Tuloy ang laban ng mga magsasaka ng Sumilao

Mula Oktubre 10 hanggang Disyembre 10, nilakad ng mahigit 50 mga katutubo at magsasaka ng Sumilao ang may 1,700 kilometro upang hilingin kay Gloria Macapagal-Arroyo na ibalik at ipamahagi na sa kanila sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang 144-ektaryang lupaing inaako ngayon ng higanteng San Miguel Corporation (SMC).

Kahapon, pormal na nilang tinapos ang dalawang buwang martsa. Sa nakalipas na linggo kasi ay naglabas na ang Malakanyang ng kautusang muling nagpapasailalim ng pinagtatalunang lupain sa Comprehensive Agrarian Reform Program. Hinihintay na lamang ng mga magsasakang ipatupad ang atas na ito, na magbibigay-daan sa muli nilang pag-aari sa lupaing minana pa nila sa kanilang mga ninuno.

Pero alam nating lahat na ang taong nakipagkita at nangakong ibabalik sa kanila ang kanilang lupain–si Gloria Arroyo–ay kilala sa hindi pagtupad sa kanyang mga sinasabi. Bukod pa rito, matagal nang napapabalita ang kanyang posibleng pakikipagsabwatan kay Danding Cojuangco, pinuno ng San Miguel. Kaya sa kabila ng buong suporta ng Simbahang Katoliko sa mga magsasaka, itinuturo ng ating karanasan kay Arroyo na hindi pa tiyak ang tagumpay ng mga magsasaka ng Sumilao.

Nakakabahala rin, ngunit di malayo, ang mga pangambang balewala ang atas na inilabas ng Palasyo dahil hindi naman nito tuwirang ipinahinto ang mga kasalukuyang proyekto ng SMC sa lupa ng mga magsasaka ng Sumilao.

Ngayong pauwi na sa Bukidnon ang mga magsasaka ng Sumilao, mas higit nilang kailangan ang ating suporta dahil maaaring kaunting espasyo na lamang ang maibibigay sa kanila ng media at nanganganib na mawala sa malilimuting kolektibong kaisipan ng publiko ang kanilang pakikibaka.

Kahit tapos na ang martsa ng mga magsasaka ng Sumilao, nagpapatuloy ang kanilang laban. Sasamahan nyo rin ba sila?

2 thoughts on “Tuloy ang laban ng mga magsasaka ng Sumilao

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *