Mga Nakaligtaang Bagay

Noong nasa kolehiyo pa ako, ang isang kaibigan ko’y may mga mga ‘di natapos na bagay o nakaligtaang pakikipag-ugnayan sa isang kaeskuwela niya noong high school. “Unfinished business,” wika nga niya. Hindi ko na matandaan ang lumang kuwento–kung naging sila ba o hindi–pero ang alam ko, tinulungan ko siyang muling makaugnayan ang kamag-aral na noo’y nasa ibayong dagat na.

Sa panaginip ko noong isang gabi, naroon ang kaibigan kong ito, at ang isa pa naming kabarkada noong kolehiyo. Kadalasan, ang panaginip ay ‘di basta-basta maunawaan at walang kawawaan. Ni hindi na nga kami nagkikita-kita nitong mga ikinukuwento ko sa inyo, pero ewan ako’t napanaginipan ko sila. Nakatambay yata kami sa simbahan, o naglalakad. Di ko na matandaan. Baka um-extra sila sa panaginip ko dahil sa Friendster.

Pero may isa pang nakaligtaang bagay na nagdulot ng pagkabagabag sa aking paghimbing. Ilang beses ko na itong napanaginipan. Sa aking panaginip, may ilang sabjek daw sa eskuwela na hindi ko na napasukan, at siguradong hindi ko na maipapasa. Di ko na matandaan kung sa mga naunang panaginip ko noon ay nagtapos na ako sa pag-aaral. Parang ganoon nga ata.

Pero sa panaginip ko noong isang gabi, alam kong bagamat tapos na ang aking tatlong maiikling kursong online sa Ateneo CFJ ay hindi pa naipapasa ang aming mga grado, kaya’t posible pa akong bumagsak.

Ewan ko kung bakit may mga ganitong “unfinished business” na pumapasok sa panaginip ko, gayong sa totoong buhay ay tapos ko na naman ang mga ito, liban na lamang sa ilang bagay gaya ng pagkuha ng transcript at diploma.

0 Replies to “Mga Nakaligtaang Bagay”

  1. ganyan ang panaginip dinadala tayo sa ibang demensyon… interesado ako sa talakayan ng panaginip sana umpisahan mo sa gmailphils natin …. kamusta kay Mhay mo…

  2. Isang tagpo at pangyayari sa isang old train station somewhere in Spain … Nagsimula magpakita sa aking panaginip ang tagpong ito noong 14 yrs old pa ako…

Leave a Reply