Subukan ang Filipino

Trending ngayon sa Twitter ang journalist na si Teddy Locsin, Jr. dahil sa tweet niyang ito:

Naalala ko tuloy ang isang article na isinulat ko para sa Yahoo! noong Buwan ng Wika 2011:

SUBUKAN ANG FILIPINO

By Ederic Eder, Yahoo! Southeast Asia
August 15, 2011 5:13 AM
The Inbox

Sa bayang ito, bigatin ka kapag Inglisero ka. Kung gusto mong manindak, sa lumalagatik na English ka makipag-usap. Para seryosohin at pakinggan ka — lalo na ng mga may kapangyarihan — English ang gamitin mo. Pero kung sa karaniwang manggagawa o sa mga nagsisilbi sa ‘yo ka magtatanong o mag-uutos, puwede na ang Filipino.

Wika nga ng isang kilalang mananalaysay, ang wikang English ang naghiwalay sa ating mga Pilipino sa ating nakaraan, at ito rin ang nagsisilbing kalang sa pagitan ng mga edukado at ng masang Pinoy.

Para sa marami, bakya ang Tagalog o Filipino, at dapat lamang gamitin sa tabloid o sa mga balitang showbiz. Pero sa mga seryosong isyu, dapat ang pandaigdigang wika lamang ang gamitin. Kaya naman nang mag-Filipino ang pangulo sa kanyang Ulat sa Bayan, may mga umalma. Ganito marahil ang reklamo sa isip nila: “PNoy’s speeches should be in English. It’s so hirap to understand. I’m slow pa naman in Tagalog.”

Pero unawain sana nating hindi lang ang mga nakapag-aral at sanay makarinig ng English — at lalong hindi ang mga mamamayan ng ibang bansa — ang nais kausapin ng pangulo sa kanyang talumpati. Ang buong sambayanang Pilipino ang target niya, kaya’t kahit sa mahalagang usapin ng kalagayan ng bansa, ginagamit niya ang Filipino, ang lingua franca sa Pilipinas at wika ng “Amaya” at “Showtime” — mga palabas sa telebisyon na tinatangkilik ng mga Pinoy sa buong bansa. (1990 pa lang, 99% na ng mga sambahayan sa Pilipinas ang nagsasalita ng Filipino o Tagalog bilang una o ikalawang wika.)

Kapag nanonood tayo ng mga pagdinig sa Kongreso, ‘di ba’t sumasakit ang ulo natin sa pakikinig sa mga mambabatas at bisitang kandapilipit ang dila sa pagpipilit na mag-English kahit pare-pareho naman tayong mga Pilipino? Kapag nakakarinig kami ng kasintahan ko ng mga maliliit na batang kakulay ko naman, pero OA sa pagka-English-speaking, nagkakatinginan na lang kami. Kakaiba kasi.

Minsan, habang nagbabasa ng mga sulat mula sa kanyang empleyado, nasabi ng isang pinsan kong Eurasian na dito na namamalagi na sana raw ay Tagalugin na lang nating mga Pinoy ang mga formal na sulat natin para mas maging tama ang mensaheng nais nating iparating. ‘Yun naman kasi ang punto ng komunikasyon: ang magkaintindihan para mas malinaw ang usapan.

Di naman natin sinasabing ibasura ang mga dayuhang wika. Pero sabi nga ng propesor ko, ilang bahagi lamang ng populasyon ang lubhang nangangailangan nito para makipagtalastasan sa mga nasa ibang bansa. Pero para sa ating mga nasa Pilipinas, sa pakikipag-ugnayan sa mga kapwa natin Pilipino, bakit di natin baguhin ang umiiral na kaayusan? Subukan natin ang Wikang Filipino. Sinisiguro ko sa inyo, maluwag sa dibdbib. Di na tayo mano-nosebleed, mas marami pa ang makaka-gets.

Leave a Reply