Juetenggate 2?

Inuulit daw ng kasaysayan ang kanyang sarili.

Napilitang umalis si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa Palasyo ng Malaca?ang dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na sugal na jueteng. Ibinuking kasi siya ng kanyang kabarkadang si Chavit Singson na pati siya’y kumikita rin sa jueteng. Lalong nagalit ang bayang noo’y punung-puno na sa kalabisan ng rehimeng Estrada. At naganap ang People Power 2.

Nagmamadaling umakyat sa puwesto si dating Pangalawang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Pero kahit pangulo na, hindi maiwasang masangkot ang kanyang pangalan sa jueteng dahil sa kaugnayan niya kay Bong Pineda, na ayon sa mga ulat ay pinaghihinalaang isang jueteng lord. Ninang kasi si Arroyo ng isa sa mga anak na lalaki ni Pineda.

Ang sagot ni Arroyo nang kapanayamin siya noon ng Time magazine tungkol dito, hindi raw siya nakikipag-inuman o nakikipaglaro ng mah-jong sa mga katsokaran ni Pineda. (Siyempre, patama ito kay Erap na nagkaroon ng midnight drinking cabinet noong kanyang panahon sa Palasyo.) Sa katunayan, noong kunin daw siyang ninang, pinayuhan siya ni Jaime Cardinal Sin, dating arsobispo ng Maynila, na bilang Kristiyano ay hindi niya ito dapat tanggihan dahil ang kasalanan ng ama ay hindi kasalanan ng anak.

Nakasama sa suwerte ni Arroyo ang mga sumama sa People Power 2 tulad ni Chavit Singson, kahit siya mismo?y jueteng lord noong panahon ni Estrada. Nabigyan pa nga siya at ang kanyang kapatid ng puwesto sa pamahalaan. Samantala, pumustura naman laban sa jueteng si Arroyo. Agad na binuo ng kanyang administrasyon ang Task Force Jericho na rumatsada laban sa jueteng at iba pang legal na pasugalan. Nanindigan din siya laban sa pagsasaligal ng sugal. Wika rin ng Pangulo, trabaho raw ng Kongreso na desisyunan ang usaping ito.

Muling nabuhay ang isyu sa kaugnayan sa jueteng ng pamilya ng kasalukuyang Pangulo nitong mga nakalipas na linggo, lalo na nang magbigay ng testimonya sa Kongreso si Archbishop Oscar Cruz. Bukod sa pagiging arsobispo ng Lingayen-Dagupan, lider din siya ng Krusadang Bayan Laban sa Jueteng, isang multi-sectoral watchdog na pinangungunahan ng Simbahang Katoliko. Sinabi ng obispo na may 13 bilyong piso taun-taon ang inilalabas ng mahigit isang dosenang gambling lords upang suhulan ang mga opisyal ng gobyerno. Kahit hindi naman sila tuwirang isinangkot, kinuwestiyon ni Juan Miguel”Mikey” Arroyo ang mga sinabi ng obispo at ang kredibilidad ng mga pinagkunan niya ng impormasyon. Nababanggit na kasi noon sa mga ulat sa media ang kanilang pangalan.

Si Unang Ginoo Jose Miguel “Mike” Arroyo naman, humirit ng ganito: ?We are not stupid to get involved in an issue that deposed former President (Estrada).” Oo nga naman. Kaya lang bakit kaya ayaw silang tantanan ng intriga?

Nitong linggong ito lang, may mga testigong diretsahan nang nag-ugnay sa mag-amang Arroyo sa jueteng. Sabi ng isa, nangolekta raw siya ng pera mula sa mga jueteng lord para sa isang dating tauhan ng Palasyo, at naniniwala siyang napupunta sa Unang Ginoo ang pera. Ang sabi naman ng isa, tumatanggap daw ng allowance mula sa mga jueteng lords ang anak ng Pangulo.

Kapag sinuring maigi, tila wala ngang basehang direktang mag-uugnay sa mag-ama sa jueteng ngayon. Pero sabi nga ni Senador Panfilo Lacson, marami pang maaring mangyari. Sa pagkakataong ito, mauulit kaya ang kasaysayan?

0 thoughts on “Juetenggate 2?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *