Think before you click (2)

Ang mga ikinikilos at sinasabi natin online, may impact sa reputasyon natin sa totoong buhay.

“The dream behind the Web is of a common information space in which we communicate by sharing information,” ayon kay Tim Berners-Lee, ang imbentor ng World Wide Web. Samakatuwid, nabuo ang Web upang maging daan para makakonek tayo sa isa’t isa saan man tayo naroon, at upang makapagbahagi tayo ng ating nalalaman.

Ang World Wide Web ay isang bahagi lamang ng Internet na isa namang napakalawak na network ng mga computer. Mismong ang Internet ay tungkol din sa koneksiyon at pag-uugnayan. Dahil dito, naniniwala akong sa pakikitungo natin sa mga kapwa natin netizen online, mahalagang maging mabuti at matulungin sa iba.

Importante ring tiyaking wasto ang impormasyong ating ibinahagi at ‘di basurang gaya ng mga fake news. Ang mga ipinopost natin, dapat tama at naayon sa mga panuntunan ng wika at online etiquette — alamin kung paano gamitin ang “nang” at “ng” at iwasan ang ALL CAPS na sa online world ay katumbas ng pagsigaw.

Ang mga ikinikilos at sinasabi natin online, may impact sa reputasyon natin sa totoong buhay. Ano ang tsansa, halimbawa, na makahahanap ka ng bagong trabaho kung ang mga post mo sa social media ay puro reklamo tungkol sa kompanyang pinapasukan mo, o kaya’y kung ‘di papasa sa MTRCB ang profile picture mo?

Speaking of profile picture, karamihan, selfie ang gamit. Pero ilang selfie nga ba ang katanggap-tanggap? Gaano ka ba ka-in love sa sarili mo? Kaugnay nito, OK lang ba na ipost ang mga litrato kahit walang pahintulot ng mga kasama mo sa larawan? Bago magpost, alalahanin ang privacy mo at ng ibang tao.

May location-based apps na puwede kang mag-check-in. Pero safe ba na i-announce lagi kung nasaan ka? ‘Di lang ito usapin ng privacy, kundi ng seguridad. Kung out of town ka’t walang tao sa inyo, ‘wag na munang ipost. Mahirap nang maakyat-bahay. Puwedeng makipagkilala online, pero ingat sa mga impormasyong ibibigay sa cyberfriend. Kahit excited sa biyahe, ‘wag i-post ang boarding pass. May mga info riyan na maaaring makuha ng iba. ‘Di porke’t may nag-email na nanalo ka sa raffle, totoo na. Isipin muna kung may sinalihan ka ba.

Laging mag-Think before you click.

Unang nalathala sa Dyaryo Pilipino.

Leave a Reply