Dito sa Pilipinas

Sampung bahagdan na ng ating populasyon ang nasa labas, pero napakaraming Pilipinong nagkukumahog paalis. Kawalan ng trabaho at pagkakataon ang kadalasang reklamo. Hindi natin masisisi ang karamihan sa mga nagnanais lumabas ng bansa at magtrabaho nang ilang panahon sa ibayong dagat. Kailangan nilang buhayin ang kanilang pamilya. Sabi rin ng gobyerno, tumutulong sila sa ekonomiya dahil sa mga padala nila.

Pero nakapanlulumo iyong mga gusto nang manirahan sa ibang bansa, lalo na kung sila ‘yung mga mapapalad na nakapasa sa entrance test ng Unibersidad ng Pilipinas at naging iskolar ng bayan, o iyong mga di man paaral ng bayan ay mga topnotcher sa board exam ng kanilang propesyon. Hindi kapani-paniwalang kakapusin sila ng pagkakataon.

Naalala ko ang galit na reaksyon ng isang kaibigan ko nang mabasa ang istorya ng isang Elmer Jacinto:

“Valedictorian ka ng isang iskuwelahang madalas makapagpatala ng topnotcher sa medical board exam — ang Our Lady of Fatima College — at ikaw ay nag-number one sa board. Huwag mong sabihing mangingibang-bansa ka dahil wala kang oportunidad sa sarili mong bansa. Walang pagamutan sa Pilipinas na tatanggi sa ganitong mga kredensiyal.”

Ang pag-alis ng mga tulad ni Elmer maaari ang nagbibigay ng ideya sa ilan upang isiping ang mahuhusay ay nagsisitalunan na palabas upang iwan ang lumulubog na bangka, at ang mga bobong Pinoy na lang ang naiiwan.

Noong isang taon, isang Pilipinang blogger na nakatira sa Europa ang nagpadala ng sulat sa mga diyaryo sa Pilipinas. Binatikos niya gobyernong Arroyo, at sa kanyang sulat ay may linyang ganito: “what with over eight million or so Pinoys, Pinays of better caliber having left the country”.

Sinagot ni Prof. Luis Teodoro sa kanyang artikulong “A Pinoy of better caliber” ang sinabing ito ng Pilipinang blogger. Malamang aniya, ang attitude ng blogger na ito ay kapareho ng mga Pinoy na umalis sa bansa upang maghanap ng “greener pasture” sa Europa at Amerika at kadalasa’y akala mo’y kung mga sino na kapag nagsalita tungkol sa mga problema ng Pilipinas.

“All that readiness with advice is premised on the assumption that those Filipinos still hanging on in the country of their sorrows just don’t know any better — and are, in fact, less intelligent and of lesser caliber than those who’ve left the country,” ayon kay Prof. Teodoro.

Nakakapikon talaga ang ganiyang pagmamarunong ng mga Pilipinong namamahinga sa pagiging Pilipino — o tuluyan nang iwinaksi ang pagiging Pilipino — at nasanay sa buhay sa ibang bansa.

Tila hindi na tayo nakawala sa karanasan ng pagiging kolonya. Nasanay na tayo sa pagsisilbi, at mismong ang sistema ng ating edukasyon ay may ganitong orientasyon. English daw ang dapat gamitin sa mga paaralan. Bakit? Upang maging call center agent o makalabas ng bansa at maging mahusay na tagapaglingkod ng mga dayuhan.

Pero kung yakapin kaya natin ang sariling wika, pagtibayin ang pambansang pagkakakilanlan, at turuan ang mga kabataang tumayo sa sariling paa?

Ayon sa mga aklat ng kasaysayan, bago pa tayo sakupin ng mga Kastila ay nakikipagkalakalan na tayo sa mga taga-ibang bayan. Di kaya’t mahusay talaga tayong negosyante?

Wika nga ni Aileen Apolo ng Google Pilipinas sa kanyang blog:

“What’s important to note is the fact that Filipino entrepreneurs are good businessmen and we have a lot of opportunities. We just need to discover them and make it work.”

