Magandang Araw

Maganda at karapat-dapat kipkipin sa alaala ang katatapos lamang na araw.

Isa ako sa tinatayang 50,000 kataong nagtipun-tipon sa Luneta sa pangunguna ni Pangalawang Pangulong Teofisto Guingona upang magpahayag ng pagtutol sa digmaan sa Iraq at sa Mindanao at manalangin para kapayapaan.

Ang gabi naman ay ginugol ko kasama ang mga kabataang manunulat, makata, mamamahayag, at artista, at ilang mga kaibigan.

Makulay at puno ng musika ang pagtitipon para sa kapayapaan sa Luneta. Maraming banners (Bayan, Bagong Bandila, Akbayan, Sanlakas, Couples for Christ, Iglesia Filipina Independiente, Migrante, Agaham, Stand-UP at napakarami pang iba), streamers, mga lobo, at stickers. May mga nagtinda ng pagkain–bumili pa nga kami ng siopao at buko juice–at siyempre, hindi mawawala ang mga usisero.

Naroon din ang maraming mga kaibigan at mga kaTinig. Nagkita pa nga kami ni Gari, isa sa mga kolumnista ng Tinig.com, at naroon din sina Mong, Ronalyn, DJ, Michelle, at iba pang mga lider-kabataan. Matapos ang ilang taon, nakita ko rin ang dormmate ko na si Nelo, na nag-aabogasya na pala at volunteer ngayon sa Bagong Bandila. Bukod kina Reitch, Alex, Ronald, at Eris, nakasama rin namin sandali sina Alfred (salamat sa pagbati, touched naman ako–di mo nalimutan) at Philip.

Kaysayang tingnang sama-sama sa iisang panawagan ang kadalasa’y mga nagbubungguang grupo. Sana laging ganoon. Narito ang Inquirer report UCAN report tungkol sa kaganapang ito.

Sana, matauhan na sina Bush at Gloria, at hindi na maging bingi si Saddam sa panawagan ng buong daigdig.

Matulain at puno ng musika naman ang aming gabi. Kasama sina Alex, Ronald, at Eris, dumalo kami sa Bukambibig na inorganisa ng UP UGAT at ginanap sa Likha-Diwa sa UP, kung saan pangulo si Vlad, at ng UP Writers Club na pinangungunahan naman nina Bebang. Tula, mga awitin, at siyempre, pagkain ang inihain sa amin.

Naroon din at nakausap ko, ang ilan sa pangunahing pagkakataon ang ilang mga contributor ng Tinig.com–sina Carlos, Maykel, Rozmon, at Piya. Nakausap ko rin ang ilang mga kaeskuwela, sina Alex A, Jaytee, at Elyrah. Nagkakuwentuhan rin kami ni Ronalyn ng CEGP.

Oo, masaya ang huling araw ng Pebrero ko, lalo na’t ang mga nakasama ko’y mga kaibigang nakakatiis sa kakulitan, kasentihan at kakornihan ko, at hindi magagalit o magtataka sa mga kawirduhan ko.

Sana laging ganito.

0 thoughts on “Magandang Araw

Post a reply