#JusticeForKian

Habang isinusulat ito, pinakapinag-uusapan ang nangyari kay Kian Loyd Delos Santos, isang 17 anyos na estudyanteng pinatay ng mga pulis sa isang operasyon kontra droga sa Kalookan.

Ayon sa pulisya, biglang tumakbo si Kian nang sitahin ng mga nag-o-Oplan Galugad. Hinabol daw siya ng mga pulis pero naglabas daw siya ng baril at nanlaban. Iba ito sa nasa CCTV ng barangay: ang binatilyo, bitbit ng mga lalaki.

Ayon sa mga saksi, nagsasara ng tindahan nila si Kian nang madaanan siya ng mga pulis. Dinampot daw ng mga pulis si Kian, piniringan, at pinilit na magturo ng mga sangkot sa droga. Binigyan din daw ng siya ng baril saka pinatakbo at pinaputukan.

Natagpuan si Kian na nakasubsob, may hawak na baril, at may shabu sa katawan. Tanong ng tatay niya, paano makapagsusukbit ng baril si Kian sa maluwag niyang pantulog na shorts? ‘Di raw kaliwete si Kian, pero bakit nasa kaliwang kamay ang baril? Wala ring masamang rekord si Kian sa barangay o sa eskuwela.

Matapos maibalita, mabilis na kumalat sa social media ang masaklap na sinapit ni Kian. Kinondena ng netizens ang pagpatay kay Kian at ang madugong giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Muling ini-share sa Facebook ang mga news article na nagrereport sa pag-uutos ni Duterte sa mga pulis na lagyan ng baril ang mga suspek para palabasing sila’y nanlaban: “O, pag walang baril, walang — bigyan mo ng baril.”

Ginamit sa Twitter ang hashtag na #JusticeForKian para ipahayag ang pagkalungkot, galit, at para sa ilan, pagsisi na ibinoto nila si Duterte. Marami ang nag-tweet na naiyak sila matapos mabasa ang nangyari kay Kian. May mga nadurog ang puso matapos mapanood ang video ng nagdadalamhating ina — isang OFW na umuwi para ilibing ang kaniyang anak.

Lumabas din sa social media ang panawagan ng pagdalo sa “Himagsikan #ParaKayKian,” isang pagtitipong itinakdang gawin sa People Power monument sa gabi ng paggunita sa pagpatay kay Sen. Ninoy Aquino. Naging abala naman ang DDS influencers — na nakilala sa pagkakalat ng fake news noong panahon ng kampanya — sa paglalabas ng mga kuwentong nagsasangkot kay Kian sa droga.

Ang social media, lunan ngayon ng tunggalian sa pagitan ng mga Pinoy na sumisigaw ng katarungan at ng mga nagtatanggol sa kanilang pinunong bukambibig ang pagpaslang.

Unang nalathala sa Dyaryo Pilipino. Galing sa Philippine Observer ang larawan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *