Pinoy sa tuktok ng mundo

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette, Mayo 27, 2006)

Tatlong Pilipino ang nakarating sa tuktok ng mundo nitong nakalipas na linggo. Sunud-sunod na naakyat nina Heracleo “Leo” Oracion, Erwin “Pastor” Emata, at Romeo “Romi” Garduce ang pinakamataas na bahagi ng Bundok Chomolungma, na tinatawag ding Sagarmatha ngunit mas kilala bilang Mount Everest. Sa taas na 29,028 talampakan, ito ang pinakamataas na bundok sa buong daigdig.

Nong Mayo 17, 2006, si Leo Oracion, 32, na lumaki sa Lucban, Quezon at kalaunan ay nanirahan sa Cebu, ang naging pinakaunang Pilipinong nakarating sa summit ng Mt. Everest. Ayon sa mga ulat, matagal nang pangarap ni Leo ang maakyat ang tuktok ng bundok na ito. Bata pa raw si Leo, mahilig na siyang umakyat sa bundok. Ayon sa kanyang pamilya, noong bata pa si Leo, akyat-panaog daw siya sa Bundok Banahaw. Ito, kumbaga, ang kanyang naging panimula.

Kinabukasan, Mayo 18, nakarating naman sa summit ng Mt. Everest si Pastor Emata, 32, na taga-Tagum City sa Davao del Sur. Mabilis niyang naakyat ang tuktok—mula sa Camp 4, na pinakahuling pahinga bago umakyat sa summit, nakarating siya nang halos walong oras lamang, kumpara sa mahigit 18 oras na ginugol ni Leo.

Noong Mayo 19 naman, natupad din ang pangarap ni Romi Garduce, 32 taong gulang na kasapi ng UP Mountaineers at information technology systems analyst sa Procter and Gamble Philippines. Tubong Bataan si Romi Garduce, at maliban sa Everest ay labinlimang mga bundok sa Pilipinas at iba’t ibang bahagi ng daigdig ang naakyat na niya simula pa noong dekada 90. Ayon sa mga ulat, sariling pera ang ginastos ni Romi sa mga nakalipas niyang pag-akyat, at ginamit niya ang kanyang mga pag-akyat upang makalikom ng salaping makapagpapaaral sa mahihirap na bata, makabili ng gamot para sa mga pamilyang nagdarahop, at makatulong sa mga biktima ng kalamidad. Sinusuportahan din niya ang mga batang malnourished.

Kapwa naman kabilang sa First Philippine Mount Everest Expedition (FPMEE) team sina Leo at Pastor, na unang itinakda ang pag-akyat sa Mt. Everest sa susunod pang taon. Isa sa mga sponsor nila ang ABS-CBN. Ang pag-akyat naman ni Romi sa Mt. Everest ngayong taon ay sinuportahan ng GMA-7 at North Face, at ang makikinabang sa kanyang tagumpay ay ang beneficiaries ng GMA Kapuso Foundation.

Tila naging unahan para sa dalawang malalaking TV networks ang pag-akyat sa Mt. Everest. Niyaya raw si Romi na sumali sa FPMEE ngunit tumanggi siya dahil hindi siya maaaring magbitiw sa trabaho para makadalo sa mga pagsasanay ng FPMEE. Nang mapabalitang aakyat si Romi sa Mt. Everest ngayong taon, napaaga ang pag-akyat ng dalawang taga-FPMEE .

Sa kabila nito, ipinagbunyi sa Pilipinas ang matagumpay na pag-akyat ng tatlong Pinoy. Naghatid ang balitang ito ng pansamantalang pahinga mula sa kaguluhan sa pulitikang epekto pa rin ng walang kamatayang “Hello Garci” scandal, at sa patuloy na paghihirap na nadarama ng mga Pilipino. Muling nangibabaw ang mala-piyestang kasiyahan lalo na sa mga bayan nina Leo, Pastor, at Romi.

Pinansin ng programang 24 Oras sa GMA-7 na bawat isa sa tatlong malalaking pulo sa bansa ay may kinatawang nakarating sa tuktok ng Mt. Everest. Si Leo ay laking Lucban, Quezon ngunit ngayo’y taga-Cebu sa Visayas; si Pastor naman ay tubong Davao sa Mindanao, at si Romi ay anak naman ng Bataan sa Luzon.

Parang buong Pilipinas na rin ang nasa tuktok ng mundo.

0 Replies to “Pinoy sa tuktok ng mundo”

  1. Nakakatuwa naman itong balita na ito. Very inspiring. Salamat sa pag-share mo nito sa blog mo.

    (Salamat sa pagbisita mo sa blog ko. Oo, dyahe talaga ang mga linya na nasama sa Tagalog phrasebook na yun.)

Leave a Reply