Texters, Umaklas!

Kami, mga mamamayan ng texting capital ng mundo, ay tumututol sa anumang bagong buwis sa cellphone services.

Ito man ay buwis sa tubo ng mga kompanya ng telekomunikasyon o buwis sa kanilang prangkisa o bagong buwis sa text, ipapasa pa rin sa tulad naming mga konsyumer ang planong paglikom ng pondo ng gobyernong Macapagal-Arroyo.

Pinapatawan na nga kami ng 10-porsyentong VAT at 10-porsyentong Overseas Communications Taxes sa paggamit ng cellphones, BAKIT KIKIKILAN PA KAMI NG PANIBAGONG BUWIS?

Sa ngayon, 25 porsyento ng populasyon ang umaasa sa text messaging, kabilang na ang milyong OFWs, para sa mabilis at episyenteng komunikasyon sa kani-kanilang pamilya, kaibigan at katrabaho. Malinaw na isa na itong pangangailangan para sa 28 milyong Pilipinong may cellphones.

Anumang dagdag na buwis ay magreresulta ng pagtaas ng presyo ng texting at maglilimita, kalaunan, ng demokratikong paggamit sa teknolohiyang ito.

Higit na mas mahalaga, hindi na katanggap-tanggap ang anumang pagtaas ng buwis sa panahong itong hindi na namin kayang pasanin ang napakaraming problema sa ekonomiya. Sa pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin, pagtaas ng pamasahe at nakaambang pagtaas ng singil sa kuryente at tubig, hindi na namin kakayanin pang pumasan ng panibagong mga buwis.

Hinahamon namin ang gobyernong Macapagal-Arroyo na maging malikhain at maka-mamamayan sa pagharap sa depisito sa badyet. Marapat na sugpuin nito ang korupsyon, itigil ang walang kapararakang paggasta sa mga bagay na hindi produktibo, paunlarin ang pangongolekta ng buwis, parusahan at kumpiskahin ang pag-aari ng tax evaders, magpataw ng buwis sa luho ng mga elitista at bawasan ang bilyong pisong diskwento sa buwis ng malalaking kompanya.

Iginigiit din namin na tantanan ng International Monetary Fund sa aming cellphones at huwag makialam sa pag-aayos ng mga pambansang suliranin. Para sa amin, ang matagal nang panghihimasok ng IMF ay bahagi ng problema at hindi kailanman naging solusyon.

Ito ang pinakabagong manifesto ng grupong TXTPower. Maaaring lumagda sa petisyong ito at sumali sa grupo sa sa pahinang ito.

0 thoughts on “Texters, Umaklas!”

  1. kanina may nakita naman ako na headline, papatungan din daw ng buwis ung simbhan. desperado na talaga ang gobyerno, oo. tsk tsk tsk.

  2. Pingback: loan calculator

Leave a Reply