Kita-kits

Habang binabalikan ko kanina ang mga lumang entry at comments sa blog ko, nadako ako sa The Midnight Run. Ang pinakahuling entry ay tungkol sa pagkabagot at pangungulila sa mga kaibigan:

Ayokong magbasa. Ayokong manood ng TV. Ayokong kalikutin ang computer ko. Gusto ko tumambay nang may kasamang kaibigan. Kahit sinong kaibigan.

Dagdag pa ng blogger na nasa ibayong dagat:

Bigla akong naawa sa aking sarili. Bigla kong hinangad na makasama ang tropa ko sa Pinas. Bigla kong nadama na sabik na sabik na pala akong makita sila muli.

May mga pagkakataon talagang gusto nating makasama ang mga kaibigan natin. Noon ngang isang Sabado, nag-schedule ako ng tanghalian sa Chocolate Kiss sa UP kasama ang kasintahan ko at mga kaibigan.

Kaso, ang isa ay agad nang nagpasabing ‘di siya puwede dahil may lakad sila ng mga pinsan niya.

Ang isa naman ay nagsabing titingnan niya, at nagparamdam na lang muli makalipas ang isang linggo, nang di sinasadyang mapadalhan ko ng text tungkol sa tae ng pusa nang mahigit 10 beses.

Hindi naman kinaya ng isa na magising para sa tanghalian dahil naka-duty siya sa call center hanggang ika-3 ng madaling araw.

At ang isa pa, nag-text lamang noong malapit na ang takdang oras, at kung kailan nakapagpasya na akong kami na lamang ni Mhay ang kakain sa Chocolate Kiss.

Halos walong taon pagkatapos ng kolehiyo, napakahirap nang magkahanap ng common time para sa amin. Kasabay ng pagtanda, nagkakaroon tayo ng kanya-kanya at magkakahiwalay ng buhay.

Ang totoo niyan, niloloko lang tayo ng patalastas ng magkakabarkadang kumakain sa Chow King!

0 thoughts on “Kita-kits”

  1. sino ba namang barkada ang magkikita-kita pagkatapos ay sa chowking lang pala kakain. at dun pa mismo sa lamesang kinalakihan nila. ano yun? reserved table?
    hehe

  2. Tsong, totoo ‘yang sinabi mo. Humihirap ang paghagilap ng mga tao kapag nagsimula na kayong magtrabaho. Hintay ka pa ng ilang taon, at kung magsimula nang mag-asawa ang mga katropa mo, lalong hihirap ‘yan.

    Huwag mo na munang isipin kung gaano pa lalong hihirap ‘yan kung mga anak na kayo. Hehehe.

Leave a Reply