Sa Paglipad ni Timothy

Masaya ang unang pagkikita namin ni Timothy halos dalawang taon na ang nakakaraan. Sa bahay iyon ng pinakaiirog niyang si Margaux. Magkaibigang matalik sina Margaux at ang pinakamamahal kong si Myla. Sa gimik na iyon, ang bestfriend?s boyfriends?si Timothy, ako, at si Jess na boyfriend naman ni Kat na bahagi rin ng barkada nina Myla?ay ?di sinasadyang pare-parehong nakasuot ng shirt na itim. Tinanong tuloy kami ng magbabarkada kung sasayaw raw ba kami. Maliban sa pagkain at inumin, ang gabing iyon ay napuno ng tawanan at kuwentuhan. Siyempre pa, patok ang mga hirit ni Timothy na TJ ang palayaw sa kanyang pamilya at Tim o Moti sa amin.

Hindi namin nakasama nang matagal si Tim. Kadalasan ay sa mga okasyon lamang: Kapaskuhan, birthdays, UP Fair. Bukod kasi sa abala kami sa trabaho, si Tim naman ay umuwi muna sa probinsiya habang pansamantalang nakatigil sa pag-aaral niya upang maging isang piloto. Pero tuwing may gimik ang barakada, lagi siyang may request sa text sa akin. Bantayan ko raw si Margaux para sa kanya. Naging mas malapit kami noong naghiwalay sila ni Margaux. Nagti-text kami at nagtatawagan at pinag-uusapan ang kanilang problema. Kinulit-kulit ko rin siyang bumili ng Sun Cellular SIM para makapagtelebabad kami sa cellphone.

Lagi kong maaalala nang minsan ay nagkayayaan kaming maghapunan nang magkakasama dito sa Quezon City. Ang alok niyang sorpresahin namin ng dalaw si Myla sa Pampanga ay nauwi sa biglaan ngang pagbiyahe. Masaya ?yung biyaheng iyon. Nag-take out na lang kami ng pagkain sa Jollibee. Ikinagulat nga ni Myla at ng Mama at Papa niya ang biglaang kong pagdating sa bahay nila kasama sina Tim at Margaux at ang pinsan kong si Jay. Sabay-sabay na kaming bumalik sa Maynila. Kinabukasan, kumain naman kami sa Mang Jimmy?s sa may likod ng UP at tumungga ng tig-iilang bote sa may Quezon Avenue kasama ang iba pang mga kabarkada nina Myla.

?Tim loved you guys. He always wanted to spend time with you all when he was alive, not because he wanted to earn brownie points so you would side with him whenever we argued or fought or broke up, but because he genuinely liked you. You were great friends to him as you forever will be to me,? sabi ni Margaux sa e-mail niya sa e-group ng barkada.

Bago mag-Valentine?s Day, kinulit kami ni Tim na puntahan namin ni Myla ang ang exhibition nila sa sa Clark. Hindi namin siya napagbigyan pero ang usapan namin ni Tim, one of these days ay gigimik kami ulit at mag-iinuman sa may Timog. Sayang at hindi na iyong matutuloy.

Noong Pebrero 19, nag-crash ang eroplanong sinasakyan niya habang nagsasanay sa Mindoro. Pumanaw si Tim kasama ang kanyang instructor.
Dalawang araw bago mangyari iyon, ipinadala ni Lucila?barkada rin nina Myla at Margaux?sa e-group ?yung e-mail na nagsasabing tukuyin natin kung bakit dumarating ang bawat tao sa ating buhay. Itinatanong nito kung ang ating mga kaibigan ba ay nakikilala natin for a reason, a season, or a lifetime. ?Yung for a reason daw, dumarating dahil sa isang dahilan?para bang hulog ng langit na biglang mawawala; yung season, sandali lang mananatili pero magdudulot ng saya; at ?yung lifetime, eh for life.

Akala ko makakasama naming magkakaibigan si Tim for life. Akala ko kasama siya sa kategoryang for a lifetime. Inasahan kong kapag bumubuo na kami ng kani-kaniyang pamilya, nariyan lang ang isa?t isa para maging lagiang kaagapay at karamay?kapareho ng sitwasyon namin bago siya mawala. Pero inagaw nga siya sa amin ng isang aksidente.

Siguro, ang pagdaan ni Tim ay sa buhay namin, sa buhay ng mga malapit sa kanya ay ?for a reason?: upang punuin ng saya at pagmamahal ang aming buhay bilang isang malambing na anak, makulit na pamangkin, mapagmahal na kasintahan, maalalahaning kaibigan, o komedyanteng kaklase.

Ipinakita niya sa amin kung paano mabuhay at magmahal nang todo?truly madly deeply. Kapag nag-uusap kami noon, sinasabi niya kung gaano kahalaga si Margaux para sa kanya. Nagin halimbawa rin siya ng pagsusumikap na tapusin ang anumang sinumulan at abutin ang minimithing pangarap. Sa kanyang paglisan, si Tim ay isa nang ganap na piloto.

Sa kanyang pag-uwi kay Bathala, iniwan niya kaming nabigla at nagdadalamhati. Pero dapat naming unawaing upang si Moti ay malayang makalipad, kailangan niyang iwanan ang kanyang katawang winasak ng trahedya. Di nga ba?t ang munting prinsipe sa librong The Little Prince ay nagsabi sa kaibigan niyang piloto na lubhang mabigat ang kanyang katawang lupa upang dalhin sa kanyang paglalakbay pauwi sa kanyang bituin?

Pero sinabi rin ng munting prinsipe na tuwing makakakita ng buituin ang kaibigan niyang piloto kapag siya ay wala na, maaalala ng piloto ang mga halakhak ng munting prinsipe. Para rin daw siyang makakakita ng mga bituing tumatawa.
Sa mga susunod na araw, susubukan naming tumingala sa kalangitan. Baka sakaling isang gabi, mula sa himpapawid ay dalhin sa amin ng hangin ang mga hiyaw at halakhak ni Moti sa kanyang paglipad.

Gaya ng sinabi ko sa harap ng kanyang ina at kay Margaux, hindi ko kakalimutan si Tim. Sabi nga ng pilotong kaibigan ng munting prinsipe, ?To forget a friend is sad. Not everyone has had a friend.? Totoo iyan. At idadagdag ko ring ?Not everyone has had a friend like Timothy.?

Post a reply