Seryosong Sagot sa "Liham"

Kalat na kalat na sa CyberSpace ang liham para kay Kapitan Trillanes na hanggang ngayo’y di ko pa rin kilala kung sino ang sumulat. Nasundan ito ng isa pang nagsusubok magpatawa pero sa totoo’y sobrang nakakainsulto nang liham na umano’y sagot ni Trillanes. Hindi ko na ipo-post itong ikalawa. Sa halip, ibabahagi ko naman sa inyo itong isa pa–seryoso at may lamang sagot sa unang liham. Ang nakalagdang sumulat nito ay si Radamanthus Batnag.

Sana nga, ganun lang kasimple ‘yun at ganun kadaling pagtawanan.

P’re, naranasan mo na ba makitang patayin ng kaaway ang isa mong kaibigan? Kung hindi ka NPA, malamang, hindi. Naranasan mo na bang pumatay? Mas mabigat ito. ‘Yung kaibigan na namatay, lilipas din ang sakit noon. Pero ‘yung taong pinatay mo, baka di mo malimutan habang buhay.

Alam mo ba kung paano makipaglaban ang mga Scout Rangers? Kadalasan, dala ng pangangailangang masorpresa ang kaaway, kailangan mong gamitan ng bayoneta ang tanod sa kampo ng rebelde na lulusubin nyo. Kung naaalala mo pa ang bayonet training mo sa ROTC, di biro pumatay sa pamamagitan ng bayoneta. Mararamdaman mo ang laman ng taong pinapatay mo. Makikita mo pa ang mukha niya habang unti-unti siyang namamatay–makikita mo ang pagkabigla, pagmamakaawa, at ang pagkalungkot sa mukha niya habang nari-realize niya na mamamatay na siya.

Alam mo kung kanino ko ito natutunan? Sa isang miyembro ng RAM na trainor namin sa ROTC (‘yun ang parusa sa kanila, nademote at inilagay sa harmless na positions sa NCRDC). Alam mo, p’re, aktibista ako nung college at meron akong natural aversion at pagkainis sa mga RAM. Tingin ko sa kanila mga Marcos loyalists at Gringo boys na disgruntled dahil di sila nabigyan ng sapat na recognition at reward nung 1986. Pero dun sa 32 days na ROTC training ko sa Fort Bonifacio, natutunan ko ring irespeto ang mga trainors namin. Di naman pala lahat ng RAM/YOU members e mga bobong Gringo fans. At higit sa lahat, natutunan ko sa kanila na di pala “glorious” ang giyera (pangarap ko maging NPA commander dati e).

Akala ko, para sa mga Scout Rangers at sa iba pang mga sundalo, sisiw ang labanan at ang sarap manalo sa labanan. Hindi pala. Doon sa bayonet training namin, inamin nung trainor na yung unang taong pinatay niya sa pamamagitan ng bayoneta, naaalala niya palagi ang mukha at di siya pinatulog nang ilang buwan.

Alam mo p’re, tao rin yang mga yan, katulad natin. Mahilig ding makinig ng mga kanta ni Noel Cabangon. Yung trainor namin, si Capt. Flordeliza, narinig ko pa minsan kumakanta ng kanta ng “Asin”–Cotabato.

Di biro itaya ang buhay para sa bayan. At lalong di biro kumitil ng buhay “para sa bayan.” At kapag na-realize mo na itinaya mo ang buhay mo, at kumitil ka ng buhay para sa mga layuning taliwas pala sa interes ng bayan, pagkatapos mong bangungutin at lahat dahil sa mga kaibigan mong namatay at sa mga “kaaway” na pinatay mo–di ka ba maiinis at kukuha ng M-60 at mag-rarambo? Kung tutuusin, napakaayos pa nga ng ginawa nina Trillanes.

Ewan ko sa inyo, pero ako, kahit na di naman ako nagbuwis ng buhay at di naman ako pumatay, medyo naiintindihan ko ang pagkabuwisit ng mga sundalong ito. Naalala mo ba ang mga sakripisyong hiningi sa atin ng dot-com employer mo? Tapos wala namang kinahinatnan? Ano naramdaman mo nung narealize mo na balewala lahat ng pagpapagod at pagpupuyat?

Ako, naka-tatlong palpak na dot-com at isang palpak na startup ako. Buti ako, meron naman akong naipong IT skills in the process na magagamit ko para bumangon muli. E itong mga sundalong ito, ano ang saysay ng naipon nilang karanasan sa pagpatay?

Pangalawa, p’re, paalala lang, di imposibleng totoo ang mga bintang nitong mga sundalong ito. Kung babalikan natin ang kasaysayan, may gumawa na nito 30 years ago. Na-trace na ba kung saan nakakuha ng C-4 ang mga teroristang nangbomba sa Davao? Sa pagkakaalam ko kasi, di madali makakuha ng C-4, at AFP lang dapat ang meron nito sa Pilipinas. Kung “nanakawan tayo” ang palusot, may nag-imbestiga ba kung bakit ganun tayo kadali manakawan?

Hinay-hinay sa pagbibiro, pre. Dahil di na nakakatawa kung totoong pinaglalaruan ng mga pulitiko ang buhay at kamatayan–literally–ng mga Pilipino.

Kung ipinasa nyo sa mga kaibigan nyo yung open letter na nakakatawa, sana ipasa niyo rin ito.

Radamanthus Batnag

0 thoughts on “Seryosong Sagot sa "Liham"”

  1. naks. ngayon lang ako ulit nakavisit ng site mo. i like the new scheme. kaw ba yung nasa banner? hehe. talagang inexpose ang cell phone. “are you one of us?” 🙂

  2. Asteeg, sobra. Snappy ang article. It really changed my view about the pmayers and the mutiny. Sana, makonsyensya na ung original author. Maliwanagan ka sana!

  3. Pingback: Weblogger

Leave a Reply