Si Jasmine Trias at ang pagiging Pilipino

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

Nagkakagulo rito sa Pilipinas dahil sa pagdating ng isang “American Idol.” Bumisita pa nga siya sa Palasyo ng Pangulo ng Republika

Eh ano kamo kung magkagulo? Normal naman sa mga Pinoy na pagkaguluhan ang mga sikat na foreigner, lalo na kung Amerikano? Pero ibang sitwasyon ito. Ito kasing dumating na “American Idol,” eh Pilipino raw!

So, iisipin natin: Ala eh asteeg pala talaga tayo? Isipin mo’y maging “American Idol” ang isang Pilipino! World class na lahi talaga tayo!

Opps, teka lang. Bago bumula ang bibig natin sa tuwa at pagmamalaki, ang tinutukoy ko po ay si Jasmine Trias. Finalist siya sa pa-kontest sa telebisyon sa “American Idol.” Ipinanganak at nakatira siya sa Hawaii, isang estado ng United States of America. Ang mga magulang niya ay dating taga-Cavite na sa Hawaii na nanirahan.

Kuwento ng isang kaibigan ko, noong mga unang bahagi raw ng “American Idol,” ipinakikilala siya bilang Filipino-American. Sa bandang huli, tinutukoy na lang siya bilang isang Hawaiian.

Pero noong napasama na siya sa finalists, tayong mga Pinoy ay ‘di na magkamayaw sa pag-angkin sa kanya, gaya ng pag-angkin natin sa sinumang taga-ibang bansa na may mga magulang o lolo at lolang Pilipino.

Ipinaalala ni Oriah Satria ng “Piercing Pens” ang kaso ni Natalie Coughlin na nanalo ng medalyang ginto sa Athens Olympics. Pilipina raw ang kanyang lola. Dahil dito, naging usap-usapan ang posibleng pagkuha sa kanya upang lumaro para sa Pilipinas sa 2006 Asian Games.

Sa kaso naman ni Jasmine, ayon pa kay Oriah, napuno ang mga pahayagan ng mga ganitong headlines: “Jasmine Trias comes ‘home,” “Homecoming for American Idol finalist.” Sa kabila ito ng katotohanang nang sa kanyang pagdating ay tanungin si Jasmine kung nanaisin ba niyang dito na manirahan sa Pilipinas na umano’y kanyang “home” (tahanan), ang kanyang sagot ay ganito: “I don’t think it’s possible at the moment. Besides, Hawaii is home for me.”

Aray! Tablado tayo!

Sa gitna ng media blitz sa pagdating ni Jasmine, masyado na yata tayong nalunod at nalimutang pag-isipan kung talagang Pilipino nga ba ang dalagitang ito na umano’y mahilig sa sinigang na hipon at adobo. Awtomatikong Pilipino ka na ba kung ikaw ay may ninunong Pinoy at kumakain ng adobo o marunong kumakanta ng “Ako ay Pilipino”?

Ang pagka-Pilipino, ayon kay Oriah, ay higit isa pagkakaroon ng ninuno o dugong Pilipino at higit sa pagkain ng Adobo. Sang-ayon si Alex Remollino ng “Our Thoughts Are Free” : “Isang nagsusumigaw na kaistupiduhan ang ikupot ang konsepto ng pagka-Pilipino sa sala’t kusina.”

Sa kaso ni Jasmine, na nagsabing “My Tagalog is a bit rusty, but it’s ok. I still have the Filipino pride in me,” bagamat hindi natin dapat ipagdamot sa kanya ang kanyang kaugnayan sa ating lahi, huwag sana tayong OA. Kalabisan na ang todo-todong pag-angkin sa isang Hawaiian bilang “100% na Pinoy”.

0 thoughts on “Si Jasmine Trias at ang pagiging Pilipino”

  1. Hi Ederic! 🙂 Sa totoo lang, nakakasawa na yung Jasmine Trias na iyan. Para sa akin eh hindi naman exceptional ang boses niya. Magaling pa yata kumanta si Kyla. Hehe.. tama ka, i-welcome natin siya. Pero huwag namang OA. Tuwang-tuwa pa ang mga tao sa funny accent niya. Grabe, parang yung kay Sandara, yung “Mahal ko kayo” commercial niya. Pinoy talaga.

  2. pare, nalagay na rin pala ‘ko d’yan sa pinoy gazette, a! baka maikukuha mo ‘ko ng kopya, na babayaran ko na lang. 🙂

    Magaganda rin ang mga punto mo tungkol kay Jasmine at sa pagka-Pilipino. Nawawala talaga ang istorikong konteksto ng konsepto ng pagka-Pilipino sa media blitz kay Jasmine, e.

  3. alam mo, agree ako. si jasmine, sa tutuo lang, may boses, pero marami din namang mga local personalities na comparatively mas may boses kesa sa kanya. Oo nga’t pinoy sya at dapat bigyan ng magandang welcome sa pinas, pero sana nga wag naman sobra-sobra.

  4. Hinangaan ko si Jasmine hindi sa kaniyang pag-awit kung hindi sa kaniyang malumanay na pakikipagtalad sa isipang mapangkutya ni Simon noon sa American Idol. Hindi ko siya hinangaan dahil ipinagmalaki niya ang kanyang legasiya pagka Pilipino. Wala sa kaniya yon. Sa katunayan ay Hawaii pa rin ang kaniyang bayan. Hindi natin siya masisi dahil doon siya lumaki. Ngunit taglay niya ang Pilipinong kaugalian na iminulat sa kaniya ng kaniyang magulang, ang pagiging malapit pa rin sa pamilya, sa magulang, sa mga lolo at lola na sa bayan na kaniyang kinagisnan ay bihirang matagpuan.

    Naging kalakaran na siguro sa mga banyagang mga kumpaniya ang gamitin ang prinsipyo na tangkilikin ang sariling atin sa pamamagitan ng pagkuha ng personalidad na lumaki at nagkaroon sa pangalan sa ibang bansa upang makuha ang pagtangkilik sa kanilang produkto.

    Sa kaso ni Jasmine, sino nga naman ang hindi kakain ng” hamburdyer” kung ito ang kinakain ng isang American Idol.

    Sa kaso ng The Incredibles, masaya man ako at nagmamalaki na isang Pinay ang isang animator sa Pixar, bakit ang sulatin tungkol sa kaniya ay itinaon sa pagpapalabas ng pelikula. Komeryalismo o hindi, mabuhay pa rin ang mga Pilipino. Ahahay.

  5. Try nyong basahin sa forum ng American Idol ang anti-Filipino comments ng mga Kano. Interesante at nakakainis. Anyway, mas magaling si Camille Velasco (yung isa pang Fil-Am sa American Idol) sa kanya. Mas confident nga lang si Jasmine. Sometimes guts spell out the big difference.

Leave a Reply