Kariton ng mga pangarap

Noong isang Sabado, naging saksi ako sa katuparan ng isang pangarap. Malaking bagay ito sapagkat ang kaganapan ng pangarap na ito’y kakanlong at magpapayabong sa marami pang mga pangarap.

May tinatapos ako sa Yahoo! nang hapong iyon nang mag-tweet si Andrew, ang makisig at maalalahanin kong pinsan. Papunta raw siya kay Efren Peñaflorida, Jr. sa Cavite. Araw iyon ng pagbubukas ng Kariton Building ng organisasyon ng Pilipinong CNN Hero. Dahil kaladkarin ako nang araw na iyon — at talaga namang bilib sa Dynamic Team Company (DTC) ni Kuya Ef — agad akong sumagot na sasama ako.

DapithaponMahaba-haba ang biyahe namin ni Andrew dahil sa trapik. Itinuloy na lang namin habang kumakain ng libre niyang McDo meal ang mga kuwentuhan at talakayang kadalasa’y sa YM at Twitter lang namin ginagawa. Natawagan pa namin si Tita Mila at nagkumustahan sila.

Natuwa rin kami’t sa daan ay nakalanghap kami ng sariwang hanging probinsya at in-enjoy namin ang tanawin habang kami’y nasa gitna ng papalubog na araw at tabing dagat. Wari’y inalis nito ang pagod sa matagal na biyahe.

Malapit nang dumilim nang makarating kami sa Cavite City. Nahanap din namin ang Kariton Building matapos ang ilang pagpa-ikut-ikot. Sinalubong kami ng mga taga-DTC, kabilang ang kapatid ni Kuya Ef na si Glenis. Tapos na ang programa, pero naroon pa rin ang mga bata.

Kuya Ef and the kidsIpinakilala kami ni Kuya Ef sa kanyang mga kasamahan at inilibot kami sa tatlong palapag na gusali na ang opisyal na pangalan ay Kalingain Batang Mahirap Foundational Center (KBMFC). Tinatawag din itong KarBuil, short for Kariton Building, dahil ang disenyo ng gusali ay parang isang malaking kariton.

Mayroon itong activity area na maaaring pagdausan ng mga pagsasanay at siya na ring silid-aralan. Nasa itaas naman ang aklatang naglalaman ng mga libro, telebisyon, at iba gamit sa pag-aaral. Mayroon ding opisina, kusina, bodega, silid-pulungan, roof deck at viewing deck, pati na rin tenant rooms sa KarBuil.

Isinama kami ni Kuya Ef sa viewing deck sa itaas ng gusali, kung saan tanaw ang dagat sa magkabilang direksiyon. Sa kabila raw ang Bataan, at sa kabila ang Maynila. Habang tinatanaw naming tatlo ang paligid na unti-unti nang nilalamon na ng dilim, hindi ko maiwasang mamangha.

Nakatungtong kami sa isang gusaling nabuo mula sa isang pangarap: ang mithiing magkaroon ng malaking espasyo para sa mga gawaing hihikayat sa mga kabataang ituloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng maraming balakid. Nakatutuwang isipin na sa tulong ng bayanihan, suporta mula sa mga kaibigan, at maraming mga panalangin, nakatayo na ang Kariton Building.

Kariton KlasrumAyon kay Kuya Ef, ang Kariton Building ay hindi magiging isang pormal na paaralan, kundi gagamitin bilang tutorial center. Layunin ng DTC na mahikayat ang mga batang tinutulungan nila na maging mas intresadong matuto at mahalin ang kanilang pag-aaral.

Ikinuwento rin niya sa amin ni Andrew na nakatakda silang makipagpulong kay DepEd Sec. Armin Luistro upang pag-usapan ang pagpapatupad ng programang “Kariton Klasrum” sa ibang bahagi ng bansa.

Habang naghahapunan kami, dumating si James Beltran ng TV5. Nang umakyat sila ni Kuya Ef para sa interview, nakipagkuwentuhan at nakipagkulitan naman kami ni Andrew sa mga bata. (Narito ang report ni James tungkol sa KarBuil.)

Zhenkie and Kuya AndrewNalaman naming ang DTC at ang mother organization nitong Club 8586 ay nagluwal ng mga bagong samahan ng mga kabataan na ang layunin ay tumulong sa iba pang mga kabataan.

Nakilala namin sina Zhenkie ng Caring Children. Nasa high school pa lamang sila, pero mga leader na, at ang kanilang grupo ay may mga buhay na proyekto. Ang kanilang business manager, halimbawa, ay talagang may business: nagtitinda siya ng ice candy noong araw ng pagbubukas ng KarBuil. Ang kinikita nila sa mga ganoong proyekto ay ginugugol naman nila sa outreach activities gaya ng pamimigay ng mga gamit sa paaralan. Sobrang nakaka-inspire ang mga kabataang iyon.

Narito ang ilan pang mga larawan. Meron din sa website ng DTC at sa Flickr ko. Medyo pumalpak ako sa pag-operate ng camera ko kaya di ko nakunan yung iba’t ibang bahagi ng KarBuil habang itinu-tour kami ni Kuya Ef. Samantala, kung napansin ninyong nag-change costume kami, iyon ay dahil bumili kami ng shirts sa Tindahan ng Pagbabago. I-click n’yo lang ang link para makatulong din kayo sa gawain ng DTC.

Caring Children kids Kuya Andrew

Em Bagual, James Beltran, Efren Peñaflorida Jr, Andrew Wolff and Ederic Eder Efren Peñaflorida Jr, Ederic Eder and Andrew Wolff at the Kariton Building launch.

Masaya at inspirado akong nakisakay ulit sa kotse ni Andrew pabalik sa Maynila nang gabing iyon. Maipagmamalaki naming nakausap namin si Kuya Ef, na idolo ng maraming Pilipino, at naging bahagi kami ng pagbubukas ng kanyang kariton ng mga pangarap.

Nawa’y patuloy na lumawak ang kilapsaw ng kabutihang sinimulan ng grupo nina Kuya Ef.

7 Replies to “Kariton ng mga pangarap”

  1. Mabuhay mga kapatid dahil sa munting pangarap nakita at narinig ng buong mundo ang Dream na ito ngayon ito ay isa nang reality at nagbigay ng lakas ng loob sa lahat ng may munting pangarap. I salute to all of you – naiiba kayo Da Best – taas noong Pinagmamalaki, Mabuhay & God Bless you all…………..

    1. Sir, may talumpati ba kayo na about sa hayskul tapos pagbalik mo sa alma matter mo ay isa ka ng isang ganap na doktor, halimbawa, at inanyayahan ka nilang maging guest speaker. salamat po. 🙂

Leave a Reply