Ako Mismo

Ako Mismo

Agad akong nag-sign up nang makita ko ang AkoMismo.org — hindi lang dahil Ely Buendia fan ako, kundi dahil nagustuhan ko ang kampanya.

Hinihiling ng Ako Mismo sa mga Pinoy netizens na isulat ang kanilang pangakong gagawin — maliit man o malaki — “tungo sa muling pagbangon ng Pilipinas.”

Sabi nga nila, ang pagbabago’y mag-uugat sa ating sarili. Upang maisulong ang isang rebolusyon, dapat ay magkaroon muna ng pagbabago sa atin mismong pagkatao.

Continue reading

Ely Buendia, isinugod sa ospital!

08/31/08 12:58 am update: In a text message to GMANews.TV, Dok Sergio, bassist of Buendia’s new band Pupil, said: “Ely is fine. Don’t worry.”

Ayon sa mga balita sa text, sa Twitter at Plurk, at sa GMANews.tv, isinugod daw sa ospital si Ely Buendia matapos ang unang bahagi ng Eraserheads reunion concert sa Fort Bonifacio, Taguig.

“We regret to inform you that we have to cut the concert short. My brother had to be rushed to hospital because of emotional and physical stress he is experiencing,” ang pahayag ng kapatid ni Ely na si Lali sa mga pumunta sa concert, ayon sa report ng GMANews.tv.

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal, sa Makati Medical Center dinala si Ely.

Noong Huwebes, pumanaw ang ina ni Ely na si Gng. Lisette Buendia o Lola Titing sa mga kaibigan ni Ely.

Noong Enero 2007, na-ospital din si Ely matapos atakin sa puso habang tumutugtog siya kasama ang kanyang bandang Pupil sa Laguna.

Continue reading

Eraserheads reunion concert ngayong sentenaryo ng Unibersidad ng Pilipinas

Gaya ng maraming kabataan ng dekada 90, naging bahagi ng aking mga karanasan ang mga awitin ng Eraserheads. Minsan ko nang naisulat na “ang mga awitin ng banda ay parang soundtrack ng aking buhay, lalo ng ng aking college life: ‘Minsan’, ‘Sembreak’, ‘Pare Ko’, ‘Yoko’, ‘Overdrive’, ‘Harana’, ‘Para sa Masa’, ‘Tuwing Umuulan at Kapiling Ka’, at marami pang iba.”

Kapag naririnig ko ang kanilang mga kanta, sinusundo ng himig at tinig ng E-heads ang mga alaala ng aking buhay sa Unibersidad ng Pilipinas: ang Kalayaan Residence Hall at mga nakabarkada ko rito, ang mga bakasyon, ang nangagkawala nang college friends; ang masaya ngunit puno ng pakikibaka, makulit at magulong mga kuwentong Peyups; ang mga gunita ng ‘good old days’.

Kaya naman ngayong ipinagdiriwang ang sentenaryo ng UP, isa ako sa mga naghahangad na makitang muling tumugtog nang magkakasama sina Ely Buendia, Raimund Marasigan, Buddy Zabala at Marcus Adoro, na pawang mga taga-UP rin.

Continue reading

Mga sawing ungol at halinghing

Nag-uunahang dumarating, mistulang mabubuo ngunit biglang sasambulat hanggang di ko na matitigan ang mga ideyang kinakailangan kong habulin, hulihin, himasin at romansahin, pagkatapos ay ihanay at ikulong sa alternatibong word processor kong Atlantis. Nasa harap ako ng aking computer, sinasarili ang pagsisikap na makalikha ng isang sulatin ngunit putul-putol na pariralang kung saan-saan pumupuwesto ang nililikha ng aking PC na matagal ko nang di nakaulayaw. Ang mga salita’y mistulang mga buntung-hininga at daing na di makarating sa mapagpalayang orgasmo.

Nakapila, umiindak sa saliw ng mga kanta sa Wanted Bedspacer album ni Ely Buendia, tumatalon, kumikindat, nanunukso’t nangangalabit ang mga paksa at usaping nais kong kong bulatlatin at isalaysay: ang mga ungol at halinghing sa mumunting sulok ng CyberSpace; ang kalibugan nating mga taga-UP at kung paano ito masisilip sa patuloy nating pakikihamok sa kampus, sa mga lansangan at sa mas malawak pang mundo; ang pagsilang ng fortnightly magasing Newsbreak; ang dahilan sa pagkakatatag ng cool consumer org na TXTPower; ang v17 ng Tinig.com; at ang maikli ngunit makabuluhang buhay ni Lean Alejandro, isang iskolar ng bayan at martir ng pambansa-demokratikong kilusan.

Paroo’t parito ang patak ng ulan. Nangungutya ang tunog ng bawat bagsak ng mga ito sa naglalawang lupang kinukumutan ng mga tuyong dahon ng mangga sa maliit na bakurang di ko na magawang walisan man lamang. Nanunudyo ang ulan–humahagikhik sapagkat nararamdaman nito ang kasalukuyang kawalang paninigas at kahungkagan ng aking panulat.

Nagmamarukulyo ang sikmura kong mula pa kaninang hatinggabi ay di nasasayaran ng kanin at ulam. Matinis ang pangungumusta ng Yakult na may lacto bacilli, ang ngayo’y may monopolyo sa espasyo sa luma kong refrigerator matapos kong ma-drink ang isang ready-to-drink Milo chocolate drink na kanina’y kaulayaw at kaututang-dila nito. (Naubos ko ang Milo ngunit di naman ako naging kasing-henyo ng atomic bomb na batang pinagkakaguluha’t nakapagpapakilig sa mga binibining tambay sa Peyups.com forums.)

Nakadalawang mini-garapon na ako ng Champola chocolate wafer stick ngunit kahit isang matinong tanong sa aking guide questions ay di ko mabuo. Bumigay na ako sa temptation ng isang stick ng Marlboro Lights menthol na ninenok ko pa kay Melissa nang minsang pakainin niya ako ng niluto niyang tocino sa kanyang apartment ngunit kahit kaputol na subject outline ay di ko magawa. Wala ba akong swerte ngayong madilim na Sabado dahil ubos na ang supply ko ng chili-kalamansing Lucky Me instant noodles? O baka naman kailangang ko pang bumili ng Chocnut na isang pakete upang lumibog ang aking panulat?

Kailangan bang busog ka upang makakatha ng makatas na sulating maaaring i-submit sa Aming Katha,BNext at maging sa CyberDyaryo at Philippine Journalism Review?

Kailangang makagawa pero walang magagawa kung ganito ako kabobo, ayoko nang mag-escribo.

O baka naman uso pa rin sa akin ang sinasabi nilang inspirasyon?

“Kapag kausap kita/ mundo’y nag-iiba/ sana’y nandito ka”

Ngunit ang panaginip ng muling pagtatagpo at pagniniig ay isa na lamang bangungot. Sapagkat gaya ng mga ideyang kanina ko pa hinahabol habang nakaupo, siya–ang aking distant inspiration–ay isa nang diwatang gala at ngayo’y tila gunitang nagkawatak-watak na at sa misteryosong Akashic records na lamang mahahapuhap. Oo, sa piling ng iba, siya’y sumabog gaya rin ng isip kong maya-maya’y maaaring mawasak.

Mahaba at malawak na kawalan. Nasusukat ba ang wala?

Tila gusto ko na namang humimlay matapos ang kalahating-araw na solitaryong pagtulog nang walang bedmate.

Mabuti pa kagabi, bago ako gumapang sa ilalim ng mga kumot: Matapos basahing muli ang Gapo ni Lualhati Bautista, ni-review ko ang mga madamdamin at maigting na diskurso tungkol kay Ate Glo, sa pakialamerong si Uncle Sam at sa naghihingalo na yatang nasyonalismo na tinatalakay ng mga kaTinig sa balita’t usapin ng Tinig.com forums. At sumidhi ang pagnanasa kong magsulat.

Matapos iyo’y nakisakay ako sa airwaves kung saan si Miss M ng dzMM ang piloto. Nakakaaliw ang tinig nyang ini-imagine na yata ng lahat ng kalalakihan sa buong Pilipinas at maging ng mga Pinoy na laking-Tate kaya’t di na nakakikilala kay Dolphy. Nakakabaliw rin, lalo na yung mga trying hard mag-English. Hmmm, gaya ko, na ngayo’y TH na magsulat? Pero teka, di ba’t maging kagabi’y nananitiling white space ang pahina para sa petsang Hulyo 19 sa aking tigang na journal?

Nanahimik, tumigil na sa pagba-vibrate ang Nokia 7110 kong ang logo ay TXTPower: Texters unite! (you have nothing to lose but your load, hehehe!) Bubulung-bulong na lang ang mga huling hibik ng Hotchick sa tape na nakasalang sa luma kong player. Pumainlanlang na ang huling usok ng yosing natitikman ko lamang isa, dalawang beses sa ilang buwan.

Ngunit patuloy ang ulan sa pang-uuyam.

Bitin pa rin ako.

Nakamamatay ba ang deadline?

http://www.peyups.com/article.khtml?sid=1044

Mga Alaalang Sinusundo ng Eraserheads

May mga tunog, kulay o bagay na nakapagpapabalik sa akin ng mga nakabaon o nakaligtaang alaala, emosyon o pakiramdam.

Habang pauwi mula sa isang tensyonado at nakakapagod na coverage noong Miyerkoles, nakayukayok ako sa likod ng taxi habang tumutugtog iba’t ibang love songs sa FM radio. Pagod ako’t masakit ang ulo, kaya medyo akma ang ganoong tipo ng musika. Ngunit biglang binago ng tsuper ang tugtog; nagsaksak siya ng isang tape sa kanyang player at ang buong kotse’y napuno ng isang maingay na kanta. Pamilyar ang tunog na maya-maya pa’y tuluyan kong nakilala: “Alkohol” ng paborito kong Eraserheads. Sa halip na mairita at o lumala ang pumipintig na sakit ng ulo, natagpuan ko ang aking sariling sumasabay sa masamok na kanta. Maya-maya’y sumunod na ang “Wishing Wells”, “Kailan” at “Magasin”.

Sinundo ng himig at tinig ng E-heads ang mga alaala ng aking buhay-kolehyo: ang dormitoryo, ang mga bakasyon, ang mga kaibigan; ang masaya, makulit at magulong mga kuwentong Peyups; ang mga gunita ng “good old days”. Bukod pa rito, ang kantang “Magasin” ay nagdala sa akin maging sa ilang alaala ng high school. (Wala lang, alam kong pagtatawanan ako ni Orange!)

Malaking bahagi nga pala ng buhay-kolehiyo ko ang Eraserheads. Ang mga awitin ng banda ay parang soundtrack ng aking buhay, Lalo ng ng aking college life: “Minsan”, “Sembreak”, “Pare Ko”, “Yoko”, “Overdrive”, “Harana”, “Para sa Masa”, “Tuwing Umuulan at Kapiling Ka”, at marami pang iba.

Sa kolehyo, paminsan-minsa’y nakakasama rin sa pakikibaka ang Eraserheads. Noong kasagsagan ng kampanya namin laban sa Commonwealth Property Development Project–pinagandang pangalan ng komersyalisasyon ng UP education–ay tinugtugan kami ng E-heads. Sa kantang “Yoko”, may bulong silang parang ganito: “Milyun-milyong Pilipinong estudyante, tumiwalag, palayain ang sarili!”

Higit sa bulong ng pagkalas sa CMT at ROTC, binago ng Eraserheads ang landscape ng Original Pilipino Music. Rebolusyunaryo ang bagong tipo ng musikang ipinakilala nila, na niyakap ng mga Pilipino mula sa lahat ng antas ng lipunan. Mapagpalaya’t mapagbuklod ang musika ng E-heads, kahit madalas ay tila walang kapararakang pinagdugtung-dugtong na salita lamang ang kanilang liriko. Sayang at kailangang magbago. Maaari pa sanang maingat ang kanilang musika upang “sunduin ang masa…kahit ayaw nilang sumama.”

Pero ganyan talaga ang buhay, puno ng pagbabago. Ang mahalaga, kapag naririnig natin ang kanilang mga kanta, sinasalubong tayo ng malakas na agos ng mga alaala.

Para sa Masa

“Ito ay para sa mga masa,
sa lahat ng hindi marunong bumasa
sa lahat ng masa…”

HINDI AKO si Ely Buendia ng paborito kong Eraserheads; medyo kahawig lang niya ako–kapag nakahiga. Pero gaya ng kanilang kantang Para sa Masa, ang sulating ito ay para rin sa mga masa (pero hindi yung nag-iisip at organisadong masa ni Liza Masa ng Gabriela’t Bayan Muna).

Sa kawalang pag-asa, ang masa’y kumakakapit sa ilusyon. Dahil sa dantaong pagkalugmok at pagkakalublob sa kahirapan, nawawalan sila ng pundasyong masasandalan.

Nang dahil sa lubhang kulang na serbisyo pampublikong dapat na ipagkaloob ng pamahalaang dapat sana’y kumukupkop sa kanila, nanatili ang kawalang kalidad ng edukasyong nakukuha — kung mayroon man –ng kabataang masa. Dahil dito, napipigilan ang paglago ng kanilang kaisipan at nananatiling nahihimbing ang kanilang kamalayan.

Continue reading