Pambansang Kamao

Tila may People Power sa mga lansangan ng Maynila at lungsod ng Quezon noong Enero 27, Biyernes.

Sa mga sidewalk at kanto, nagtipon ang mga tao. Yung iba, pati sa gitna ng kalsada, ang mga sasakyan ay hinamon ng patintero. May mga inabot ng ulan, atmay mga di nagsawa sa kakalakad-takbo. May mga naghagis ng confetti, at may mga nagsindi ng pailaw. Ang lahat ng ito, bahagi ng pagbubunyi at pagsalubong sa “Pambansang Kamao,” si Manny Pacquiao, na nagpatumba sa Mehikanong boksingero na si Erik Morales.

At kapag ganitong may mala-People Power na kaganapan, mawawala ba ang mga plakard at banners? Samu’t saring mensahe ang sumalubong kay Pacquiao, at ang mga ito’y puro puno ng pagtanggap at pagmamahal o ’di kaya’y pagbibiro: ”Pambansang Kamo,” ”Manny, isang suntok naman diyan!”, o ”Manny, anakan mo ako!” Walang kapaguran namang kumaway at ngumiti sa lahat ang sinasalubong na si Pacquiao.

Huling nakita ang ganitong mainit na pagtanggap na may kasamang pagbubunyi sa mga lansangan noong kampanya ni Fernando Poe, Jr. sa pagkapangulo, ayon sa Philippine Daily Inquirer. (Siyempre’y hindi ito maikukumpara sa sa libing ni FPJ, na dinagsa rin ng napakaraming mga tao, dahil ang araw na iyo’y balot ng pagluluksa).

Sa maikling panahon ay napagkaisa ni Pacquiao ang kadalasa’y hati-hating sambayanang Pilipino. Para sa ating lahing ngayo’y sadlak sa dusang dala ng kahirapan at kahihiyang dulot ng mga pekeng lider, ang manalo nang walang pandaraya sa isang labanan ay malaking karangalang sapat na upang ipagbunyi ng buong bayan.

Ang totoo niyan, hindi ako pabor sa boksing. Bagamat legal na laro, ang tingin ko pa rin dito ay barbarong sabong ng mga tao. Bakit kailangang magsakitan sa isang laro? Bakit kailangang mawarak ang mukha, matanggalan ng ngipin, o mabalya—kung hindi man bawian ng buhay—para sa ikatutuwa ng mga nanonood? Ngunit habang inaawit ni Jennifer Bautista ang ”Lupang Hinirang,” siyempre’y ninais ko ring magwagi ang ating panabong na si Pacman.

At paanong hindi ka makaka-identify kay Manny Pacquiao? Sa aking pananaw, siya ang tipikal na Pilipinong nagtataglay ng mga katangiang produkto ng ating masalimuot na nakaraan at kasalukuyan. Base sa kanyang mga ikinikilos at sinasabi sa harap at likod ng kamera, makikita mong siya’y simpleng tao; masayahin tulad ng marami sa atin na kahit sadlak sa problema’y nakatawa pa rin; may paniniwala sa Diyos na gaya ng marami sa ating kahit hindi halatang relihiyoso ay palihim na sumasamo ng pagpapalala at paghingi ng tawad; at tulad ng maraming kalalakihang Pinoy, medyo playboy ang dating!

Sayang nga lamang at ang kanyang tagumpay ay pilit sinakyan ng mga pulitiko: may mag-asawang nagpahayag ng wagas daw na pagmamahalan upang marinig ng buong mundo; may mga kapit-tukong hindi mapuknat sa pagkakadikit kay Manny sa buong maghapon ng kanyang pagdating; at may mga pilit na sumakay sa kanyang tagumpay, mapansin lamang ng madla.

Sa kabila nito, alam ng publiko kung sino at totoong nagbabahagi sa kanila ng kabiguan at tagumpay, at nagbibigay ng halimbawang maaaring maging inspirasyon upang sila’y makaahon; at kilala rin naman ng masa kung sino ang nanggagamit at lalong nagpapahirap sa kanila. Itong huli, nais nilang patikimin ng mga nakatikom na kamao ng People Power!

Leave a Reply