Mula sa Beta Lambda Kappa

Matagal ko nang nakuha ito, pero ngayon ko lang nai-post. Galing ito ang mga liham at pahayag sa ibaba sa blog ni athame. Ang hiling niya, basahin at ipasa. Eto, pakibasa po:

Magandang araw po.

Ako ay sumusulat para sa kapatirang Beta Lambda Kappa o BLK.

Ang BLK po ay isang university-based sorority sa UP Diliman na may feminist na pananaw at adhikain. Kami ay isang grupo ng kababaihan na nagnanais isulong ang karapatang pantao, partikular ang karapatan ng mga babae, simula sa pagbukas ng isipan namin at ng ibang tao.

Sa labas ng kapatiran, may kanya kanya kaming mga paraan at mga desisyon kung papaano namin ipagpapatuloy ang adhikain na ito. May ilan sa amin na pinili ang maging volunteer sa mga community-based na organisasyon.

Isa sa kanila ay ang kapatid naming si Sherlyn Cadapan na kasama sa tatlong dinukot ng militar mula sa isang bahay sa Hagonoy, Bulacan, nito lang ika 26 ng Hunyo, dakong alas dos ng umaga. Ang isa sa dinukot ay estudyante din sa UP Diliman at ang isa naman ay magsasaka.

Kahit maraming testigo, matigas na itinatanggi ng militar na sila ang kumuha kay Sherlyn at sa dalawa pa niyang kasama.

Puwede po ninyo kaming tulungan na mapalaya si Sherlyn at ang mga kasama niya sa pagkalat ng e-mail na ito sa inyong mga kaibigan, lalo na kung sila ay taga-media, o may kakilalang puwedeng tumulong sa amin. Ang amin pong e-group ay up_betalambdakappa@yahoogroups.com

Sa mga e-group, sorry for cross posting pero umaasa kami sa inyong pag-intindi. Nagbabakasakali kami na kung mas maraming magtatanong kung nasaan na sila Sherlyn, lalabas din ang katotohanan at hindi na ito mangyayari kahit kanino.

Maraming salamat at mabuhay po kayo.

June Lozano
BLK Batch 95A

BLK Statement:

Minsan, nababasag ang katahimikan ng ating buhay. Napipilitan tayong mag-isip. Napipilitan tayong mag-salita. Napipilitan tayong umaksyon.

Isang linggo nang nawawala ang aking kapatid na si Sherlyn. Sherlyn Cadapan. Volunteer siya ng isang organisasyon ng magsasaka at nakikipamuhay siya noon sa Bulacan. Dinakip sya ng anim na armadong kalalakihan na nakabonnet. Alas dos ng madaling araw. Walang nagsabi kung bakit sya hinuli. Walang magsabi kung saan sya dinala.

Tatlong buwang buntis si Sherlyn. Ilang buwan pa lang siyang kasal. Ilang beses lang kaming nakapag-text, at sabi niya’y uuwi siya sa Setyembre. Setyembre, dalawang buwan mula ngayon.

Ilang taon na ba siyang wala sa amin? Di na niya natapos ang kanyang undergrad. Lagi nyang sinasabi na may mas kagyat na pangangailangan. Bayang magiliw, perlas ng silanganan. Umalab na ang kanyang puso at humayo na sa dibdib ng Inang Bayan. Hinanap nya ang mga mahihirap at sinikap tulungan. Ilang taon na siyang wala sa amin. At ngayon siya ay nawawala.

Mapapaisip ka talaga.

Napakaraming bayani ng ating bansa ngayon. Meron yung OFWs, sila raw ang mga bagong bayani. Palibhasa’y maraming datung. Meron yung mga pulitikong nagpapahiram ng mga pangalan para ibinyag sa mga kalsada at tulay. Meron yung mga kinukuhang kumanta sa Broadway. Meron yung mga nananalo sa contest na anak ng dating Pilipino na itinatwa na ang kanilang pagka-Pilipino ay bayani pa rin. Meron mga magaling mag-boksing, bayani ng ilang taon, ilang dekada, tapos kakalimutan na. Pilipinong pang-World Class, mga bayani ng bayan. Magaling.

Paano na iyong mga nanatili dito sa Pilipinas? Paano na iyong mga taus-pusong naglilingkod sa masang Pilipino at tinutulungan silang ipaglaban ang kanilang mga karapatan? Paano na iyong mga tumutulong sa ating mga magsasaka at manggagawa na mag-organisa upang magkaroon ng nagkakaisang lakas na hindi basta-basta mapapawalang-bahala? Hindi sila bayani. Hindi sila nati-TV. Hindi sila sikat. May ibang tawag sa kanila.

Subersibo. Terorista. Naghahasik ng lagim. May programa rin para sa kanila: Oplan Bantay-Laya. Dito sumasailalim ang linggo-linggong pagpaslang at paghuli sa mga aktibista, mamamahayag, propesor ng pamantasan, at ordinaryong mamamayan.

Sa ngayon, kasama si Sherlyn sa 174 na mga sapilitang nawawala sa ilalim ng Oplan Bantay-Laya. Si Sherlyn, na sinuntok sa sikmura habang sumisigaw ng Tulong! sa mga kapitbahay, si Karen Empeño, graduating sa BA Sociology, na hinubaran ng blusa upang gawing piring sa kanyang mga mata, at si Manuel Merino, isang magsasaka ng San Miguel, Hagonoy, Bulacan.

Di ko alam kung bakit sila sinaktan, dinampot, at kung saan sila itinago. Kung tulad sila ng mga bagong bayani, inilabas na sila sa media at phinoto-ops na. Kung tulad sila ng mga tanyag na terorista na may reward-reward pa, mabilis pa sa alas-singko ang pagtawag nila sa international press syndicates. Pero hindi superstar si Sherlyn. Hindi terorista si Karen. Hindi mountaineer si Manuel. Sino pa ang magsusumigaw upang palayain sila?

Kung hindi tayo, sino? Kung hindi ngayon, kailan?

Madilim ang gabi. Ngunit sisikat din ang araw.

Para sa atin ang labang ito.

Leave a Reply