Minahan sa Mogpog, tinanggihan

BOAC, MARINDUQUE -– Tuluyan nang tinanggihan ng Pamahalaang Lalawigan ng Marinduque ang aplikasyon sa pagmimina ng bakal sa mga Barangay ng Bocboc at Puting Buhangin sa bayan ng Mogpog na inihain ng Asian Iron Ore Corporation at Archean Mining Corporation (na kinakatawan nina Noel Mirabel at Isabelo Payongayong) sa Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) noong nakaraang taon.

Ang pagtanggi ng pamahalaang lalawigan sa panukalang pagmimina ay nakasaad sa isang opisyal na liham ng punong ehekutibo na may opisyal na sipi para sa Marinduque Council for Environmental Concerns.

Sa nasabing liham na ipinadala ni Gobernador Carmencita O. Reyes kay DENR Region IV-B OIC-Executive Director Rolando A. De Jesus, na siya ring Concurrent Chairman ng PMRB, ipinahayag ng punong lalawigan na “my administration in consonance with the stand of the majority of our constituents [to] refrain from allowing mining activities including small scale mining except for gravel and sand extraction, until our case against Marcopper/Placer Dome/Barrick has not been resolved.”

Ang pagtutol na ito ng Punong Lalawigan ay ipinalabas sa kabila ng pag-eendorso ng Pamahalaang Bayan ng Mogpog at mga Sangguniang Barangay ng Bocboc at Puting Buhangin sa mga panukalang proyekto ng pagmimina.

Nagpahayag naman ng naunang pagtutol ang MACEC sa mga panukalang pagmimina sa Mogpog sang-ayon na rin sa pinagtibay nitong Resolution No. 2006-25 noong Oktubre 26, 2006 at may pamagat na: “Resolution vehemently opposing any proposed mining operations of Archean Mining Corporation anywhere in the province as well as the proposed Iron Ore Extraction Projects in Barangays Puting Buhangin and Bocboc.” BInigyan ng sipi ng nasabing Resolusyon ang PMRB, Tanggapan ng Punong Lalawigan, Sangguniang Lalwigan at iba pang kinauukulan.

Nilinaw ng MACEC na ang mga mamamayan ng Bocboc at iba pang barangay ng Mogpog ay may kasong sibil na nakahain sa Marinduque Regional Trial Court at ang lalawigan ay may kaso namang nakahabla sa Estados Unidos laban sa mga kumpanyang nauna nang nagmina sa lalawigan. Ikinababahala ng MACEC na ang hakbang na ito ng mga pinuno ng bayan ng Mogpog ay magpapahina sa mga kasong ito.

Kaugnay rin sa usaping ito, pinagtibay naman ng Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque ang Resolution No. 710-2006 na may pamagat na: “Resolution requesting the Provincial Mining Regulatory Board to hold in abeyance the processing of the small-scale mining applications of Mr. Noel D. Mirabel ang Mr. Isabelo V. Payongayong for iron ore extraction in Mogpog Marinduque as indorsed by SB Resolution No. 157-2006 of the Sangguniang Bayan of Mogpog . . .”

Ayon sa nasabing resolusyon ng sangguniang panlalawigan, “in the recently concluded ‘First MACEC Provincial Environmental Youth Camp’, the youth delegates had adopted two important documents (1) Bukas na Liham ng mga Kabataang Marinduque; and (2) Panata sa Kalikasan ng Kabataang Marinduque, wherein they manifested their stand and appeal to all national and local government officials and leaders of the Church, GOs and NGOs to protect the entire province against any form of mining activity.”

Ang hindi pagbibigay ng paborableng pag-eendorso ng sangguniang panlalawigan ay isa ring balakid sa pagpapatibay sa nasabing aplikasyon sa pagmimina. Ayon sa DENR Memorandum Order No. 2004-09 na pinagtibay noong Agosto 31, 2004: “Mining applicants/contractors/permittees/permit holders shall consult with all the Sangguniang Panlalawigan/Bayan/Panlungsod/Baran-gay concerned in support of mining applications and/or in the implementation of mining projects.

Ang MACEC Bocboc Chapter ay nangalap din ng mga lagda mula sa mga mamamayan ng barangay upang patunayang hindi nila sinasang-ayunan ang resolusyon ng kanilang Sangguniang Barangay at Sangguniang Bayan ng Mogpog na nag-eendorso sa nasabing panukalang pagmimina.

Kaugnay sa pagpoproseso ng mga nasabing aplikasyon sa pagmimina, isinagawa sa bayan ng Mogpog ang dapat sana’y pinakahuling public hearing para sa mga panukalang iron ore extraction projects na pinangunahan ng mga kinatawan mula sa Mimaropa Regional Office ng Mines and Geosciences Bureau. Ngunit sa nasabing pagdinig ay hiniling ni MACEC Executive Secretary Myke Magalang sa kinatawan ng Mines and Geosciences Bureau na atasan muna ang mga nais magmina na bigyan ng opisyal na sipi ng initial environmental examination reports, project studies at detailed operational plans ang MACEC at mga pamahalaang lokal upang mapag-aralan ito ng masusi bago magsagawa ng kinauukulang desisyon.

