Lahat legal wife!

“LAHAT LEGAL WIFE!”
I-Witness ni Sandra Aguinaldo
Lunes: November 6, 2006

Ano nga ba ang dapat gawin ng isang lalaki kung higit sa isang babae ang itinitibok ng kanyang puso?

Para sa mga Kristiyano, isa lang ang pwedeng pakasalan, pero sa mga Muslim, legal ang pagkakaroon ng apat na asawa–basta’t kaya ng lalaki na hatiin nang pantay ang kanyang pagtingin at pagmamahal.

Ngayong Lunes, sa isang pambihirang pagkakataon sa telebisyon, pinayagang makasilip si Sandra Aguinaldo sa buhay ng mga “Duaya,” o mga babaeng kasal sa iisang lalaki.

Pangarap noon ni Norsi Mindog, isang Imam na nakatira sa Culiat, Quezon City, na magkaroon ng 40 anak. Para makamit ito ay nagpakasal siya sa limang babae.

Si Haguiar, sa edad na bente singko, ang itinuturing ngayong “First Wife” ng Imam mula nang mamatay ang una niyang asawa. May sariling tiangge ng mga sapatos at bag si Haguiar at siya rin ang nangangalaga sa siyam na anak ng Imam. Ang ikalawang asawa namang si Tahora, sa edad na bente kuwatro, kapapanganak pa lang ng bunso. Ang ikatlong asawa na si Nori na 21 anyos, buntis ng tatlong buwan. Ang ikaapat na asawa naman na si Muslima, pinakasalan ng Imam sa edad na 19.

Upang makapagbigay ng pantay na atensyon sa apat, gumawa na si Imam Norsi ng schedule ng kanyang pagkain at pagtulog. Pero hindi pa rin maiwasan ang kumpetisyon.

Ang mga eksena ng di pagkakaintindihan at pagtatalo ng mga asawa ay nakunan ng I-Witness, pati ang mga panahong nagtutulungan ang mga ito sa pagpapalaki ng mga mga bata.

Ang kumplikadong relasyon ng mga Duaya, abangan sa dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo na pinamagatang “Lahat Legal Wife” ngayong Lunes ng hatinggabi sa GMA.

0 thoughts on “Lahat legal wife!”

Leave a Reply