Undas na naman. Marami sa atin ang bumisita sa mga sementeryo para alalahanin ang mga kamag-anak na nauna na sa dako pa roon. Namulat na tayo sa paniniwala sa kabilang buhay. Pero ano nga ba ang pagkakaunawa natin dito?

Para sa karamihan ng mga Kristiyano, lalo na sa mga Katolikong tulad ko, may kabilang buhay. Kapag namatay raw ang tao, mapupunta sa langit ang kaniyang kaluluwa kung namatay siya nang nasa ilalim ng grasya ng Diyos. Kung namatay naman siyang may mabibigat na kasalanan, sa mainit na impiyerno ang biyahe niya. Sa may mumunting kasalanan naman na kailangan pang linisin, bago sumalangit ay napupunta ang kaluluwa sa pansamantalang tambayan — ang purgatoryo.

May mga ibang pananampalataya naman na nagsasabing sa pagpanaw ng isang tao, muli at muli siyang babalik at mamumuhay sa mundo hanggang sa marating niya ang ispirituwal na antas ng perpeksiyon at paglaya — ang moksha o nirvana.

Noong nasa kolehiyo ako, nagsulat ako ng paper na nagsaad ng palagay kong ang cycle ng reincarnation o muli’t muling pagsilang ay maaaring pareho lamang sa konsepto ng purgatoryo. Ang mga ito’y parehong proseso ng paglilinis na iisa ang destinasyon. Ang beatific vision o pagtunghay sa Diyos na mararanasan ng mga Kristiyanong nasa langit ay tila kapareho rin ng moksha — o ang paglaya ng mga Hindu at Buddhist mula sa pagdurusa at paulit-ulit na pagsilang.

May mga relihiyon namang naniniwala na kapag namatay ang isang tao, titigil na siya sa pag-iral. Walang kaluluwang mapupunta kung saan man. Pero sa katapusan — sa Araw ng Paghuhukom — ang mga iniligtas ay muling mabuhuhay at makakasama ng Diyos sa Paraiso.

Interesting ang ganitong paniniwala dahil posibleng isiping walang konsepto ng impiyerno o walang hanggang pagdurusa. Ang magiging kabayaran ng kasalanan ay kamatayang wala nang bawian. ‘Di na parurusahan nang walang hanggan ang mga makasalanan, pero ‘di na rin nila mararanasan ang di-matatapos na kaligayahang dulot ng pagiging kapiling ng Diyos. Para bagang dahil bukal ng awa ang Diyos, ‘di niya maatim na hayaang masunog sa ‘di mapupugnaw na apoy ang ilan sa kanyang mga nilalang.

May isa pang paniniwala hinggil sa kabilang buhay — o kawalan nito. Ito ‘yong paniniwalang kapag namatay ang isang tao, katapusan na niya talaga. Wala na siyang malay. End of the road. Wala nang kaluluwang mapupunta sa langit, maglalagalag, o susunugin sa impiyerno. Sa madaling sabi, kapag namatay ang isang tao, forever na rin siyang titigil sa pag-iral.

Itong huling paniniwala, nagiging excuse ng ilan para i-enjoy ang buhay nang walang patumangga at pagsasaalang-alang sa kapwa-tao.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts