Sorpresa ng AlDub sa Kalyeserye

Mahigit isang buwan makalipas ang pagtatapos ng unang aklat ng Kalyeserye ng Eat Bulaga, naganap na ang inaabangang pagbabalik ng kuwentong mahigit isang taong tinangkilik ng mga manonood. Ang pagbabalik na ito, may kasama palang sorpresa!

Sa kuwento, limang taon na ang nakalilipas mula nang umalis ang mga lola papunta sa United States. Sa kanilang pag-uwi, isang espesyal na okasyon na matagal na raw pinlano nina Alden (Alden Richards) at Maine (Maine Mendoza) ang magaganap. Nagkaubusan ng supply ng oxygen sa AlDub Nation matapos sabihin ni Lola Nidora na ito ang araw ng pamamanhikan.

Ang araw-araw na kilig na hatid ng Kalyeserye characters na sina Alden at Maine, mauuwi na sa wakas sa kaganapan ng kanilang pag-iibigan — ang pag-iisang dibdib!
Tuwang-tuwa ang mga tagahanga nang isa-isang pumasok sa mansiyon sina Lola Nidora (Wally Bayola), Lola Tinidora (Jose Manalo), at Lola Tidora (Paolo Ballesteros). Sa wakas, muling nakompleto ang De Explorer sisters mula nang biglang umalis noon si Lola Tidora.

Maya-maya’y si Lola Babah (AiAi delas Alas) naman ni Alden ang dumating. Hinanap niya ang kaniyang apo, na papasok na rin pala sa mansiyon. Nang makapasok na sila, bumaba nang unti-unti mula sa itaas ng mansiyon si Maine.

Ang mga damit na suot nina Alden at Maine, nakapagpaalala sa makasaysayang unang pagbisita ng binata sa mansiyon noong isang taon, kung kailan unang nakapagpakuha ng litrato nang magkasama ang magsing-irog. Kasabay rin ng pagbisitang iyon ang “National Pabebe Wave Day,” at ang pagtatala ng Twitter hashtag na #ALDUBEBforLove ng record na mahigit 25 milyong tweets.

Siyempre, kapag pinagtabi na ang dalawang bida, mahahampas mo na ng unan ang kawawang katabi mo, o sa bitbit mong teddy bear, tiyak na ika’y mapapayakap. Sa studio ng Eat Bulaga, mayroon pa ngang sa kilig at galak ay napaiyak! Maaaring ang ilan sa inyo, ‘di napigilang mapaindak.

Gaya nang dati, may words of wisdom at dagdag-kaalaman si Lola Nidora para sa mga manonood. Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng tradisyon ng pamamanhikan, na bahagi ng kulturang Pilipino:

Bago ko pa maikuwento sa inyo ang buong episode, panoorin n’yo na — o para sa marami sa inyo, muling panoorin — kung paano pormal na hiningi ni Alden kay Lola Nidora ang mga kamay ni Maine sa buong video mula sa Eat Bulaga Facebook page:

Kailan kaya ang tamang panahon para sa enggradeng kasalan? Siguradong maisasama na naman tayo sa Guinness World of Records kapag nangyari na ‘yan!

Para naman sa mga clueless kung tungkol saan ba itong mga pinagsusulat ko, basahin ang blog post kong “AlDub: Ang simula.”

Leave a Reply