Tugon ni Bien Lumbera, National Artist, sa parangal ng Ateneo

Ito naman ang talumpati ni Bien Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan bilang tugon sa parangal na iginawag sa kanya ng Ateneo de Manila University kamakailan:

ANG ATENEO SA KASAYSAYAN KO BILANG GURO NG PANITIKAN
Tugon sa Parangal, 22 Setyembre 2006
Escaler Hall, Ateneo de Manila University

Nang hingan ako ng talaan ng mga taong gusto kong maging panauhin sa okasyong ito, napukaw ang mga alaala ng sampung taong inilagi ko sa unibersidad na ito. Unang nagbangon sa gunita ang mga mukha ng mga estudyante at kapwa guro. Mga lugar sa kampus at mga pangyayari. At mga damdamin at diwang dinanas ko sa pakikipagkapwa sa mga gurong kapanahon ko, at sa pag-ugnay sa mga estudyante at sa mga tradisyon ng unibersidad. Kasabay ng mga alaala dumagsa ang mga yugto sa buhay ko nang ako’y nagsisimula pa lamang magturo at magpakilala bilang propesyonal sa labas ng unibersidad.

Apat na mukha ng estudyante ang bibigyan ko ng pangalan. Una, si Ferdinand Arceo na, sa pananalita ng mga aktibista, siyang “dumikit” sa akin upang maipaloob ako sa kilusang makabayan nang nagsisimula pa lamang pasukin ng mga radikal ang unibersidad. Dito ay katuwang niya si Perfecto “Boy” Martin, isa kong estudyanteng aktibista rin, na hanggang sa kasalukuyan, ay kasama pa rin at kaibigan. Pagkaraan ng Martial Law, nagpamilya si Boy at napunta sa desktop publishing. Si Ferdie ay umanib sa NPA at nang kabababa pa lamang ng Martial Law ay nasawi sa isang engkwentro. Ang laki ng panghihinayang ko sa naputol na ugnay niya sa aking buhay ay hindi na mabubura ng mga taon.

Sa pagsubaybay ko sa naging kapalaran ng mga estudyanteng nakilala ko sa Ateneo, malaki ang natutuhan ko sa naging pagbabago sa politika ni Edgar Jopson. Dahil iba ang kanyang pananaw pampolitika sa aking natutuhan sa kilusang pambansa demokrasya, hindi ko siya gaanong kinilala sa panahong kapwa kami nasa kampus. Nang muli kami magtagpo sa panahon ng Martial Law, malinaw ang leksiyong itinuro ng buhay niya sa akin bilang guro–humanga ako sa kanyang integridad at masugid na paglilingkod sa sambayanan. Tinanggap ni Edjop ang radikal na tugon sa diktadura at nagbuwis siya ng buhay sa pakikibakang andergrawn.

Ang ikapat na estudyanteng ang pangalan ay humihinging alalahanin ay si Emmanuel Lacaba. Naging research assistant ko siya sa isang proyekto sa panitikan, pero halos hindi kami nagkikita dahil madalas ay nasa bundok siya noon ng Banahaw. Dumating siya sa Ateneo mula sa pagiging American Field Scholar na tila Amerikanisadong teenager na tumutula ng mga akdang Ingles na mahirap unawain. Ipinagpalagay ko na ang panahong inilagi niya sa Amerika ay nakapag-iwan sa kanyang kamalayan ng permanenteng tatak ng hippie culture. Subalit nagpamalas siya ng pambihirang kakayahang tuklasin ang kanyang pagka-Filipino. Sumangkot siya sa pakikibaka ng mga manggagawa hanggang umakyat siya sa mga kabundukang ng Davao bilang isang Pulang Mandirigma. Doon sa wikang Ingles pa rin tumutula subalit karanasan na ng makabayang gerilya ang pinapaksa.

Hindi ko bibigyan ng pangalan ang ikalimang estudyante. Siya ang aktibistang Atenista na sumalo sa akin nang mapasok ako sa Youth Rehabilitation Center (YRC) bilang bilanggong pulitikal noong 1974. Nauna na siyang naging bilanggong politikal kaya’t sanay na siya sa kultura ng bilangguan, at siya ang kumupkop sa akin sa mga unang araw ng aking pagkakulong. Kinilala ko ang kanyang talino at tapang kaya’t nang siya ay pumailalim sa anino ni Presidente Macapagal-Arroyo ay nakaramdam ako ng magkahalong pagkabigo, pagkamuhi at panghihinayang.

