Pinay CSI

I-Witness Anniversary Documentary ni Sandra Aguinaldo

Sa pag-imbestiga ng karahasan, isang grupo ang laging inaasahan. Binubusisi nila ang ebidensya maging ang mga bangkay, hinahanap ang puno’t dulo ng krimen upang mabigyan ng hustisya ang biktima. Sila ang mga Scene Of the Crime Operatives o SOCO.

Ang ganitong trabaho, mga barako ang madalas humawak. Kaya sinong mag-aakalang sa kabila ng mga karima-rimarim na eksena, may isang grupo ng SOCO na puro babae?!

Si Maj. Emma Galero, Operations and Training Officer ng SOCO ng Southern Police District, sampung taon nang humahawak ng patay! Kasama niya ang kanyang mga staff na karamihan ay babae.

Pero kumpara raw sa CSI ng Amerika, wala silang panama. Marami sa kanilang paraan, mano-mano! Bagamat may ilan-ilan nang high-tech na equipment, madalas diskarte at talino pa rin ang gamit nila sa paglutas ng krimen.

Ngayong Lunes, sasama si Sandra Aguinaldo sa grupo ni Maj. Emma. Sasailalim siya sa matinding pagsasanay at haharap sa isang bagay na lubos niyang kinakatakutan: ang bangkay ng tao. Susundan ni Sandra ang kaso ng isang biktima ng “chop-chop” … at aalamin kung sino itong di pa nakikilalang biktima.

Ang mundo ng mga babaing SOCO, buong tapang na susuungin ni Sandra Aguinaldo para sa kanyang pang-anibersaryong documentaryo sa I-Witness, Lunes ng gabi pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.

Leave a Reply