Ipinaabot din ni Magalang sa nasabing pagdinig ang wari’y minadaling proseso ng pag-eendorso ng pamahalaang bayan ng Mogpog sa nasabing panukalang proyekto sapagka’t ayon sa kanya: “Ang MACEC ay nakatanggap ng opisyal na komunikasyon mula sa tanggapan ni Direktor Ester Olavides ng Mimaropa Regional Office ng Environmental Management Bureau na nagsasaad na ang aplikasyon nina G. Payongayong at Mirabel ay naihain sa kanilang tanggapan noong Nobyembre 24, 2006. Nguni’t nakapagtatakang ang resolusyon ng pag-eendorso ng Sangguniang Bayan ng Mogpog na kinatigan at hiniling ni Mayor Jonathan Garcia ay may petsang Nobyembre 14, 2006 na pinagtibay pa sa isang special session dahil sa isang ‘urgent request’ ni Mayor Garcia.”

Ayon naman kay G. Emilio Labatete, isang MACEC Officer sa bayan ng Mogpog at Barangay Human Rights Action Officer ng Barangay Bocboc at Tagapangulo ng Municipal Association of Barangay Human Rights Action Officers sa bayan ng Mogpog, “nasubaybayan ko ang pagmimina ng Gold Star Mining Company, Samar Mining Company, at ng Marinduque Industrial Mining Agents Incorporated dito sa aming lugar sa Taluntunan ngunit walang umunlad ditong mamamayan. Nagtrabaho ako sa mga minahang iyan sa nakalipas na mga taon ngunit ang napala ng aming barangay ay pagkasira ng aming ilog at mga lupain. Ayaw na naming maulit ang mga karanasang ito. Hindi ako naniniwalang makukuha ang minang bakal sa pamamagitan lamang ng piko at bareta, ito’y kasinungalinan.”

Sa pinakahuling pagpupulong ng Board of Trustees ng MACEC noong Enero 26, 2007, tatlong mahahalagang Resolusyon ang pinagtibay kaugnay sa panukalang pagmimina sa Mogpog. Ang Resolution No. 2007-12 ay isang kahilingan sa Provincial Mining Regulatory Board na atasan ang mga mining proponents upang isapubliko ang kanilang mga project proposals. Ang Resolution No. 2007-13 naman ay isang pormal na paghiling sa Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque upang magsagawa ng pagdinig kaugnay sa mga panukalang pagmimina, samantala ang Resolution No. 2007-14 naman ay pagsuporta at pagkupkop sa petisyon ng mga mamamayan ng Bocboc at paghiling ng suporta sa mga municipal chapters ng MACEC sa buong lalawigan upang tuluyang tutulan ang panukalang pagmimina.

Ayon kay Magalang, “ang tuluyang pagtanggi ng pamahalaang panlalawigan sa panukalang pagmimina ng bakal sa bayan ng Mogpog ay isang indikasyon ng malakas na pagkakaisa ng mga Marinduqueño laban sa anumang uri ng pagmimina sa lalawigan. Bagama’t may mga pinunong lokal na maaaring nasilaw sa mga pangakong salapi ng minahan, mayroon din namang mga pinunong patuloy pa ring nagmamalasakit at kumakatawan sa interes at kapakanan ng mga mamamayan. Nagpapatuloy ang hamon na paigtingin pa nito ang adbokasiyang pangkalikasan, pagpapalakas sa hanay ng mga pamayanan at mahigpit na pakikipag-ugnay sa mga pamahalaang lokal.” (MACEC NEWS AND INFORMATION SERVICE)

5 thoughts on “Minahan sa Mogpog, tinanggihan

  1. hi ederic,

    just dropping by to inform you that i’ve transferred to a new blogsite at sikwati.wordpress.com.

    salamat sa pag link mo sa blog ko. looking forward to visiting this site more often.

    thanks!

  2. i had a chance to work with Sir Mike Magalang’s group before, on a mining campaign conference held in Boac. i seem to remember they were already conflicts at the different LGU levels at the time. salamat naman at kahit sa provincial level man lang ay matatag sila sa posisyon nila tungkol sa pagbubukas na naman ng minahan sa marinduque

  3. boang man ang nag suwat ani oi dili man tinood…ako po ay si ng marquez…from marinduque,,,kilala nyo bo si tita carmencita reyes?e regards nyo po ako sa tita ko ha…sabihin nyo ako si czarina o reyes…thank you and pamngkin nya na nasa manila city

  4. may mga nag-aaply na naman na mag mina sa mogpog marinduque, nasa proseso pa ito pag-apply ng permit. mga taiwanese ata ang mga nag-aaply. suportahan natin ang mga tao sa marinduque sa kanilang layunin na huwag pahagan ang pag-mimina sa mogpog, kasama ang lokal na pamahalaan ng mogpog tutulan sana ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *