Laban ng Dalawang Reyna

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

Matapos ang ilang linggong paghihintay at pangungulit ng mga mamamayang Pilipino, nagsalita na rin ang reyna sa Palasyo, si Gloria Macapagal-Arroyo, tungkol sa Gloriagate tapes. Inamin niyang nakipag-usap siya sa isang Comelec official habang isinasagawa ang canvassing.

Pero itinanggi niya ang mga akusasyong nandaya siya.

Sa katunayan, kinilala raw ng Namfrel at mga dayuhang observers ang resulta ng eleksyong nagpanalo sa kanya. Sa kabila nito, nag-sorry siya sa mga Pilipino.

?Nagagambala ako. Maliwanag na may kakulangan sa wastong pagpapasya ang nangyaring pagtawag sa telepono. Pinagsisisihan ko ito ng lubos. Pinananagutan ko nang lubusan ang aking mga ginawa at humihingi ako ng tawad sa inyo, sa lahat ng mga butihing mamamayan na nabawasan ng tiwala dahil sa mga pangyayaring ito. Ibig kong tiyakin sa inyo na lalo pa akong magsisikap upang maglingkod sa bayan at matamo ang inyong tiwala,? dagdag pa niya.

Inisa-isa rin niya ang mga bagay na sa tingin niya?y magagandang nagawa niya sa kanyang panunungkulan at sinabing ipagpapatuloy niya ang mga ito. Hinimok niya ang sambayanan na patuloy siyang suportahan.

Umani ng papuri mula sa mga kaibigan at tagasuporta ni Arroyo ang kanyang pahayag. Tuligsa at panawagan ng pagbibitiw naman ang isinukli ng kanyang mga kritiko.

Dalawang araw matapos ang public apology ni Arroyo, sumagot sa kanya ang isang galit na reyna–si Susan Roces?Reyna ng Pelikulang Pilipino at asawa ng yumaong Da King, si Fernando Poe Jr., na pinaniniwalaan ng marami na tunay na nanalo noong nakaraang halalang pampanguluhan. Hindi raw niya matatanggap ang sorry ng Reyna ng Palasyo dahil sinira na nito ang pagtitiwala ng mga Pilipino.

Ang sai niya ungkol sa pakikipag-usap ni kay Comelec Commissioner Virgilio Garcillano o Garci: ?Kasalukuyan pang nagbibilangan noon. Alam niya yun. Alam niyang bawal yun. Alam ng lahat ng mga kandidato, bawal yun, pero ginawa niya. Nilabag niya ang batas! At ‘yun ay inilihim niya. At kung hindi pa lumabas ang tape, kailanman ay hindi natin malalaman.?

Kaytagal raw nanahimik ni Arroyo. Ito raw ay dahil ?may higit siyang pagkakasala na ibig niyang ilihim.? Ibig raw ng Pangulo na muling isahan ang mga tao at itago ang ginawang pandaraya.

?Mrs. Arroyo, habang pinagmamasdan kita sa iyong paghingi ng paumanhin sa amin, sa taong bayan, kitang-kita ko sa ‘yong mga mata, hindi nanggagaling sa ‘yong puso ang iyong paghihingi ng sorry. Kitang kita ko sa ‘yong mga mata na ibig mo na naman kaming isahan!? galit na pahayag ni Roces.

Papuri rin ang inani ni Roces mula sa mga tagasunod ng kanyang asawa, iba pang mga taga-oposisyon, at mga militante. Mula naman sa kampo ni Arroyo, kung hindi pang-i-isnab ay panungutya ang natamo niya. Kinutya siya ng justice secretary ni Arroyo na si Raul Gonzales. Isa lang daw siyang nagrereklamong biyuda ng isang talunan.

Ang madamdaming talumpati ng maybahay ni FPJ ay hindi maiwasang ikumpara sa emosyonal ding pahayag ni Arroyo. Ang pagkakaiba nga lamang, mas natural at mukhang mula sa puso ang mga pahayag ni Roces. Dahil kaya ito sa isa siyang artista, o dahil sinsero siya at walang halong pagsisinungaling o pagkukunwari?

Para kay Manuel L. Quezon III, malaki nga ang pagkakaiba ng dalawang reyna: ?Time and again, Susan Roces has proven herself prudent, wise, and with the true interests of the country in both her mind and heart. She has shown her unswerving devotion to peace, order, property and propriety. She has earned the people?s trust in equal measure to the manner in which the President has lost the people?s trust.?

At sa pagkawala ng tiwala ng taumbayan kay Arroyo, lalong umiigting ang panawagan sa kanyang pagbibitiw. Sa tunggalian ng dalawang matatapang na babae, tila mas nakalalamang ngayon ang Reyna ng pinilakang tabing!

Post a reply