Kabaligtaran ng People Power

Maaari bang umusug-usog sa bus?
Maaari bang umusug-usog nang konti? Mula sa pinakalikod na upuan ng bus, nakunan ko ang mga taong ayaw umusog sa loob.
Habang nakapila sa hintayan ng bus sa ibaba ng opisina namin kanina, nasaksihan ko ang isang kabaligtaran ng isa sa mga pundasyon ng People Power.

Depende sa oras at suwerte, mga 15 hanggang 30 minuto ang pagitan ng mga biyahe. Kaya naman nang dumating at tumigil ang bus, pinakiusapan ng konduktor ang mga pumapasok na dumiretso lamang sa dulo para mas marami ang makasakay. But no, ang gusto talaga ng mga kababayan natin ay laging makababa agad. Nagkatrapik-trapik sa malapit sa pinto, pero anluwag-luwag sa dulo ng bus.

Itinuro na nga namin sa konduktor ang nakatayong babaeng pinagmumulan ng pagsisikip dahil ayaw umusog sa loob, pero deadma pa rin ang ale. Maginhawa na siguro siya sa kanyang pagkakatayo, kaya wala na siyang pakialam sa ibang pasahero. Na-bad trip kami. “Sarili lamang kasi ang iniisip!” na lang ang naibulalas ko. Ganyan din lagi ang eksena sa mga train ng MRT.

Di ba’t isa sa pinakabatayang elemento ng ating People Power ay ang “bayanihan”? Ang tuwirang kabaligtaran nito ay ang pag-iisip ng sariling kapakanan — ang ako muna mentality.

Sobrang hirap na nga ba ng buhay sa bayan nating pugad ng luha at dalita para asikasuhin lamang ang sariling kapakanan at wala nang puwang para isipin pa ang kapwa?

May kantang related sa topic na ito si Gary Granada, isa sa mga paborito kong mang-aawit. Ang pamagat ng kanta ay “Kahit Konti”. Di lang ito tungkol sa literal na pagbabahagi ng espasyo sa mga pampublikong lugar, kundi tungkol din sa pagbibigayan sa ating mga posisyon sa iba’t ibang usapin:

O kay raming suliranin araw-araw dumarating
Dahil di kayang lutasin, hindi na rin pinapansin
Subali’t kung tutuusin, ang kadalasang dahilan
Kaibigan, ayaw nilang umusog ng kahit konti.

Mas maisasabuhay ang People Power kung papayag tayong umusog-usog kahit konti.

4 Replies to “Kabaligtaran ng People Power”

Leave a Reply