Sa naging pag-unlad ng aking diwa sa panahong nagturo ako sa Ateneo ay kailangan kong isangkot ang bisa ng pakikipagpalitan ng mga kuro-kuro sa mga kapwa propesor na naging katrabaho ko sa mga komiteng kinabilangan ko. Si Doreen Fernandez ang unang-una sa mga
dapat kong gunitain at pasalamatan. Estudyante ko siya sa Graduate School ng Ateneo, isang iskolar na masikap sa pananaliksik at kritikong mapagkumbaba subalit matalisik humango ng kabatiran. Alam kong kanya ang naging pananalita ng mga citation na nagtampok sa mga
kapurihan ng dating guro niya nang ang inyong lingkod ay parangalan ng Ramon Magsaysay Foundation at nang ako ay gawaran ng Ateneo ng parangal Tanglaw ng Lahi.

Nang hindi ako makabalik sa Ateneo bilang Full Professor matapos ang aking pagkakulong, dalawang propesor ang nanguna sa nabigong pagkilos upang mabago ang desisyon ng administrasyon ni President Jose Cruz, S.J. Sila sina Dr. Vicente Valdepenas Jr. at Dr. Mary Racelis, na pinasasasalamatan ko ngayon at hinahagnaan sa matapat nilang paninindigan para sa academic freedom.

Dalawang administrador na Heswita naman ang nasasa aking gunita bilang mga pinunong akademiko na nakapag-iwan ng tatak sa aking propesyon. Si Fr. Nicholas Kunkel, S.J., ang dekanong tumanggap sa akin bilang instruktor noong 1960. Isa siyang dayuhan na may tapat na paggalang sa talino ng Filipino at pagkilala sa mga adhikaing makabayan ng mga gurong nasa ilalim ng kanyang administrasyon. Siya, sa palagay ko, ang taghasik ng mga unang progresibong binhi na nagbukas sa Ateneo sa mga pagbabagong dala ng Dekada 60. Hindi masalitang tao si Fr. John F. Doherty, S.J. subalit kanyang gabay ang nagturo sa akin ng interdisiplinaryong lapit sa pagbasa sa panitikang Filipino, na pagkalabas ko sa Ateneo ay siyang landas na tutuntunin ko bilang kritiko at iskolar. Una muna, inimbitahan niya akong magsuri sa mga akdang Filipino para magteorya tungkol sa pagkataong Filipino para sa isang komperensya ng mga social science professors. At noong 1970, bilang Academic Vice President, siya ang nagpanukala ng isang Department of Philippine Studies, na siyang tugon ng Ateneo sa kahingian ng mga estudyante para sa Filipinisasyon. Ako ang kanyang pinaglatag ng bisyon at ginawang tagapangulo ng bagong sangay ng akademikong istruktura ng unibersidad. Hindi nagtagal ang buhay ng departamento dahil binuwag ito sa mga unang taon ng Martial Law nang ako ay nasa andergrawn. Kung lingunin ko ngayon ang departamentong pinahawakan sa akin ni Fr. Doherty, iginuhit nito ang tatakbuhin ng aking karera bilang propesor ng Philippine Studies.

Sa mga personaheng nagkaroon ng permanenteng luklukan sa aking gunita at kalooban, si Rolando S. Tinio ang pangunahin. Siya ang nagdala sa akin kay Fr. Kunkel at kanya ang rekomendasyong nagpasok sa akin sa kaguruan ng unibersidad. Kanya ang talim ng isipan na humawan ng landas para sa patutunguhan ng aking pagiging guro ng panitikan. Kanya rin ang ningning ng imahinasyon na umakit sa aking pasukin ang daigdig ng teatro. At kanya rin ang lalim ng hilig sa musika na gumabay sa akin upang malulong at lubos-lubusang magmahal sa opera at teatrong musikal. At di kasi, kanya rin ang galing sa paghawak ng Ingles at Tagalog bilang makata na nagtayo ng pamantayan para sa aking sariling paglikha. Habang siya ay nakaburol, inihalintulad ko si Rolando sa kaningningang kinailangan kong takasan upang mahanap ko ang sarili kong liwanag.

Tunay na mapalad ako na sa Ateneo nagsimula ang aking kasaysayan bilang guro ng panitikan. Ang mga itinuro kong batayang kurso sa tula, kwento, dula, sanaysay at retorika ay matibay na
pundasyon na nagbigay sa akin ng tiwala sa sarili upang magpakadalubhasa sa panitikan at magsalita nang walang pagkasilong bilang manunulat at propesor. Ang Summer Institute of Philippine Literature noong 1965 ay okasyon na nagbigay sa akin ng pagkakataong magsaliksik at maglatag ng mga panimulang kuro-kuro tungkol sa panitikan ng Filipinas.

Limang panayam na binigkas ko sa nasabing summer institute ang nalathala sa librong Brown Heritage, Essays on Philippine Cultural Tradition and Literature (Ateneo de Manila University Press, 1966), at ang mga iyon ang naging susi sa pagpasok ko sa scholarly publishing. Taong 1967 nang tanggapin ng Indiana University ang aking disertasyong doktoral tungkol sa kasaysayan ng panulaang Tagalog, at noon ding taong iyon inilathala ng Philippine Studies ng Ateneo de Manila, ang sentral na kabanata ng disertasyon, na lumabas sa ilalim ng pamagat na “Florante at Laura and the Formalization of Tradition in Tagalog Poetry.” Nalathala bilang
aklat ang buong disertasyon noong 1986 bilang Tagalog Poetry, 1570-1898, Tradition and Influences in Its Development, na inilimbag na Ateneo de Manila University Press.

Naging mabunga ang panahong inilagi ko sa Ateneo de Manila, at iyan ay dahilan kung bakit nagtumibay ang buhol ng ugnay ko sa unibersidad na ito. Bilang pagsasara sa yugto ng aking
pagkatiwalag sa Ateneo noong 1975, mahalagang banggitin na isang institusyon mismo ng tradisyong relihiyoso ng mga Heswita ang pinag-ugatan ng aktibismong nagbunsod sa akin na maging “suwail.”

Panahon ng malaganap na popularidad ng “cursillo” nang ako’y mapasok sa “Days with the Lord”. Sa mga okasyon na sumali ako sa mga sesyon ng DWL, naging malapit ako sa mga estudyanteng naglilingkod bilang staff at sa mga partisipante sa mga aktibidad ng retreat. Bilang isang gurong nasa staff, tumiim sa kalooban ko ang bisa ng pakikiisa sa mga kabataang naghahanap ng kahulugan sa kanilang pakikipagkapwa. Subalit sumapit ang aking pagsangkot sa DWL sa yugto na namalayan ko na ang pinaglilingkuran namin bilang staff ay mga kabataang ang problema kadalasan ay lantay na personal, gayong ang nakararami sa lipunan ay mga Filipino na ang pinuproblema ay ang kabuhayan at ang pagkakait ng uring naghahari sa lipunan ng paglingap sa mga dukha at pingsasamantalahan. Noon ako nagsimulang dumako sa panig ng nakararaming Filipino at makibahagi sa kanilang pagpupunyaging mabago ang kanilang panlipunang kalagayan. Sa madaling sabi, bisa pa rin ng pagiging Atenista ang naghatid sa akin
sa kilusang pambansa demokrasya.

Kaya, paano ko kaya mapasasalamatan ang dakilang institusyong ito na tumanglaw sa aking kasaysayan hindi lamang bilang guro kundi bilang mamamayang Filipino na rin? Salamat, Ateneo de Manila, maraming salamat!

Bienvenido Lumbera
Setyembre 22, 2006

11 Replies to “Tugon ni Bien Lumbera, National Artist, sa parangal ng Ateneo”

  1. masyado k cgurong genius…..naapreciate q rin nmn ung tlumpati mo kea lng ……i needed tlumpati to be memorized……sorry pero im not as genis as you….thank you n lng!!!!!!

  2. ang ganda naman po ng talumpati ninyo… pwede po ba kayong mag-send sa akin
    ng isang talumpati tungkol po sa hirap at sikap na dinadanas ng
    isang nursing student bago siya maging isang nurse…..PLS….PLS..PO

    1. Magandang araw po! ako po si Jayson Ibana, isa po akong COMPUTER SCIENCE student, hihingi po sana ako ng konting tulong sa inyo kung mamarapatin po ninyo,talumpati na related po sa teknolohiya. Maraming salamat po!
      Paki’send po sa email ko po, ison_011@yahoo.com
      maraming salamat po!
      God bless you po!!!

Leave a Reply