Castro a run for their money.”

Pero hindi nangyari. Nagkanya-kanya ang dalawang puwersa ng kabutihan. Kinailangang pumili ng isa lamang. Naglaho ang pag-asang bumangon ang bagong Pilipinas. Nahati tayo at iba nangibabaw.

Naalala ko rin nang bumisita siya sa lugar na aming pinagtatrabahuhan. Lumapit kami ng mga kasama ko sa kanya at nagnais na kahit sansaglit ay maitala sa kasaysayan ng magaling na Senador.

Paminsan-minsan lamang dumarating sa atin ang mga kagaya ni Raul Roco. Kadalasan, hinahayaan lang natin silang mag-isang pagsumikapan ang isang bagong Pilipinas. Pero sa kanilang paglisan, inuulan natin sila ng parangal at papuri.

0 Replies to “Umuwi na si Raul Roco”

  1. sayang, cya pa naman binoto ko. kelan kaya tayo makakaranas ng pagkaroon ng isang presidente na tulad ni Roco. Ang hirap kasi saating mga Pilipino, kung sino pinaka sikat at matining sa tenga ang pangalan, yun ang nananalo. Ang mga tunay na marangal at karapatdapat di nabibigyan ng nauukol na pansin habang buhay pa sila. sayang.

  2. hanga talaga ako ki Roco.. alam kong sya`y mabuti at magandang plano upang ang bansa natin ay mkaahon sa hirap at umunlad,ngunit sadyang nangingibabaw ang mga sikat at maperang kakompitensya.yong mga to naman porki`t popular sikat iboboto na. di nila alam na may sadyang may puso at may karapat dapat talaga keysa sa isa.

  3. Pingback: personal loans

Leave a Reply