Maospital ay di biro

Hindi nga pala biro ang pagpapaospital kung wala kang Philhealth o Medikard — at wala ka ring masyadong pera. Sa totoo lang, matutuliro ka.

Sinimulan kong sulatin ito noong nasa United Doctors Hospital sa Lucena City kami nina Nanay (lola ko) at Tito Rod. Ipinayo kasi ng doktor ni Nanay na ipatanggal ang tubig sa kanyang namagang tuhod na  nagdudulot ng matinding sakit kapag tumatayo o naglalakad.

Pagbaba sa bapor, sakay ng tricycle ay dumiretso na kami sa ospital. Kaunti lang ang dala kong pera at di ko pa nakukuha sa Western Union ang padala ng tiya ko na panggastos sa ospital.

Pagkapasok namin kay Nanay sa emergency room, pinapunta na ako ng mga nurse sa admission. Agad akong tinanong kung may Philhealth o health card daw ba si Nanay o alinman sa kanyang mga anak. Dahil ang sagot ko’y wala, kinakailangan ko raw magdeposito ng limang libong piso. At dahil maarte ako, ang pinili ko’y pinakamahal na kuwarto, sabay sabing partial lang muna ang ibibigay ko dahil kukuha pa ako ng pera. Pumayag naman sila.

Nakakatawa nga kasi sabi ko bago umalis, magsusuot ako ng may kuwelyo para di ako dedmahin ng mga doktor na kukulitin ko. Pero pagdating sa ospital, lumabas ang pagiging jolog ko — kulang ang pandeposito.

Pagkabalik ko galing sa pagkuha ng pera, sinalubong ako ng listahan ng mga kailangang bilhin sa farmacia ng ospital. Nasundan pa ito ng ilan pa sa maghapong iyon.

Mas naiintindihan ko na ngayon kung bakit bukod sa puyat, mukhang ngarag o kaya nama’y lutang ang maraming bantay ng mga pasyente. Nagkakaganoon sila sa kakaisip kung saang kamay ng Diyos nila kukunin ang pambayad sa ospital at pambili ng mga gamot.

Samantala, nangangarap pa rin ako ng isang bukas kung kailan ang bawat Pilipino ay maaaring magpagamot nang walang kailangang gastusin.

Pero sa kasalukuyan kalagayan — hangga’t may mga Jocjoc fertilizer scam at ZTE scandal at may makakating kamay na dumudukot sa kaban ng bayan, wari’y hanggang pangarap na lang ako.

Nakabalik na pala sa probinsiya si Nanay. At oo, iniisip ko pa kung saang kamay ng Diyos ko kukunin ang karagdagang pambayad sa ospital at pambili ng mga gamot habang wala pa  ang aking suweldo at ang bagong padala ng mga tiya ko.

7 thoughts on “Maospital ay di biro

  1. Mahirap talagang ma-ospital hindi dahil sa karamdaman o puyat kundi dahil sa sobrang taas ng hospital bill at ng mga nakalistang gamot. Hindi rin natin masisisi ang iba kung mas pinipili nilang ipagpaliban ang pagpapaospital kahit na may karamdaman na sila. Hirap magkasakit sa isang third world country.

  2. yan ang isang dahilan kung bakit ako naaakit mamuhay sa Canada— health benefits. mataas man ang tax ng mga mamamayan nila, napakikinabangan din naman sa pamamagitan ng benepisyong pangkalusugan. bukod pa sa libreng paaral sa elementarya at high school pero syempre, ibang usapin na ito.

    sana magaling na si nanay. 🙂

  3. I agree. My dad has been hospitalized May last year. And even if I had him admitted in the hospital where I’m working, that doesn’t mean that we’re already free of expenses. Professional fees of doctors may have been discounted, but I still have to think of where I’ll be getting the payment for his medicines, laboratory tests, and lodging at the hospital. The hospital does not provide insurance for its moonlighting doctors and resident physicians in training. I’m quite thankful that I was able to pay the P100,000 hospital bill, through the help of kind relatives. It’s a big amount of money but I really had not regrets paying it. Working in the hospital for a time have already made me understand why it was that expensive. The problem is not everybody could afford to pay that much for their health care.

    I agree with aajao that the Canadian Health care system really works. Well, I don’t live in Canada but I do have friends who live there and tell me how beneficial the system had been for them. Unfortunately though, I don’t think it will work for us in the country just yet. The people have too much mistrust in the government that if the government will raise taxes, people will simply not allow it. Also, the Canadian Health care system works because (aajao, please correct this if it’s wrong) the system is funded by a mixed public-private system, 70% government and 30% private, and that the Canadian government spends about $2,000+ per person on health care (I got the numbers here).
    And perhaps there is lower unemployment rate in Canada compared to the Philippines.

    Sadly, the Philippine government only provides P100+ per Filipino for health services. Worse, a lot of our countrymen are still unemployed. How could they even pay for taxes and their medical insurance when they’ve got no money for food and other basic necessities?

    Yup, health care in the Philippines is a sad, sad story.

  4. Sana ayos ka lang pare. Mahirap nga talagang ma-ospital ngayon. Parati ko ngang bilin sa mga magulang ko yon e. Alam kong pag na-ospital sila, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para matulungan sila. At malamang, ubos ang ipon pag nangyari yon.

    Sana nga matuloy nang isabatas ang Cheaper Medicines Bill. Malaking bagay talaga ang pagkakaroon ng generic drugs. Nakabitin pa rin ito sa Senado at parang natigil na ang lahat ng mga paggawa ng batas dahil sa NBN hearings. Sana aksyunan naman nila ang batas na ‘to.

    Ingat,
    Lester

  5. Hope you’re ok.Mahirap talagang maospital.Naranasan namin yan ng maospital ang tatay ko sa UST.Hindi lang 200 kundi 300 thou yung bill namin na nabayaran namin dahil sa tulong ng mga kapatid ng nanay ko sa Sta. Cruz at tito ko dito sa Mogpog. Tapos nung gusto ng lumabas ng tatay ko at umuwi sa M’duque, ayaw pa din kaming palabasin kasi may balance pa kami na 80k,buti na lang at sa kahahanap ko ng kababayang nagtatrabaho sa UST nalaman ko na taga Sta. Cruz pala ang head nurse dun.Ginawa namin siyang guarantor upang makalabas ang tatay ko sa hospital.Ngunit sa kabila ng lahat nawala din siya after 1 month sa kabila ng taning sa kanya ng doktor na 1 1/2 year.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *