Superman Returns

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

“Noong unang kaarawan ni Miguel–ang superfriend kong pamangkin ng girlfriend ko–ibinili siya ng Tita Mhay niya ng Superman custome. Tuwang-tuwa ang bata. Nang magkaroon kami ng DVD ng lumang pelikulang “Superman: The Movie”, araw-araw itong pinapanood ni Miguel. Gustung gusto niya kapag tumutugtog na ang Superman theme, at may mga eksena siyang paulit-ulit na pinapanood. Sa kalaunan, nagasgas ata ang DVD dahil sa kaka-rewind.

Minsang nasa kanila ako, sinubukan kong panoorin ang buong pelikula. Kaya lang, nagloko ang gasgas na DVD at ‘di ko natapos ang pelikula. Ang totoo kasi niyan, bagamat dati’y nanonood ako ng Lois & Clark sa TV, hindi ako nakabasa ng comics nito at ‘di ko pa napanood ang mga pelikulang kabilang sa Superman series. Bandang huli, nakahanap din ako ng piratang DVD na naroon ang lahat ng apat na pelikula: “Superman: The Movie”, “Superman II”, Superman III”, at “Superman IV: The Quest for Peace.” Sadyang isip-bata yata ako–o aliw lang talaga sa mga superhero at malapit sa mga konsepto ng katotohanan, katarungan, at kapayapaan—kaya’t gaya ni Miguel, sobrang naadik din ako, at pinagpuyatan ang panonood matapos lamang agad ang apat na pelikula.

Kaya nang malapit nang ipalabas ang “Superman Returns”, excited na ako. Minonitor ko ang website ng “Superman Returns”, ginawang Superman ang theme ang ring tone—pero Hello Garci pa rin ang message tone—ng Nokia 6600 ko, at sinalihan ko ang mga Superman contest sa Internet. Pinalad naman akong manalo sa PinoyExchange, kaya’t nakapanood kami ni Mhay ng advanced screening sa Robinson’s Galleria noong Hunyo 27.

Hindi kami binigo ng “Superman Returns” sa mga inaasahan namin. Pagbukas pa lang ng pelikula, parang blast from the past agad. Ang musikang ginamit—kung di ako nagkakamali—ay iyon ding ginamit sa mga unang Superman movies. Sa simula pa lang, high-tech na rin agad ang effects. Mahaba ang pelikula, pero di mo ito mapapansin dahil mabilis ang mga pangyayari at mamamangha ka sa mga eksena.

Nang pumasok na si Clark Kent (na ginagampanan ng baguhang si Brandon Routh) sa opisina ng kanilang diyaryong Daily Planet, matutuwa ang mga dati nang fans—kuhang kuha niya ang estilo, pati hitsura, ni Christopher Reeve bilang Clark. Kahawig pa rin siya ng orig na Superman kapag nakasuot na ng medyo binagong custome. Si Lois Lane (Kate Bosworth) ay medyo malayo sa unang Lois, pero mahusay naman ang kanyang pagganap.

Ayon sa nabasa ko, sinundan daw ng “Superman Returns” ang kuwento pagkatapos ng ikalawang Superman movie na lumabas noong pang 1980. Sa kuwento, makalipas ang ilang taong pagkawala upang balikan ang kanyang pinagmulang planeta, bumalik si Superman sa daigdig. Nagbagong mundo na ang kanyang nadatnan.

Mas tao si Superman sa palabas na ito. Sabi nga ni Mhay, parang sobrang kawawa siya. May iba na si Lois, at walang ibang buhay si Clark kundi ang Daily Planet at ang pagiging Superman. Sa pelikula, pinakamatindi na yata ang naranasan niyang hagupit. Biro mo’y naospital pa ang bida matapos siyang patumbahin ni Lex Luthor (Kevin Spacey). May mga bagong tauhan, at bagong elemento rin sa kuwento ni Superman. At maniniwala ba kayong pati ang Maynila ay nabanggit sa pelikula? May mga katanungan din itong hatid: ang tagapaligtas, halimbawa, ay nangangailangan di ba ng pagliligtas?

Kung tama pa rin ang impormasyong nasa website ng “Superman Returns”, kayong mga nasa Japan ay may dalawang buwan pa ang ipaghihintay, dahil Agosto 19, 2006 pa raw ipapalabas ang pelikula riyan. Pero it’s worth the wait, ‘ika nga. Panoorin ninyo ang “Superman Returns”.

Samantala, mapapanood na ni Miguel ang paborito niyang si Superman ngayong Biyernes. Sasamahan siya ng kanyang lolo. Kami naman ni Mhay ay uulit ngayong Hulyo, at para mas masaya, sa Imax naman, kasama pa ang buong barkada.

0 thoughts on “Superman Returns”

  1. Actually napanood ko to last Saturday. For the very first time, nakita ko na tuwang tuwa ang hubby ko sa pinapanood naming movie. Hindi sya “natulog”, at nakita ko na nag re-react sya sa mga scenes ng pelikula. Siguro, meron ding secret ambition ang hubby ko to “save the world”, to have super strength, gaya siguro ng maraming kabataang lalaki na iniidolo si Superman. Yes, maganda ang movie…. Sana magustuhan din ni Miguel ang movie na to…

  2. ederic,

    honga, nakita ko ngang dumaan si superman
    ng 10.55 PM sa Manila…naku, palibhasa visa-free
    kaya tawid ng tawid.

    gari

    PS: i want my cut too.

  3. Siguro nga, yun yung isa sa mga dahilan kung bakit gusto ng marami si Superman. Sa loob ng bawat isa sa atin, nakatago ang kagustuhang di man makapagligtas ay makatulong man lang sa lahat ng panahon. Nag-enjoy naman daw si Miguel. Kaya lang mas addict siya sa Captain Barbell.

  4. san po kayo nakahanap ng pirated dvd ng superman 1-4??? ang tagal ko nang hinahanap yun kaso wala akong makita. naka-separate ba per dvd yung bawat movie or compiled na sya into 1 dvd. i’ll be very grateful for your answer. thanks 😀

Leave a Reply