Ginawa niyang halimbawa ang kuwento ni Jovel Cipriano ng Pinoydelikasi.com, na iniwan ang magandang trabaho sa IBM, nagsimula sa puhunang P10,000 sa pagbebenta ng mga pagkaing Pilipino sa Internet, at ngayo’y matagumpay na. Binanggit din ni Aileen sina Janette Toral ng Digitalfilipino.com, Charlie Gaw ng Wedding Library, at Noemi Lardizabal-Dado, mga Internet entrepreneurs. Maaari nating isama sa listahang iyan sina Abe Olandres ng Yugatech at Ploghost, at Marvin Salazar ng Marvin’s Web.

Hindi pa rin ako kumbinsidong sadyang mga bobong Pinoy na lamang ang naiiwan sa Pilipinas. At tulad ni Aileen, hindi ako naniniwalang wala na ngang natitirang oportunidad dito.

Sa UP halimbawa, may mga magagaling na propesor na maaaring kumita nang limpak-limpak kung pipiliing magturo sa ibang bansa. Pero mas gusto nilang tulungan ang mga kabataang kababayan at maging mabuting halimbawa nila.

Maging sa mga Pilipinong naninirahan na sa ibang bansa, tila may magneto ang Perlas ng Silangan na nanghahalina sa kanila upang bumalik sa bayang itong para sa kararamiha’y pugad ng luha at dalita.

Si David Poarch o Coconuter, isang twenty something Fil-Am ay may maayos na buhay sa Amerika, at dahil sa mahusay na academic background ay di kukulangin sa pagkakataon doon. Pero mas pinili niyang maglagalag sa Pilipinas upang maranasan ang buhay rito.

Si Martin Bautista ng Ang Kapatiran, isang doktor na produkto ng UP pero sa Amerika rin nanirahan at nakatagpo ng magandang buhay, bumalik sa Pilipinas upang dito manggamot.

Siguradong hindi mauubusan ng nakaka-inspire na mga istorya ng Pilipinong tumatangging lisanin — o nagtatangkang balikan — ang ating bansa.

Para naman sa mga katulad kong kung tatanggapin ang paanyaya ng mga kamag-anak sa ibayong dagat ay pupuwedeng makapag-aral, o kaya’y makapagtrabaho, o permanenteng manirahan sa labas ng bansa, lagi kong aalalahanin ang sinabi ni Aileen minsang nagcha-chat kami: “We have a moral obligation to stay here and help the country.”

0 thoughts on “Dito sa Pilipinas”

  1. Maraming salamat sa pag-mention Ederic! Sabi nga ng Kuya ko sa akin nung isang araw, sa ating sitwasyon nating ngayon hindi natin kailangan ng kapwang naninira. Sa Gawad Kalinga pa lang eh, makikita mo nang nagtutulungan ang Pilipino. Kailangan lang natin maniwala at magtulungan 🙂

  2. I really don’t know if the COMELEC officials (all handpicked by Mrs. Arroyo) can disqualify Mr. Chavit Singson as a senatorial aspirant this week. For one, Singson is a known ally of Mrs. Arroyo- the one who had annointed and chosen the present leadership of the COMELEC. I think all COMELEC officials should be annointed and chosen by the members of a non-partisan body in our government. Such should be the task of the Supreme Court’s justices. The Supreme Court is suppossed to be a non-partisan body in our government. Mr. Chavit Singson definitely violated certain election-rules. Can Mr. Abalos disqualify Singson? If Mr. Abalos can’t do the job of reforming the COMELEC and the political-election system, then he should voluntarily resign from such a post at the COMELEC.

  3. Hello-thanks for visiting my site. I’m one of those Filipino that live outside of the Philippines. I’ve been here since I was a kid, my parents brought me here. I agree, there are some Filipinos that feels the same way as the author of “A Pinoy of better caliber”, but not all.

    How can you be of better caliber when you’re living your life outside your country and you are regarded to as “Aliens”?

  4. Ako rin ay isa sa mga pinoy na maaari mong itulad sa mayayabang na Pilipino na kung magsalita ay parang tinalikuran na ang sariling bansa. Bakit? Kasi pag naririnig ko ang mga walang kakwenta-kwentang balita sa Pilipinas, ang mga “katangahan” ng maraming Pilipino pagdating sa pagboto at pagpili ng pinuno, ang pagpayag ng karamihan sa nakikitang corruption at masamang gawain ng nakakataas, ay talagang karumal-dumal. Kadalasan, hindi na ako nanonood ng balitang Pilipino, nakiki-“chat” at nakiki-forum sa mga pinoys, kasi kung hindi ka babansagang “nagmamagaling kasi nakaalis lang ng Pinas”, ikaw ay “mayabang” at hindi Pilipino. So be it. Nakakapagod kasi maging Pilipino dahil na rin sa attitude ng karamihan ng Pilipino. Oo, “katulong” nga kami ng dayuhan pero mas maganda ang trato nila kesa sa mga Pilipinong nagmamataas e hindi naman maayos ang sarili nilang gobyerno.

  5. madalas hindi ko rin masisisi ang mga katulad ni raspberry, walang dahilan kasi para sisihin ang magagawa lang ng sa tingin nila mahal nila ang pilipinas ay ang umunawa syempre at isipin kung bakit ba may ganitong kaisipan? yung hindi ko pagsisi sa kanila ay siya ring hindi ko pagsisi sa mga simpleng mamamayan na bumoboto sa dati,bago at artistang pulitiko. ibig lang kasi sabihin nito hindi sila nawawalan ng pag-asa. kaya lang syempre isang malaking kwestyon yung kung may pag-asa nga bang maibibigay yung mga taong nabanggit ko. edukasyon pa rin ang kailangan dito.

  6. Bakit ganito tayong mga tao?
    Bakit sisisihin natin ang buong nation sa kasalan ng konting tao. Kasalanan ba ng lahat ng Pilipino na meron tayong bulok na gobyerno?

    Bakit itatakwil natin ang sariling bayan kung ang may kasalanan ay ang mga Pilipino na naka-chat or naka-forum? Kasalan ba ng buong Pilipinas na bastusin tayo ng kakilala? Bakit sisisihin pati na ang hindi kakilala?

    Natuto na rin ba tayong mag STEREO-TYPE at kahit na kapwa natin Pilipino ay ina-angatan natin?

    Lumingon ka kaibigan. Baka sakaling naandoon pa ang iyong pinanggalingan.

  7. Hindi mananalo ang mga politikong mangmang at walang nalalaman sa pagpapatakbo ng isang tunay na gobyerno kung hindi karamihan ng Pilipino ay sumasang-ayon dito. Para bang hindi magiging talamak ang corruption kung iilan lamang ang sasang-ayon dito. Sa dahilang naghihirap ang KARAMIHAN sa Pinoy, at karamihan ng nakaupo sa gobyerno ay walang inatupag kundi magpayaman, iyan ang batayan sa pagsasabing corrupt ang mga Pilipino at masama ang ugali ng nakakarami.

    Umuwi ka ng Pilipinas dahil puno ka ng pag-sasa, pero ang daratnan ay bulok na sistema. Magbago ka man, ang kahahantungan lamang ay ang pagdurusa ng pamilya mo at mahal sa uhay.

    Oo, maaaring nakatira ka sa isang sikat na subdivision sa PIlipinas, may magandang trabaho, at sa tingin mo ay maganda ang kinabukasan mo. Pero paano kung magkakaroon ka ng anak na may kapansanan, o may “learning disability”? E di pagtatawanan lang sya ng lipunan, hindi bibigyan ng benepisyong nararapat sa kanya, paano ang magiging anak nya? Mabubulid sa kahirapan, ng dahil sa hindi kagustuhan ng magulang na magkaroon ng kapansanan.

    Paano kung magkasakit ka, at kulang ang perang naipon mo sa pagpapagamot? Hindi mo kayang pumunta sa Makati Med o sa St. Luke’s, kaya mamatay ka na lang, dahil hindi ka makakuha ng tulong sa gibyernong pinagsilbihan mo ng buong buhay mo.

    Yan ay ilan lamang sa mga tanong na dapat mong sagutin kung gugustuhin mo bang manirahan sa Pilipinas. At kung ikaw ay magigipit, pipiliin mo bang maging isang Pilipino o maging citizen ng isang bansa na aalagaan ka pag kailangan mo ng tulong.

    May gobyerno nga ba ang Pilipinas? May batas pa ba na maayos na pinatutupad? O pera lang ang katapat ng bawat suliranin ng Pilipino?

  8. I think it’s funny that you would use Coconuter as an example. Some people would consider him as smart and deep while some will dismiss him as a desperate attention whore with issues – I tend to see him as a combination of those two qualities.

    Martin Bautista just proved the point. Doctors don’t get a good start here in the country. It’s ironic that the Philippine General Hospital is the best-paying hospital in the country. After 9 years (or more) of education, you would expect more than 15,000 a month in compensation, right? Yes, the topnotcher would’ve made it to a good hospital (but then again with Fatima’s reputation for leakages, I wouldn’t even guarantee it), but he’s definitely making more now.

    You can’t expect everyone to be heroes. Be happy that you’re one – but I think it’s wrong to expect everybody else to be martyrs especially if the prospect of a better life presents itself.

    The Philippines is a promising place for entrepeneurs – and entrepeneurs alone.

    And yes, I agree with the directive that English should be the medium of instruction. Cory Aquino changed it to Filipino and for some reason, aptitude scores went down as well.

    If you’re a hero for having faith in the Philippines and staying here, good for you. I admire your tenacity and optimism. Hopefully it’s still a free country were citizens make individual legal decisions.

  9. Aileen: Sobrang saludo rin ako sa GK.

    Mon: Salamat din sa pagtambay rito.

    rasp: Sa tingin ko sa ‘yo, di ka kabilang sa nagmamayabang na grupo ng “pinoys of a beter caliber.” sa maikling panahon ng online interaction natin, genuine concern at hindi pagmamataas ang nakita ko sa ‘yo. paumanhin kung na-offend ka. naiintindihan ko rin naman yung mga hinaing mo hinggil sa kabulukan sa Pilipinas.

    Benj: Salamat sa pagbisita at pakikilahok sa talakayan. 🙂

    Pwedeng para sa iba ay papansin nga si Coconuter, pero sino ba sa ating mga bloggers ang hindi? Ang punto ko ay iniwan niya ang maginhawang buhay sa US para maranasan ang mabuhay sa Pilipinas.

    At si Dr. Bautista, narito na nga ulit sa Pilipinas. Yung taga-Fatima, mukhang wala namang napabalitang dayaan noong panahon nila.

    Yung sa isyu ng English, nakapagtatakang isinasaksak ito ng mga elitistang opisyales ng gobyerno sa mga batang Pilipino gayong sagabal iyan sa pagkakaintindihan ng guro at mga mag-aaral, at siyempre, sagabal din sa maaayos na pag-aaral.

    Biruin mo ba namang yung guro na nag-iisip sa Tagalog, o Bisaya, o Ilokano ay magsasalin pa sa English ng kanyang ituturo sa mga estudyante. Siyempre yung estudyante naman na ang taal na wika ay Tagalog, o Bisaya, o Ilokano, isasalin pa rin mula sa English ang itinuro ng guro bago nila ito maintindihan. Aba’y di ba’t malaking abala? E kung turuan kaya sila sa Tagalog, Bisaya, o Ilokano–sa wikang ginagamit nila sa pag-iisip–di ba’t mas matututo sila?

    Syempre, exception dito ang ilang mga batang anak ng mga elististang Pilipino na maliit na bata pa lamang ay kinakausap na ng mga kanilang mga magulang sa banyagang wika, at parang nagbo-Boracay lang kung makabakasyon sa Estados Unidos.

    Wala namang nagpapakabayani rito. Hindi ako nag-eepal na bayani ako dahil nananatili ako sa Pilipinas.

    At wala rin akong hinihiling na magpakabayani tayong lahat–bagama’t maaari nga sigurong sa tingin ng marami’y maituring na pagpapakabayani ang pagtitiis sa bansa natin. Ang sinasabi ko lang, sa kabila ng lahat masarap pa ring mamuhay sa sariling bayan; hinahangaan ko iyong mga nagtitiis dito sa kabila ng di kaayaayang kalagayan; at nakakairita yung mga dating Pilipinong kung makapagsalita tungkol sa bayang ito ay para bang alam na ang lahat ng nangyayari rito.

