Ganito ang isinulat ngayong araw na ito ni Rogelio B. Cruz sa kolum na

Sa karanasan ko, hindi lang ako nahihiya sa mga nagpipilit magka-twang. Madalas ay natatawa ako. Minsan ay naiirita. Ang pinsan kong si Jay-jay, natatawa at naiiling na lang daw kapag nakakarinig ng maliliit na batang Pinoy na kinakausap ng mga magulang sa putul-putol–o kahit diretsong English. Ako naman, naaawa sa mga batang ganoon. Lalaki silang walang mahigpit na pagkapit sa sariling kultura. Malamang sa hindi, magiging kahilera sila ng mga nakaririmarim na elitistang coño na bulol sa sa sarili nilang wika. Sila’y magiging mga misedukadong Pilipinong hiwalay sa kanilang ugat: kayumanggi ang kulay ng katawan, pero dayuhan ang diwa.

Kamakailan ay nag-email ako sa isang diyaryo upang humingi ng larawan ni Marlene Esperat para magamit sa Tinig.com. Isinulat ko sa Filipino ang request letter ko. Nang sumagot ang isa sa mga editor–na nagkataong kaklase ko pala sa diploma course na kinukuha ko ngayon sa Ateneo–akala niya’y nanggu-good time lang ako. Para raw siyang nagbabasa ng libro ni Jose Rizal. Ako naman itong nagulat, dahil ganoon talaga kami magsulatan nina Alex at Vlad na mga kapatnugot ko sa Tinig.com. Oo, may patak-patak ng English na nasasama sa sulat, pero natural at normal lamang sa amin ang magsulat sa Filipino.

Ang insidenteng ito ay nagpapakita ng isa sa mga punto ni Rogelio sa kanyang artikulo:

Is there any “premium,” “AB,” “prestigious” product marketed in Filipino? Is there any “premier” shopping mall with signage in Filipino? Is there a “credible,” “intelligent,” “educated” news program in Filipino? Is there a “hip” radio station in Filipino?

Ang sagot sa karamihan sa mga iyan ay wala (maliban na lang siguro sa Saksi ng GMA-7 at Sentro ng ABC-5, na kapwa nagsusumikap na bigyang lalim ang kanilang mga balita). Tama si Rogelio. Sa bansang ito, ang English ang batayan ng kahusayan. Kapag hindi ka nag-English, hindi ka seseryosohin.

Sa pagpapanukala ng lalong pagsusulong ng wikang English sa pagtuturo sa mga paaralan, ipinangangalandakan ng mga opisyal ng gobyerno na isa ito sa mga susi sa pag-unlad. Pero hello teletubbies, dantaon na tayong nag-i-English, pero bakit hanggang ngayon ay nandito pa rin tayo?

Sang-ayon ako sa sinabi ni Rogelio na inilagay ko sa simula ng entry na ito. Dapat na mag-isip-isip na tayo.

Panahon na sigurong kilalanin, seryosohin at yakapin ang sariling atin.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts