Lumabas lang ako sa bahay noong araw ng kamatayan ni Ninoy Aquino upang makipagkita sa isang kliyente at dalawin ang mahal ko, pero nakarating ako sa Tagaytay, pati na rin Taal, Batangas, ang pook ng aking kapanganakan.

Wala kaming maisip na mapuntahan ng mahal ko nang gabing iyon kaya naisipan naming tumingin ng mga aklat sa Books for Less sa Tandang Sora. Habang naroon kami, nag-text ang kaibigan niya, si “Baby R Girl,” na noo’y nasa UP at nag-iisaw kasama ang boyfriend niyang si “Baby R Boy.” Sa kakapalan ng aking mukha, sinundo nila kami, sakay ng kotse ni BRB na si “Prexi” upang sama-samang tumambay kung saan namin maisipan. At doon nagsimula ang masayang “Tagaytay adventure.”

Sina BRG at BRB pala, na “Baby” ang pet name sa isa’t isa at kapapagdiwang lamang ng kanilang anibersaryo sa Antipolo, ay nag-iisip na mag-road trip papuntang Baguio. Pero dahil sa sobrang layo, nagkasundo silang sa Tagaytay na lamang pumunta–at niyaya nila kami. Siyempre, kami ng aking mahal ay kapwa “kaladkarin,” kaya sumang-ayon naman kami agad.

At matapos dumaan sa dorm ng mga binibini, lumarga na kami patungong Tagaytay. Siyempre, umaatikabong kuwentuhan at kantahan sa daan ang ginawa namin sa daan. Bida pa sa mga kuwentuhan si Boy Bastos. Bagama’t may mga pagkakataong nakulong kami ng traffic, sa kalahata’y mabilis at maayos ang biyahe. Sinikap nga naming habulin ang pagsasara ng Mushroom Burger, isang fastfood na naghahain ng burgers na gawa sa kabuti. Pero di kami sinuwerte, pagkat nang dumating kami sa Tagaytay bago maghatinggabi, sarado na ito.

At tila minalas o nanlumo sa pagkabigong makapag-Mushroom Burger, biglang nagmarakulyo si Prexi! Huminto ito at namamatay ang makina, na hindi naman ordinaryong nangyayari sa kanya. Nagkaroon yata ng bara sa tubong nagpoproseso ng gasolina, ayon kay BRB. Matapos ang ilang pagkalikot, paunti-unti ay nakausad kami papunta sa may picnic grove pero huli na rin dahil nagsasara ito bago maghatinggabi. Nagpahinga kami sa daan, sa tapat ng tindahan ng mga prutas ng isang manong. Maya-maya’y muling tumakbo si Prexi, kaya nag-U turn kami upang humanap ng pagkain at matutuluyan.

Nagmistula kaming mga Jose at Maria sa paghahanap ng matutuluyan. Kung hindi sobrang taas ng presyo, ay wala namang bakanteng kuwarto. Sa huli, nakakuha rin kami ng maayos na matutuluyan.

Sa paggising namin noong tanghali, una naming pinuntahan ang Mushroom Burger upang matikman ang kabuting ipinalaman sa tinapay. Medyo x-rated pa ang ibang jokes habang kumakain. Alam ninyo naman kung ano ang kahugis ng kabuti, di ba? Hehehe. Naihulog pa ni BRG ang tray na ipinatong niya sa katabing pasamano kaya’t tiningnan kami ng halos lahat ng mga taong kumakain doon. Tinanong ko kasi sila kung noong bata pa sila’y naniwala silang namamahay ang mga duwende sa mga kabuti. Kapwa kami naniwala ng mahal ko sa ideyang iyon. Sabi naman ni BRB, kung toto iyo’y marami nang duwendeng na-dislocate ng Mushroom Burger. Sa kanyang pagsagot naman, iminuwestra ni BRG ang pose ng mga duwende kapag nagpapalitrato sa ilalim ng kabuti–at ‘yun, nahulog at kumalabog nga ang tray niya.

Ang kasunod na hinto namin ay sa isang tila mamahaling restawran naman na mula sa ikalawang palapag ay napakaganda ng view ng Bulkang Taal. Kontodo alalay pa sa pagpa-park namin ang guwardiya, na nagsabing kakailanganin daw naming maghintay muna sa itaas dahil puno ang restawran. Ayos lang, wika namin. Eh sa totoo lang naman, ‘yun lang ang habol namin, yung magandang tanawin sa itaas–wala talaga kaming balak kumain dahil busog pa kami sa kabuti. Saka ano kami, bale? Eh mukhang ang mahal-mahal ng pagkain nila. Natawa naman ako at naalala ko ang Padis Gimik ko kamakailan. Habang tanaw-tanaw ang Bulkan at Lawa ng Taal, siyempre, magkapulupot kami ng mahal ko–malamig kasi kahit tanghali, at medyo umaambon pa. Di ko naikukuwento lahat, baka mainggit pa ang mga single na nagbabasa nito, hehehe.

Pero si Prexi ay hindi pa rin lubusang maayos. Nang magpasya kaming dumaan sa Taal at dalawin ang tiya ang mga pinsan ko, akala nami’y hindi aabot ang gasolina. Hindi kasi pinuno nang magpakarga kami dahil “nalulunod” na rin ata ang makina. Sa pautay-utay at medyo naghihihindoy na takbo ni Prexi, nakarating din kami sa bahay sa Taal.

Kahit medyo na-justify ang pagyayabang kong “prinsipe mode” ako kapag naroon, dahil sa nakahanda na ang late na tanghalian sa aming pagdating, medyo, nailang ako nang matapos ang ilang tanong sa girlfriend ko at sa dalawang kaibigan namin ay hindi na kami pinagkakausap ng mga pinsan ko–na higit na mas matatanda kaysa sa akin. Ipinaayos na lang ng Tiya ko ang kuwarto sa itaas nang sabihin kong magpapahinga muna kami bago bumalik sa Maynila.

Pagkagising namin ay gabi na naman, at maya-maya’y nagpasalamat na kami’t humingi ng direksiyon. Hindi na nagkaroon ng pagkakataon na maayos si Prexi, sapagkat nangagkawalaan ang mga tao sa bahay na may tools at marunong sa sasakyan. Kaya nang pabalik na kami, medyo alalay lamang ang takbo. Pero sa kabila ng konting pamomoroblema sa sasakyan, happy happy joy joy joy pa rin ang biyahe. Natulog nang konti si Mhay sa lap ko, pero kulitan na naman kaming apat pagkagising niya. Nagkantahan ulit silang tatlo–siyempre, ako’y bumubulung-bulong lang dahil alam naman ninyong sintonado talaga ako–at may dugtungan pa nga at saka food trip na naman: puro sitserya nga lamang.

Lagpas nang hatinggabi nang mabalik kami sa dorm ng mga binibini. Medyo nakakapagod ‘yung buong Tagaytay Adventure, pero sobrang enjoy.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts