Sa gitna ng sagutang Mike vs. Atom at Mocha vs. Kris: Bob Ong may panawagan

Sa pagitan ng sagutan sa social media ng batikang direktor na si Mike de Leon at ng mamamahayag na si Atom Araullo at ng iringan ng tinaguriang Queen of Fake News Mocha Uson at ni Queen of All Media Kris Aquino, may panawagan sa kaniyang mga tagahanga ang manunulat na kilala sa pangalang Bob Ong.

Hiling ni Bob Ong, ireport sa Facebook bilang fake page ang Bob Ong Quotes, na gumagamit nang walang pahintulot sa kaniyang pseudonym at profile image. Nagpopost ang Bob Ong Quotes ng mga linya tungkol sa buhay at pag-ibig, kabilang ang mga tinatawag na hugot lines na patok na patok sa mga kabataan ngayon. Ang mga linyang ito ay hindi galing sa mga libro at social media posts ni Bob Ong.

Magpapatulong lang po.

Bukod sa pagpapanggap ay nagpapakalat pa ng political stance itong page na ito na kabaligtaran…

Posted by Bob Ong on Monday, May 28, 2018

Ginagamit din ng lumikha nito ang Bob Ong Quotes para i-promote sa mahigit kalahating milyong nag-like sa page ang mga post ni dating Senador Bongbong Marcos, talunang kandidato sa pagkapangalawang pangulo noong 2016 at anak ng yumaong diktador Ferdinand Marcos.

Tulad nina Mike de Leon, Atom Araullo, at Kris Aquino, hindi tagasuporta ni Bongbong at ng kaniyang ama ang paborito nating manunulat na si Bob Ong.

“Tiwala akong kung magkaiba man tayo ng pananaw ay nagkakaisa pa rin tayo sa prinsipyong maling palabasing paniniwala mo ang paniniwala ng iba lalo’t kabaligtaran ng sa ‘yo,” ani Bob Ong sa kaniyang Facebook post.

Nagse-share din ang Bob Ong Quotes ng mga post ni Franco Mabanta, na gaya ni Mocha Uson ay propagandistang tagasuporta nina Bongbong Marcos at Pangulong Rodrigo Duterte. Si Bob Ong ay hindi ka-DDS (Duterte Diehard Supporters).

Bukod sa hindi galing sa totoong Bob Ong ang mga post ng “Bob Ong Quotes,” sablay ang paggamit nito ng wika. Mali ang baybay ng ilang salita dahil kadalasa’y texting language ang pagkakasulat, hindi alintana kung dapat ay maliit o malaking titik ang ginagamit, at mali rin pati ang mga bantas.

Sa panahon ng social media, madaling mauto ng mga fake news at fake social media profiles at pages. Kung hindi tayo maingat, hindi natin mamamalayang napa-share at napa-like na pala tayo sa mga peke.

Sa isa pang post, ganito ang hugot ni Bob Ong:

Isa lang po ang pakiusap ko sa open-for-all "personal" at official facebook account na ito: Huwag i-follow o tangkilikin…

Posted by Bob Ong on Friday, June 8, 2018

Sa Twitter, may mga fake Bob Ong din. Ang totoong account niya ay @sibobpo.

Ngayong alam mo na ang totoo, tutugon ka ba sa panawagan ni Bob Ong?

Post a reply