Marc Nelson, Rovilson Fernandez at ang mga binibini ng Amazing Race

Noong Valentine’s Day, pagkahatid kina Nanay ay bumiyahe na ako pabalik sa Maynila. Bad trip sa biyahe dahil sobrang traffic. Dahil medyo gabi na ako nakarating — at dahil may ginagawa rin siya para sa school, hindi na kami lumabas ni Mhay. Nagpadeliver na lang kami ng pagkain — at nanood ng huling episode ng The Amazing Race Asia (TARA) 2.

May ilang episodes ng Amazing Race na napanood ko noon. Naalala ko pa yung naroon si Maui Taylor, opps, si Luli Arroyo pala, at nagsabing “Mabuhay, Welcome to the Philippines.”

Nang magkaroon ng TARA, gusto ko rin sanang manood dahil nakasali si Aubrey Miles. Kaya lang, siya at ang kanyang partner ay agad na natanggal. Sa ikalawang season, nabalitaan kong nakasali sina Marc Nelson, isang modelo at TV host, at Rovilson Fernandez na TV host din at magazine editor, pero di ako kaagad nanood.

Nang malaman kong di pa sila natatanggal — at sa halip ay isa pa nga sa mga nangungunang teams — at sinabi ni Mhay na gusto niyang manood, sinunud-sunod na namin ang pag-aabang sa bawat episodes. Siyempre, nakakatuwa dahil namayagpag sina Marc at Rovilson. Dalawang teams ang mula sa Pilipinas. Di na umabot sa finals ang isa, na binuo ng mag-asawang Amerikano at Pilipina, kaya ang Filipino “clunks” (clown na hunks daw) ang nakilala bilang Team Philippines.

Ang totoo niyan, base sa aking mga nabasa, si Marc ay ipinanganak at lumaki sa Australia at may lahing Burmese at Tsino (wala siyang dugong Pilipino, pero dito piniling manirahan), samantalang si Rovilson ay Filipino-American. Sa kabila nito, naipamalas nila sa race ang mga kaugaliang taal na Pilipino tulad ng pagiging masayahin at magalang.

Bukod pa riyan, natuwa ako na sa mga usapan ng dalawa ay makikita ang pagiging maalam nila sa kulturang Pinoy. May isang episode na may pinag-uusapan sila tungkol sa mga kotse. Sa kontekstong Pinoy raw ay lalabas na di-katanggap-tanggap ang pagkukuwento tungkol sa mga magagarang kotse dahil tila pagyayabang daw ito, samantalang sa ibang bansa’y normal lamang ang ganoon.

Medyo may narinig naman akong nakita raw sa isa pang team mula sa Pilipinas ang crab mentality nang i-yield nila sina Marc at Rovilson. Kaso lang, paano sila makakapang-yield eh lagi silang kulelat?

Natuwa rin ako sa dalawang taga-Thailand, sina Paula Taylor at Natasha Monks. Nang mabasa nilang ang susunod na bansang pupuntahan ay Pilipinas, napatalon pa sila at parang kiniliti sa tuwa. Sa kabuuan ng race, gaya ng dalawang Pinoy ay masaya silang panoorin.

Sayang nga lang at natanggal agad sina Paula at Natasha, at sina Mark at Rovilson ay nagpangatlo lang sa finals.

Noong linggo ng gabi, habang kumakain kami ni Mhay ay natiyempuhan namin sa telebisyon sina Rovilson at sina Pamela at Vanessa Chong ng Malaysia, na second favorite namin sa finals. Guest sila sa palabas na Chef To Go.

Naaliw ako nang nagsalita sina Pam at Van sa kanila kakaibang accent. Ito sa tingin ko, ay kasama sa mga nami-miss ngayon ng mga tagahanga ng TARA 2, at ang kanilang madalas na pagtatalo, gayundin ang kakulitan at pagkakalog nina Marc at Rovilson at ang excitement at pagiging masayahin nina Paula at Natasha.

Sana’y maging simula yung guesting nina Rovilson , Van at Pam sa QTV at ang pagdalaw nina Marc at Natasha sa RX radio ng madalas na appearances ng anim na sikat sa Pilipinas.

Ngapala, may mga ulat na nagkakaigihan na sina Marc at Paula at sina Rovilson at Vanessa. Dumalaw rin daw ang apat sa Magic 89.9. Hmm, kailan kaya sila daraan sa Kapuso network?


Photos copyright © 2000 – 2008 SPE Network – Asia Pte Ltd.

5 thoughts on “Marc Nelson, Rovilson Fernandez at ang mga binibini ng Amazing Race”

  1. Wow, talagang nag-blog tungkol sa TARA 2. Nalulungkot pa rin ako sa ending. Pareho kami ng comment ni Josh na anti-climactic ang finale. Looking forward to the special episode this Thursday. 🙂

  2. sayang. I was really hoping marc and rovilson will make to the finish line first.

    and worse, ni hindi ko man lang mapanood kung bakit sila napunta sa third. hu hu hu

  3. Hala, nawindang ako sa comment sa taas. Hehe.

    Ang pagkakatanda ko, hindi nagsabi si Bb. Arroyo ng “Mabuhay!” sa mga contestants. Kinuwestiyon pa nga siya ng ilan dahil sa hindi niya pagsasabi ng sabi nila’y standard greeting ng mga Pinoy. Ang sagot niya, ninerbiyos siya at nakalimot. Hehe.

    Yun lang. Antok ako. 😛

  4. Hi Bing, tinanggal ko yung comment. Vandal/spam, eh.

    Hmm, hindi ba siya nagsabi ng Mabuhay? Mali ang pagkaalala ko kung ganoon.

Leave a Reply