Fake news pa more

Mula sa social media, napanood kamakailan ng madla sa telebisyon sina Mocha Uson, RJ Nieto alyas Thinking Pinoy, at ilan pa nilang kakosa. Ipinatawag sila ng Senado bilang resource persons sa pagdinig kaugnay ng fake news.

Si Uson, dating dancer at ngayo’y assistant secretary sa Presidential Communications Operations Office, ay tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte. Naikabit sa fake news ang pangalan niya dahil sa Facebook posts niya na may maling impormasyon o larawan. Ini-share ni Uson dati ang post ng campaign spokesperson ni Duterte tungkol sa umano’y panggagahasa’t pagpatay sa isang bata na ‘di raw kinokondena ng human rights advocates, mga obispo, at mga tinatawag nilang “presstitutes.” Pero ang litratong ginamit sa post, sa Brazil pala nangyari ilang taon na ang nakalilipas.

May post din si Uson na kino-quote ang aniya’y Article 263 ng Saligang Batas. Nagse-share din siya ng articles ng mga kung ano-anong blogs na nagkukunwaring news websites pero ang laman ay puro propaganda ng diehard Duterte supporters. Ipinost din niya ang umano’y bank accounts ni Sen. Sonny Trillanes, na kalauna’y inamin ni Duterte na inimbento lamang niya. Kinasuhan na si Uson ng senador dahil dito. Ginagamit din ni Uson ang Facebook page niya para batikusin at siraan ang oposisyon, pati na ang media ‘pag ‘di pabor sa kaniya ang balita.

Ang Thinking Pinoy ni Nieto, kabilang naman sa listahan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ng websites na may lamang impormasyong peke o kaya’y ‘di verified. Binatikos din siya ng National Union of Journalists of the Philippines dahil sa muli niyang pagbanggit sa Senate hearing ng akusasyon laban sa photojournalist na si Jes Aznar. Pinatunayan na ng Vera Files na mali ang sinabi ni Nieto.

Ang articles na ibinabahagi ng mga nagpapakalat ng fake news, kung ‘di sadyang gawa-gawa lang, hinanapan ng bagong anggulo para maisulong ang ideyang nais palabasin ng mga propagandista. Estilo ito ni Uson at ng iba pang DDS sa social media noong kampanya, at ‘di nila ito binitiwan kahit nanalo na si Pangulong Duterte.

Nasa atin na ngayon ang desisyon kung magpapauto tayo sa mga pekeng balita at sa mga nagkakalat ng mga ito sa Internet.

(Unang nalathala sa Dyaryo Pilipino. Galing sa PCOO ang larawan.)

Post a reply