Kay Mhay

Mahal, nais ko sanang lumikha ng tula para sa iyong kaarawan. Ngunit sa tulad kong hindi isang likas na makata, mailap ang anyong ito ng panitik.

Hindi ko batid kung paaano ibuburda sa mga salita at bubudburan ng tugma ang aking damdamin para sa iyo, o kung paano lalapatan ng sukat ang bawat tibok ng aking puso. Hindi ko maikukulong sa mga saknong ang mga alaala ng bawat pagkakataong ginugugol natin sa piling ng isa’t isa. Hindi ko maisasalarawan nang nakakubli ang kahulugan ang ating mga palitan at bahaginan ng mga saloobin, pangarap, at pangamba. Hindi ko kayang isatitik sa mabulaklak na panitik ang kilig na dulot ng iyong tinig at ang kiliting dala ng iyong mga titig at dampi. Hindi ko rin maihahanay sa patulang sulat maging ang mga kaisipang makabayan na kapwa natin niyayakap.

Ang natitiyak ko lamang, ikaw ang mapagmahal na lakambining nagpapasigla sa aking payak na panulat, ang marikit na musang kasuyo at katuwang sa pangangarap, ang nagbibigay pag-asang kasama sa pagsaksi sa kadakilaan ng mga obra ni Bathala.

?Yun nga lamang, matulain man ang ating pag-ibig, ayaw kitang alayan ng tulang pilit.

http://www.peyups.com/article.khtml?sid=2958

Leave a Reply