Pangangaluluwa vs. trick or treat

Ngayong sa Maynila na ako namamalagi, may mga nababasa at naririnig ako tungkol sa mga batang anak-mayaman at middle class na nagti-trick or treat kapag Halloween.

Pero noong nasa Marinduque ako, wala sa bokabularyo ko yang trick or treat na ‘yan. Ang meron sa amin ay ang pangangaluluwa. Parang karoling kung Pasko, pero ginagawa sa gabi kapag Undas (o Undras). Kakanta ang mga nangangaluluwa, at dapat ay bibigyan sila ng pera ng mga nasa bahay na tinapatan at kinantahan nila.

Ganito ang kinakanta nila (ang eksaktong lyrics ay nakuha ko sa blog ni Sir Roland Tolentino):

Kaluluwa’y dumaratal/Sa tapat ng durungawan
Kampanilya’y tinatantay/Ginigising ang may buhay
Kung kami po’y limusan/Dali-dalian po lamang
Baka kami mapagsarhan/Ng pinto ng kalangitan
Kaluluwa kaming tambing/Sa purgatoryo nanggaling

Hindi ko alam kung mayroon pa ring nangangaluluwa sa amin — o kahit sa ibang bahagi ng bansa. Ang alam kong huling gumagawa niyan sa aming barangay ay ang matandang si Ka Pelis (Felix?), na malamang ay sumakabilang buhay na.

Pero mukha namang wala pang nagti-trick or treat sa amin. Ano ba ‘yang trick or treat na ‘yan? Isa itong tradisyon sa Amerika at ilan pang mga bansa na pilit na ginagaya ng ilang mga Pilipino.

Pasintabi sa mga nagti-treat or treat — wala pong personalan, napag-uusapan lang — pero sabi ko nga sa office kanina, parang TH, as in trying hard, ang mga magulang ng mga batang pinagti-treat or trick. Parang TH gumaya sa tradisyon at kulturang dayuhan.

Pero opinyon ko lang ‘yun sa ngayon. ‘Di ko naman sinasabing mangaluluwa na lang kayo. Ika nga, kanya-kanyang trip lang yan. Kung saan ka masaya, happy ka roon!

14 Replies to “Pangangaluluwa vs. trick or treat”

  1. Sang ayon ako. Hindi lang ang trick-or-treat, kung hindi ang buong tradisyon ng ‘Halloween’ ay hiniram natin sa mga banyaga.

    Tuwang-tuwa tuloy ang mga may-ari ng shopping malls, sa kanila kasi bumibili ng mga gamit at costume para sa dito.

  2. Totoo, ‘di naman talaga Pinoy yang trick or treat na yan. Pang-middle and upper class lang.

    Nung nag-immersion ako sa Palo Alto, Laguna around 3 or 4 years ago, may mga batang nangangaluluwa. Nung sinabi sa’kin nung foster brother ko (may pamilya syempreng “umampon” samin kaya nga immersion) na mangangaluluwa sila ng mga kaibigan nya, akala ko maghahanap sila ng mumu. Hehe. Yun pala eh parang “mangangaroling” pero pampatay na mga kanta yung mga kinakanta nila. Modern na nga ngayon kasi hindi yan ang kinakanta nila, pero yung mga tipong hindi kita malilimutan, tears in heaven, etc etc. Haha katawa.

    O diba parang nag-blog na ko. =P Uso rin sa Palo Alto, Laguna ang gumawa ng parang tupig na kakanin tuwing Undas. Ewan ko kung bakit, pero sandamukal na ganun ang inuwi ko pagkatapos. Hehehe.

  3. @Jhay: Oo nga. Naalala ko tuloy, sa Gotesco Grand Central ko nakita ang pinakamagandang bruhang pang-Halloween. Promo girl ng Dunkin Donuts at kamukha ni Alice Dixon. 😀

    @JM: Akala ko, Palo Alto, Cali. Hehe. Moderno na rin pala ang pangaluluwa sa Laguna.

  4. Interesting yang pangangaluwa. Unfortunately, walang ganyan sa amin. Nung bata ako merong trick or treat sa bahay ng mga kano dahil malapit kami sa Clark. Enjoy naman kahit di naka-costume. Daming chocolates eh!

    🙂

  5. Pang “mayaman” ba ang trick or treat? It shouldn’t be that way. Masaya naman kasi yung kahit isang araw sa buong taon, you get to wear costumes and make-believe you’re someone else, di ba?

  6. Sabagay, kahit naman sino puwedeng gumawa niyan. Ang nangyari kasi, mas exposed sa dayuhang kultura ang mga may kaya–syempre sila yung may access sa cable TV, at iba pa–kaya sila ang nakaka-pick up ng mga gawaing gaya niyang trick or treat.

    Pero yung custome party kapag Halloween, parang nagiging popular na rin.

    Basta ako, pag sumali sa ganyang custome party, kahit di na mag-costume. Ngingiti na lang ako, takot na sila. Hehe. :p

  7. expiring chocolates naman ang ipinamimigay dyan sa trick or treats na yan eh. kung sana ba eh mga tipong ferrero rocher, toblerone, m&m’s, snickers ang ibinibigay, aba eh tara na, maki-trick or treats na tayo. haha! 😛

  8. Okay nga yang mamahaling chocs. Pero kung ang ibibigay nila ay mga daing, tuyo, at dilis, aba e mag co-costume na rin ako at makiki-trick or treat. Sorry aajao, ayoko ng imported chocs, diabetic ako eh. 🙂

  9. Para sa akin sa ngayon, mas okay na sinusubukan ng mga tao ang iba’t-ibang mga selebrasyon na ito para magkaroon ng iba’t-ibang pananaw ang mga tao at hindi puro pare-pareho na lang, at para nga hindi rin palaging nadidikta lamang ng Simbahan sa atin kung paano tayo magdiriwang ng ganitong mga okasyon. Katulad ng sa isa pang okasyon– sa semana santa– nagulat ako noong nagkaroon kami ng cable na sa ibang bansa pala ay hindi kailangang patay ang mga araw.

  10. hi ederic, di ko alam kung bakit ngayon akong ako naligaw dito sa blog mo. ang galing, tagalog na tagalog. maganda tumambay pala dito para lalong di bumaluktot ang tagalog ko. ako nakaranas ng trick or treat, pangangaluluwa at sempre yung bisita sa sementeryo. trick or treat e medyo sapilitan kasi nakikisali lang kami sa mga batang merkano sa kapitbahay naming village…feeling ko yagit na yagit kami. pero masarap ang kendies na libre sempre. mas masarap ang suman at ginataan kapag nangangaluwa at sempre ang kaguluhan sa sementeryo 😀

  11. @aajao &@raspberry: May risk din ako sa diabetes pero adik ako sa chocolates. Hehe.

    @Noel: Hindi naman dikta lang ng simbahan ang mga tradisyon natin. Heavily modified na nga yung iba sa hinihingi ng simbahan.

    @kengkay: salamat po sa pagdaan. 🙂

  12. sana lng wag mawala sa ating tradisyong pinoy kung ano at ganu kayaman ang kulay ng ating lahi lalo na sa paggunita ng ating mga mahal sa buhay na yumao na. wag taung o.a (over acting ) masabi lng na “in” ang totoo mag spiritual manifestation ang bawat mukha ng halimaw o mankululam or anumang uri ng mga nakakatakot na costume…alamin natin maiigi kung bkit may hallooween baka di nyo matanggap pag nalaman nyo ang totoo sa likod ng halloween n yan..

  13. naranasan ko rin ang mangalulwa nung bata ako at kapag walang maiabot na barya ang mga may ari ng bahay na pinupuntahan namin ay inaabutan na lamang kami ng suman. kaya pag-uwi namin isang bayong na suman ang dala naming magkakaibigan.

    elis last blog post..Kudkuran

Leave a Reply