  10. nakalulungkot talagang isiping hindi maintindihan ng karamihan kapag pinipili ng isang taong manatili sa Pilipinas kahit may pagkakataon nang mangibang-bansa. Saludo rin naman ako sa mga lumalabas, dahil hindi rin birong sakripisyo ang malayo sa pamilya at mamuhay bilang isang dayuhan, pero sana wag din naman nilang laitin yung mga nagde-desisyon na manatili at dito mag-silbi sa bayan

  11. i wanna share my experiences with our kababayans sa abroad..first of all, di ako nagmamagaling dahil laki ako sa maynila sa middle class na pamilya..alam ko paanong makibaka sa hirap ng buhay at tumayo sa sariling paa dahil sa maynila kahit kapitbahay mo suerte ka pag tinululungan ka sa problema mo…di gaya ng mga laki sa probinsiya mas may magandang loob na sasaklolo sa yo.
    my point is, tayong mga pinoy maraming insecurities na kahit sa abroad ay dala dala pa ng iba.

    una ang insecurity sa edukasyon…isa na doon ang mga coconuters na yan ma pa abroad or sa pinas nag work eh mga sipsip ang labas dahil walang guts na ibubuga..dyan naguumpisa ang corruption …palakasan system..

    pangalawa, ang insecurity sa status ng buhay nila..yon ang mga mayayabang na todo signature ang dala ng katawan at materials ng buhay akala mo mga gintong kumukutitap ang akala nila titingalain sila ng tao dahil goldie sila pati buhok ..i doubt kung madadala nila pag na dedbol sila..

    i think we have to keep and educate ang mga pinoy in English DIN coz it’s a universal language para di naman tayo tanga like mga asianang neighbor natin..in fact, i remember yong speech prof. ko na incomplete ako sa subject yon pala ang bansang titirahan ko ay mga accent ng bisaya at sounds like mga ibong pipit whatever…anyway, hanga sila sa mga pinoy accent in English kakaiba daw like mga yankees …but yong mga coconuters nagpipilit talaga …LOL ..nice to be heard TY..

    PS…sabi nga ni lolo Jose .not sure
    ANG HINDI MARUNONG LUMINGON SA PINANGGALINGAN ..DI MAKAKARATING SA PATUTUNGUHAN.
    AT YONG MGA BITTER CALIBERS ..MAS HIGIT PA KAYO SA MALANSANG ISDA !!

    G T G…. GOD BLESS PHILIPPINES &
    GOV’T OFFICIALS ..

  12. Para sa akin hindi naman masama ang mangibang bansa para magtrabaho and to seek green pasture kasi sa buhay natin kaakibat na ang gumawa ng mga choices,basically, all of these are the products of globalization,dahil sa globalisasyon ito ay nagbibigay ng iba’t ibang oportunidad sa mga tao at nasa sa tao yon kung iga grab nya ba yong opportunity na yon pero ang nakikinabang ng malaki talaga sa phenomenon na ito ay yong mga transnational/multi-national companies. Para sakin hindi pa handa ang pilipinas na buksan o yakapin ang globalisasyon at hindi pa ito angkop sa merkado kaya marami ang nadidiscourage na mga local investor na mamuhunan sa bansa at nadodominate na ng mga dayuhan ang merkado kaya marami ang nagsasara na mga business local firm. At sa usapin naman sa problema sa gobyerno, sinasabi ng iba na ikinahihiya nila na sila ay Pilipino at sawang-sawa na daw sila sa mga kabuktutan sa gobyerno at ibat-ibang problema ng bayan tulad ng walang pag asenso,famine etc., dito ay hindi ko sil masisisi kung bakit nila nasabi yon pero nais ko lamang na maipaunawa sa kanila na lahat tayo ay may responsibilidad sa bayang ito,at sa pagsugpo ng mga problema sa gobyerno tulad ng graft at corruption sinasabi ng iba na kung bakit daw hindi matigil tigil ito, again gusto ko lang na maemphasize na hindi po talaga mawawala ang korapsiyon sa gobyerno subalit nalilimitahan lamang ito, tulad na lamang ng kahirapan, we cannot totally eradicate the poverty but we can lessen it……
    Pilipinas umasenso ka!!!!!!

  13. Sa katunayan, ilang beses na akong makasalamuha ng ilang Pinoy Blogger na akala mo kung sinong magaling magbigay ng advise para sa kalagayan ng ating bansa. Hindi porket nakatuntong sa ibang bansa at duon nanirahan ng matagal na panahon isa ng dakila ng bayan. Oo, inaamin natin ang malaking kontribusyon ng mga OFW at iba pang Pinoy na nasa malayong dagat ngunit hindi dapat gawing basehan ang paninirahan duon upan magpanggap na ekonomista ng ating bayan. Grrr…..

Leave a Reply